Halos naging kaugalian na ng mga tao sa ibat ibang dako na
magbalik tanaw sa taong lumipas at maglatag ng mga panukala para sa panibagong
taon, o ang tinatawag na “New Year’s Resolution”. Lingid sa kaalaman ng marami,
ang pagtatakda ng malalaking mithiin nang walang kaukulang masusing pagpaplano
ay mauuwi lamang sa wala, sapagkat walang kongkretong hakbang upang yaon ay
matamo. Sa malaot madali, ang kasiglahan at pag asa ay unti-unting napapawi sa
paglipas ng mga buwan, kung hindi man mga linggo, at ang pagsisikap na makapag
bago tungo sa ikabubuti ay biglang natatapos.
Kaysa magtala ng gayong mga “resolusyon” mas minamabuti ng
mga tunay na kaanib sa Iglesia ni Cristo na lingunin ang nagdaan taon upang
alalahanin ang mga pagtatagumpay na spiritual na ibiniyaya ng Panginoong Diyos.
Mahigit 100 gusaling sambahan ang naipatayo at naihandog sa Diyos, limang
bagong distrito eklesiatiko ang naitatag, daan daang ministro ang naordenahan,
at libo-libong mga tao ang nabautismuhan tunay ngang ibinuhos ng Diyos ang
kaniyang masaganang pagpapala at patnubay sa buong Iglesia at sa kasalukuyang
Tagapamahalang Pangkalahatan, Ang Kapatid na Eduardo V. MAnalo!
Tangi rito, habang binabalikan natin ang taong lumipas ay hindi
natin malilimot ang pahayag ng Biblia na “
alalahanin ninyo ang mga nangangasiwa sa inyo, na nagpahayag sa inyo ng salita
ng Diyos. Isipin nga ninyo kung paano sila namumuhay at namamatay, at tularan
ninyo ang kanilang pananalig sa Diyos” (Heb.
13:7, Magandang Balita Biblia). Ito ay lagi nating isinasagawa, lalo pa
ngat ang ika 2 ng Enero ang siya sanang ika 90 na taong kaarawan ng Kapatid na
Erano G. Manalo kung siya ay nabubuhay pa.
Ang Aral ng Banal na kasulatan, kung gayon, ang ating
tinutupad kapag ginugunita natin ang yumaong Tagapamahalang Pangkalahatan,
Kapatid na Erano G. Manalo. Bagamat wala na sila sa ating piling, ang kanilang
alaala at iniwang halimbawa ay namamalaging buhay sa puso at isip ng mga kaanib
ng Tunay na Iglesia ni Cristo.
Nagugunita natin ang pahayag noon ni Apstol Pablo sa mga
unang Cristiano na: “Tiyak na tatandaan pa ninyo,
mga kapatid, kung paano kami gumawa at nagpagal araw-gabi… samantalang ipinahahayag
namin sa inyo ang Mabuting Balita” ( I Tes 2:9,).
Tunay ngang nangaral sila sa atin ng walang bahid ng anumang likong layunin,
bagkus ay sa pamamagitan ng matuwid at tapat na pananalita. Hindi nila binago
kahit kaunti man ang mga pahayag ng Diyos para lamang maayon sa panlasa ng mga
nakikinig, at hindi rin gumamit ng matatamis na pananalita para lamang
makahikayat ng tao.
Bakit? Anu ang tunay na layunin ng Sugo ng Diyos sa mga
huling araw, ang Kapatid na Felix Y. Manalo, at ng yumaong tagapamahalang
Pangkalahatan, Kapatid na Erano G. Manalo, na nagbuhos sa kanila upang magpagal
para sa Iglesia? Ganito ang paliwanag ni Apostol Pablo:
“Dahil sa laki ng aming pagmamahal sa inyo, itinalaga namin ang aming sarili sa
pangangaral sa inyo ng Mabuting Balita. Hindi lamang iyan, pati na aming buhay
ay ihahandog namin, kung kakailanganin. Lubusan na kayong napamahal sa amin” I Tes. 2:8).
