SAGOT SA MGA “NAGSASALITA NG MASAMA”
LABAN SA PAMAMAHALA NG IGLESIA
PART 3
Patuloy na nagtatago sina Antonio Ebanghelista at ng
mga kasama niya sa pagsasabing hindi naman daw sila lumalaban sa Pamamahala ng
Iglesia. Subalit, huwag po tayong padadaya, sapagkat ang sinasabi nilang “nay
katiwalian sa Iglesia” ay tahasang paglaban sa sinasabi ng Tagapamahalang
Pangkahalatan, ang Kapatid na Eduardo V. Manalo, na “Walang katiwalian sa
Iglesia.” Kaya, hindi po mali na tawagin sila na “Kumakalaban sa Pamamahala ng
Iglesia.”
Upang ipakita na nagkaroon ng malaking pagbabago sa
kalagayan ng Iglesia mula sa panahon ni Kapatid na Eraño G. Manalo at sa
panahon ni Kapatid na Eduardo V. Manalo ay pinost nila sa Social Media ang
bahagi ng teksto ni Ka Erdy na itinuro niya sa pagsamba noong December, 1985 sa
Lokal ng Malabon na sinasabi ang ukol sa tagubilin sa kaniya ni Ka
Felix na huwag papayag na ang Iglesia ay magkautang. Pinalalabas nila na
nalabag ito sa panahon ngayon ng pamamahala ni Kapatid na Eduardo V. Manalo.
Kung papaano ay ganito ang sinasabi ng mga “kumakalaban sa Pamamahala ng
Iglesia”:
“…Ito po ang isa sa napakaraming pagkakautang ng Iglesia
ngayon….
“Ang mababasa po ninyo ay isang confidential report na
naka-adres sa Tagapangasiwa ng Japan na si Kapatid na Manny Benedicto. Ang
gumawa po ng report na ito ay ang Japanese na Pangulong Diakono na siyang
nakikipag-ugnayan sa Legal Department sa Central at sa Japanese na abogado sa
Japan. Ang report na ito ay mula po sa translated-japanese report na ginawa ng
Japanese Lawyer sa Japan ukol po sa napakaling suliranin na kinakaharap ng
Iglesia Ni Cristo sa Japan na kamakailan lamang po ay naiparehistro na sa
gobyerno ng Japan. At dahil po sa hindi masinop na napangangasiwaan ng
Tagapangasiwa na si Ka Benedicto ang ukol sa taxation duties ng Iglesia ni
Cristo sa pamahalaan ng Japan. Ang bagay na ito ay ilang beses ng isinulat ng
mga kapatid kay Ka Benedicto at maging sa Tanggapan ng Ka Jun Santos subalit
laging hindi ito binibigyan ng pagpapahalaga. Bilang katunayan ay overdue na
ang dapat sana ay nabayaran na ng Iglesia Ni Cristo sa pamahalaan ng Japan kaya
ang resulta ay nagkaroon tayo ng utang nakailangang bayaran na 40Million Yen.
Mabuti sana kung ang problema lang ay pera na maaari namang bayaran subalit
dahil sa ito ay overdue, marami pang penalties na kaakibat nito at ang
pinakamabigat pa sa lahat ay nanganganib na mapasara at mapawalang bisa ang
pagkakarehistro ng Iglesia sa Japan at mapaparusahan ang Iglesia Ni Cristo,
ibo-broadcast sa Japanese TV at malalantad sa kahihiyan dahil sa kasong TAX
EVASION.”