Ganoon na lamang ang kanilang pagmamahal sa Iglesia na handa
nilang ibigay hindi lamang ang Mabuting Balita ng kaligtasan kundi maging ang
kanilang buhay, kung kinakailangan. Hindi maitatatuwa na sila ay nagpagal at
nagsakit para sa kapakanan ng mga kapatid. Subalit ang kanilang mga tiniis ay
hindi ininda o ikinahapis man, bagkus ay ikinagalak pa nga nila ang kanilang
pagsasakit alang alang sa Iglesia. Ginampanan nila ang kanilang tungkulin na
magturo, mangalaga, at patibayin ang pananampalataya ng mga kapatid, hindi
upang bigyang lugod ang tao, kundi ang Diyos (Gal. 1:10). Hindi nila hinangad
na hangaan ng tao, yayamang ang ebanghelyo na kanilang itinuro ay mula sa Diyos
sa pamamagitan ng pahayag ng Panginoong Jesucristo. ( Gal 1:11-12).
Napakahalagang mapansin na ang dakilang layunin at adhikain
ng mga nangangasiwa sa atin sa kanilang pagpapagal at pagmamalasakit sa
Iglesia, ay ka Espirito ng layunin ni Apostol Pablo noon, na “ samantalang inihahatid ninyo ang sa kanila ang
balita ng kaligtasan. Pagdating ni Cristo ay maipagmamalaki ko kayo sapagkat
hindi nawalan ng kabuluhan ang aking pagpapagal” ( Fil 2:16, MB). Ginugol nila ang kanilang buhay sa pag akay at
paghikayat sa mga kapatid sa panahon ng mga pagsamba na kanilang pinangasiwaan,
na mamuhay nang walang kapintasan- walang bahid ng kasamaan o karumihan sa
gitna ng isang lahing liko at masama- upang kanilang maipagmalaki ang mga
kapatid sa araw ng Paghuhukom. Subalit paano natin matitiyak na ang mga pagpapagal
at pagsasakit ng mga nangangasiwa sa atin ay hindi mawawalang kabuluhan, kahit
ngayong wala na sila sa ating piling? Niliwanag ito ni Apostol Pedro: “ Kaya lagi ko kayong pinapaalalahanan tungkol sa mga
bagay na ito, kahit alam n’yo na ang mga ito at matatag na kayo sa katotohanang
tinanggap n’yo. At sa palagay ko, nararapat lang na paalalahanan ko kayo sa mga
bagay na ito habang nabubuhay pa ako,…. Kaya gagawin ko ang lahat para
makatiyak akong maaalala n’yo parin ang mga itinuro ko kahit wala na ako rito” ( II Ped. 1:12-13,15 Ang salita ng Diyos).
Si Apostol Pedro, na isa sa mga namahala sa Iglesia noong
unang siglo, ay buong diing nagpahayag: “Bagamat alam na ninyo ang katotohanang inyong tinanggap
at matatag na kayo rito, gayunma’y lagi ko rin kayong paaalalahanan tungkol
ditto.” Hindi ba ito rin ang
nilayon at itinaguyod ng mga namahala sa Iglesia Ni Cristo sa mga huling araw
na ito, mula sa Sugo ng Diyos na si Kapatid na Felix Manalo, hanggang sa
namayapang Tagapamahalang Pangkalahatan, kapatid na Erano Manalo? Ito rin ang
kanilang itinuro at walang sawang binigyang diin sa mga kaanib ng Iglesia nang
sila ay nabubuhay pa. Sa anong layunin? Sinabi rin ni Apostol Pedro na: “Kaya gagawin
ko ang lahat para makatiyak akong maalala n’yo parin ang mga itinuro ko kahit
wala na ako rito.”
Ang isa sa mga dakilang katotohanan na lagging ipinaalala sa
atin noon ng Sugo at ng Kapatid na Erano Manalo ay “
Mga kapatid, yamang kayo’y tinawag at hinirang ng Diyos, magpakatatag kayo sa
kalagayang ito upang huwag kayong manlupaypay. Sa ganitong paraan, kayo’y
maluwag na papapasukin sa walang hanggang kaharian ng ating Panginoon at
Tagapagligtas na si Jesucristo” ( II Ped 1:10-11
MB).
Tunay nga hindi sila nagsawa sa pagtuturo at pagpapaalala
ukol sa kadakilaan ng ating kahalalan at pagkatawag sa atin ng Diyos bilang
Kaniyang mga lingkod sa mga huling araw na ito. Hinimok nila tayo na mamalagi
sa biyayang ito, magpakatatag at magpakatibay anuman ang pagsubok, tiisin na
ating masagupa upang hindi tayo matisod at maibuwal sa ating paglalakbay.
Natitiyak nating tayo ang tunay na mga hinirang at pinili ng Diyos dahil ang ating
saligan ay gaya ng ipinaliwanag ni Apostol Pedro: “
At kami ay mayroong lalong panatag na salita ng hula; na mabuti ang inyong
ginagawa kung ito’y inyong sinusundan, na gaya ng isang ilawang lumiliwanag sa
dakong madilim, hanggang sa pagbubukang liwayway, at ang tala sa umaga ay
sumilang sa inyong mga puso” ( II Ped. 1:19).
Tunay ngang ang Iglesia ni Cristo na ating kinaaaniban ay
may panatag na salita ng Hula- mga hula ng Diyos na pawang nagkaroon ng
katuparan. Ang hula sa Isaias 43:5-6 ay nagpapahayag ng pagbangon ng mga anak
ng Diyos sa Malayong Silangan o sa Pilipinas, na nagkaroon ng katuparan sa panahon
ng Kapatid na Felix Y. Manalo. Binanggit din ng hula ang ukol sa pagtitipon ng
mga anak ng Diyos sa Malayong Kanluran, na natupad naman sa panahon ng Kapatid
na Erano Manalo nang kanilang pangunahan ang unang “Pagtitipon” ng mga kaanib
sa Iglesia ni Cristo sa labas ng Pilipinas doon sa Ewa Beach, Honolulu, Hawaii,
USA noong Hulyo 27, 1968.
Ang panatag na salita ng Hula na siyang saligan ng ating
kahalalan ay siya ring katibayan na tayo ay maliligtas at makapapasok sa walang
hanggang kaharian ng Diyos sa araw ng Paghuhukom na totoong malapit na. ito ang
dahilan kaya walang humpay tayong tinuruan ng Kapatid na Erano Manalo nang sila
ay nabubuhay pa. ang kanilang marubdob na hangarin ay ang madala ang bawat
kaanib sa kasakdalan at kaligtasan. Sa pamamagitan ng mga leksyon sa pagsamba
at mga palibot liham na kanilang inihanay, paulit ulit nila tayong
pinaalalahanan na maging matibay at matatag tayo sa ating pagkatawag bilang mga
kaanib sa Iglesia ni Cristo upang matamo natin ang pangakong kaligtasan.
Upang mapatunayan natin ang ating pagtatalaga sa ating pagkahirang,
dapat nating sundin ang tagubilin ni Apostol Pablo na: “…
Kailangan kayong manatiling tapat at matatag sa inyong pananampalataya at huwag
bayaang mawala ang pag-asang dulot ng Mabuting Balita na inyong narinig….” (Col. 1:23, MB). Ang mga kaanib sa Iglasia ni Cristo
na tunay na matatag at matibay sa kanilang kahalalan ay hindi natitinag sa
kanilang pag asa sa kaligtasang ipinangako ng Diyos. Anumang pagsubok na
dumating sa kanilang buhay- matinding hapis na dulot ng pagpanaw ng mahal sa
buhay, kahirapan, pamalagiang sakit ng isang kaanib sa pamilya, o matinding pag
uusig- hindi sila pumapayag na makilos sa pananampalataya at sa kanilang
paninindigang sundin ang mga utos ng Diyos na kanilang tinanggap. Sa ganitong
paraan ay hindi magiging walang kabuluhan ang pagsasakit ng mga nangasiwa sa
kanila at maging ng kasalukuyang
namamahala.