Ang nakabasa ng iniulat na ito nina G. Antonio Ebanghelista
at ng kaniyang mga kasama na “kumakalaban sa Pamamahala ng Iglesia” ay totoong
nanlumo. Pagnagnakataon nga naman ay “nakakakahiya” ang Iglesia at malaking
problema ito. Kaya nga sa unahan ng artikulo ni G. Ebanghelista ay ganito ang
kaniyang sinabi ukol dito:
“PAKSA: PROBLEMANG PANGPANANALAPI SA DISTRITO NG JAPAN DAHIL
SA TAX EVASION AY NASASAPANGANIB NA MAPATAWAN NG PARUSA, MAGMULTA AT MAPASARA
ANG IGLESIA NI CRISTO SA JAPAN DAHIL SA HINDI PAGBABAYAD NG BUWIS”
Dahil sa kinakaharap na malaking suliraning ito ng Iglesia
sa Japan, binuntunan ni G. Antonio Ebanghelista ng sisi ang mga ministrong
nangangasiwa sa Japan at sa Pananalapi ng Iglesia:
“Kung mapapansin ninyo ay pawang purong kapabayaan sa pananalapi
ang isyu kaya napipinsala ang malinis na pangalan ng Iglesia at
napapasapanganib ang paglilingkod ng mga kapatid.”
Para ipakita ni G. Antonio Ebanghelista na “TOTOO” ang
sinasabi niyang ito ay ganito ang kaniyang idinagdag:
“Itong dokumentong ito ay nakalagay sa isang folder na may
nakasulat na STRICTLY CONFIDENTIAL at ipapadala sa Tagapangasiwa ng Japan sa
layunin na ito sana ay maaksyunan na. Sa layunin ng mga kapatid na matiyak na
hindi ito ma-cover up na naman gaya ng mga nagdaang pangyayari sa layunin na
huwag mapasama ang imahe ng Tagapangasiwa. Dahil sa ilang beses na itong
ipinagsawalang bahala ng Tagapangasiwa, may ilang mga kapatid ang nagpasyang
kunan ito ng larawan at ipinadala sa amin upang maisiwalat natin ang matagal ng
nagaganap na problema sa Japan ng dahil sa hindi masinop na pananalapi at
pangangasiwa.”
Mayroon daw po na “matibay na pinanghahawakan” sina Antonio
Ebanghelista sa kanilang ibinunyag na “malaking problemang” ito ng Iglesia sa
Japan, ang kinakaharap na kasong tax evasion. Tsk. Tsk. Tsk. Bilang pagbubunton
pa ng sisi sa “kapalpakan” at “katiwalian” ng mga nangangasiwang minsitro ay
ganito pa ang kaniyang sinabi:
“Sa halip na pagtakpan pa ang problemang ito at
maisapanganib pa ang paglilingkod ng mga kapatid sa Japan na kay tagal na
hiniling sa Panginoong Diyos na sila ay malayang makapagsagawa ng paglilingkod
sa Ama, ng dahil lang sa kapabayaan at kapangahasan ng ilang mga tiwaling
Ministro sa hanay ng Ka Jun Santos, Ka Manny Benedicto at mga kasama pa nila na
pilit na binabaluktot ang batas ng dahil sa pansariling pakinabang. Sana,
ngayon na ito ay nalalaman na ng lahat ng mga kapatid na sumusubaybay dito,
sana naman ay gawan nyo na ng tamang aksyon at hindi ang pagtakpan pa ang
problemang ito at ipagwalang bahala uli.”
Pagkatapos nito ay ipinakita na niya ang mga “lawaran” nang
sinasabi niyang confidential report. Sa mga nakabasa ng artikulong ito ni
Antonio Ebanghelista at nakita pa ang mga pictures nang sinasabi niyang
confidential-report ay talagang nanlumo at ang iba pa ay nagalit. Sabi nga ng
iba ay, “Talagang malalang-malala na ang katiwalian ngayon sa Iglesia.” Isipin
nga naman ninyo ang sinasabing ito ni Antonio Ebanghelista at ng kaniyang mga
kasama – ang Iglesia sa Japan ay malalagay sa malaking kahiiyan, makakasuhan ng
tax evasion, naku mababalita ito sa TV sa Japan at baka maging sa ibang bansa
pa, samantalang sinasabi natin na tayo ang may pinakamalinis at
pinaka-transparent kung pag-uusapan ay pananalapi. Ano ba iyang mga taong iyan
na dahil sa kanilang kapabayaan at pagpapauna sa pansariling kapakanan ay ang
Iglesia ang mapipinsala! Malaking kahihiyan ito sa Iglesia! Hindi ba nila
naisip na ….TEKA, TEKA PO, RELAKS LANG. HUMINGA MUNA NG MALALIM…
Ang totoo ay kahit ako’y nagulumihanan nang mabasa ko ang
artikulong ito ni G. Antonio Ebanghelista. Kaya ang ginawa ko po ay nagtungo
ako sa library ng CEM kung saan laging naglalagi ang tagapagturong ministro na
tanungan ng mga mag-aaral, kahit ng mga manggagawa at ng mga ministro na. Sakto,
nakita ko siya sa may Bible section ng CEM library kung saan siya laging
nakaupo upang mag-aral at magbasa. Tinanong ko siya –
“Totoo po kaya ang sinasabi ng mga kumakalaban sa Pamamahala
na nahaharap sa tax evasion case ang Iglesia sa Japan?” Tumigil siya sa
pagbabasa at tumingin sa akin, at ang sabi niya, “Sa Japan? Tax evasion case ng
Iglesia sa Japan?” Sagot ko ay “Opo.” Ang sagot niya, ‘IMPOSIBLE!” Pagkatapos
ay ngumiti siya at nagpatuloy sa pagbabasa. Napakamot ako ng ulo at sabi ko sa
sarili, “baka sinasabi lang niya iyon dahil hindi niya alam na may sinasabi at
ipinakita pa ang mga kumakalaban sa Iglesia na ‘confidential report’ ukol
dito.”
Sabi ko sa kaniya, “Sir, may sinasabi po sila at ipinakita
na confidential report na mula sa gobyerno ng Japan na sinasabi nga na ang
Iglesia raw ay may utang na 40 million yen na tax na hindi nababayaran?”Tumingin
siya muli sa akin, “Confiential report?” tanong niya. Ang sagot ko ay “Opo.” Sumagot
siya, “TIYAK NA FABRICATED LANG NILA IYON!”
“Sir naman!” Tugon ko sa kaniya. “Baka naman po sinasabi
lang ninyo iyan?” Tanong ko pa sa kaniya. Sabi niya sa akin, “Pumunta ka sa
general reference section ng library, doon sa malapit sa CR. Hanapin mo at
dalhin mo sa akin ang aklat na Handbook of Contemporary Japanese
Religions.”
Agad akong tumugon. Nang mahanap ko iyong aklat ay balik ako
sa kaniya. Sabi niya, “Buksan mo sa p. 168 at basahin mo sa akin ang unang
bahagi.” Binasa ko at ganito ang sinasabi:
“Local as well as national lawmakers and bureaucrats, starving
for new forms of revenue, have ecouraged greater public scrutiny of religions,
especially their tax-exempt status.” (Handbook of Contemporary Japanese
Religions, edited by Inken Prohl, John K. Nelson, p. 168)
Ang sabi niya, “Alam mo maraming referencia kang makukuha na
mga aklat at maging sa internet na nagpapatunay na gaya sa Pilipinas at sa
Amerika, sa Japan man ay tax-exempted ang mga relihiyon.” Patuloy niyang
ipinaliwanag, “Sa postwar constitution ng Japan ay maliwanag na isinasaad ang
separation of state and religion. Subalit, noong 1951 ay napagtibay na isang
batas sa Japan ang Religious Corporation Law na may provision ukol sa
tax-exemption ng mga religions sa Japan, kaya mula pa noong 1951 ay tax
exempted na ang mga relllihiyon sa Japan.” Pagkatapos nito ay
itinanong niya sa akin, “Papaano magkakaroon ng tax evasion case ang isang
tax-exempted?” Sabi ko sa aking sarili, “Oo nga ano!” Dagdag pa niya,
“Ituturing ka bang absent kung exempted ka sa klase? Ibabagsak ka ba sa exam
kung exempted ka rito?”
“PAPAANO MAGKAKAROON NG TAX EVASION CASE ANG EXEMPTED SA
PAGBABAYAD NG TAX?”
Source:
http://www.defaithed.com/2012/05/religions-tax-exempt-status-japan
Sa liwanag ng katotohanang ito na sa Japan ay may
tax-exempted status ang mga relihiyon tulad dito sa Pilipinas, kaya lumalabas
na FABRICATED LAMANG ANG ISTORYA AT ANG SINASABING CONFIDENTIAL REPORT UKOL SA
TAX EVASION CASE NG INC SA JAPAN. Kaya, hindi po isang kamalian na sabihin, na
NAGSISINUNGALING LAMANG SA BAGAY NA ITO SINA ANTONIO EBANGHELISTA AT ANG
KANIYANG MGA KASAMA. Hindi po pala talagang “ministro” itong si Antonio
Ebanghelista na gaya ng kaniyang inaangkin, kundi isang “nobelista.” Kung
maliwanag po na nagsisinungaling sila sa bagay na ito, sino po ang ama ng mga
sinungaling?
“At ang mga sa tabi ng daan, ay ang nangakinig; kung
magkagayo'y dumarating ang diablo, at inaalis ang salita sa kanilang puso,
upang huwag silang magsisampalataya at mangaligtas.” (Lukas 8:12)
Dahil dito, masasabi po ba na “kalooban ng Diyos” at
“kinakasangkapan sila ng Diyos” kung ang basehan naman ng kanilang pagbatikos
ay kasinungalingan?
Mga kapatid, patuloy nating idalangin sa Panginoong Diyos na
huwag maghari ang “kasinungalingan” (na may “katiwalian daw ngayon sa
Iglesia”), bagkus ay manindigan po tayo sa kaotohanan (ang sinasabi ng
Tagapamahalang Pangkalahatan, ng Kapatid na Eduardo V. Manalo na “Walang
katiwalian sa Iglesia). Idalangin din natin sa Diyos na ang mga “Kumakalaban sa
Pamamahala” at ang mga “naaaakit” nila na huwag sanang tuluyang malamon ng
kasinungalingan, bagkus ay makabalik sila sa katotohanan sapagkat kung tuluyan
silang madadaya ng kasinungalingan ay tiyak na sila’y malulugmok sa
kapahamakan:
“Sapagkat hindi nila tinanggap ang katotohanan, ipinaubaya
ng Diyos na sila'y malinlang ng espiritu ng kamalian at papaniwalain sa
kasinungalingan upang maparusahan ang lahat ng pumili sa kasamaan sa halip na
tumanggap sa katotohanan.” (II Tesalonica 2:11-12 MB)
HUWAG TAYONG PADADAYA bagkus ay MANATILI TAYO SA PAKIKISAMA
SA PAMAMAHALA NG IGLESIA sapagkat ang may pakikisama sa Pamamahala ang may
pakikisama sa Diyos at kay Cristo :
“Yaong aming nakita at narinig ay siya rin naming
ibinabalita sa inyo, upang kayo naman ay magkaroon ng pakikisama sa amin: oo,
at tayo ay may pakikisama sa Ama, at sa kaniyang Anak na si Jesucristo.” (I
Juan 1:3)
Kaya, kanino po tayo makikisama, sa mga nagsasabing “may
katiwalian daw ngayon sa Iglesia” o sa Kapatid na Eduardo V. Manalo na
nagsasabing “Walang katiwalian sa Iglesia”?
Marami pa po kaming ibubunyag na mga kamalian at
kasinungalingan ng mga “Kumakalaban sa Pamamahala ng Iglesia.” Abangan!