DAPAT PAHALAGAHAN AT IGALANG ANG INSTITUSYON NG KASAL O PAG-AASAWA
MARAMI TAYONG NAKIKITA ngayon sa sanlibutan na nag-aasawa sa isang mamayan ng bansang nais niyang puntahan at kung naroon na ay nakikipaghiwamay na (kung tawagin ay marriage of convenience). Ang iba ay nagsassama ng hindi kasal kahit walang hadlang sa batas na makasal (kung tawaging ay pakikipag-live-in). Ang iba ay may asawa o kasal nga subalit hindi nagsasama (hiwalay o diborsiyo). Ang iba naman ay kasal sa iba ngunit may kinakasamang iba. Ang iba ay hiwalay subalit iba ang kinakasama.
Ang mga ito ay hindi dapat masumupungan sa kaninumang lingkod ng Diyos sapagkat ang mga gawang ito at anumang kauri nito ay lumalapastangan, hindi gumagalang, humahamak, at hindi nagpapahalaga sa kasal at sa pag-aasawa.
Bakit dapat lamang na igalang at pahalagahan ang pag-aasawa o kasal?
ANG DIYOS ANG NAGTATAG NG PAG-AASAWA O KASAL
Ang paglapastangan sa pag-=aasawa o kasal ay paglapastangan sa Diyos, ang paghamak dito ay paghamak sa Diyos, ang hindi pagpapahalaga rito ay hindi pagpapahalaga sa Diyos sapagkat ang Diyos ang lumalang ng pag-aasawa o kasal. Ito ang pinatutunayan sa Genesis 1:27-28:
“At nilalang ng Dios ang tao ayon sa kaniyang sariling larawan, ayon sa larawan ng Dios siya nilalang; nilalang niya sila na lalake at babae. At sila'y binasbasan ng Dios, at sa kanila'y sinabi ng Dios, Kayo'y magpalaanakin, at magpakarami, at kalatan ninyo ang lupa, at inyong supilin; at magkaroon kayo ng kapangyarihan sa mga isda sa dagat, at sa mga ibon sa himpapawid, at sa bawa't hayop na gumagalaw sa ibabaw ng lupa.”
Ang Panginoong Diyos mismo ang nagtatag ng pag-aasawa o ang insitusyon ng kasal. Papaano itinatag ng Diyos ang pag-aasawa? Binasbasan muna ng Diyos sina Adan at Eba, ang mga unang taong nilalang ng Diyos, bago sila pinapagsama bilang mag-asawa.
Kaya, banal at sagrado ang kasal sapagkat ang Diyos mismo ang nagtatag nito. Dahil dito, hindio dapat magsama na tulad ng mag-asawa ang hindi pa kasal (ang pakikipag-live-in) sapagkat ang gayun ay paglapastangan sa pag-aasawa na itinatag ng Diyos.
ANG UTOS NG DIYOS NA DAPAT MAGING PAGTRATO SA KASAL
Sapagkat ang Diyos ang nagtatag ng pag-aasawa, kaya dapat na masunod ang utos ng Diyos ukol sa pag-aasawa o sa kasal – dapat na igalang ng lahat ang pag-aasawa:
“Dapat igalang ng lahat ang pag-aasawa, at maging tapat sa isa't isa ang mag-asawa…” (Hebreo 13:4 MB)
Ang ipinag-uutos ng Biblia na dapat maging pagtrato sa pag-aasawa ay “Dapat igalang ng lahat ang pag-aasawa.” Nagsisimula ang paggalang sa pag-aasawa o kasal sa pagtataglay ng “malinis na layunin” sa pagpapakasal. Hindi sa layuning makatakas lamang sa pamilya, huwag mapag-iwanan, makapag-abroad o magkaroon ng citizenship sa ibang bansa, at iba pang tulad nito. Ang ganito pala ay nagkakasala rin sa Panginoong Diyos.
Ang pag-ibig sa isa’t isa ang dapat na maging dahilan ng pagpapakasal o pagpasok sa buhay may-asawa ng isang lalake at isang babae. Kaya ang pagliligawan at ang pakikipagtipan, at lalo na ang pag-aasawa ay hindi dapat biruin o maging “laro” lamang sa mga kabinataan at kadalagahan.
Ano pa ang katangian ng gumagalang sa pag-aasawa? Ang sabi sa talata, “Tapat sa isa’t isa ang mag-asawa.” Kaya, hindi dapat makipagrelasyon sa iba ang may asawa na. Ang gayun ay hindi lamang sumisira sa magandang ugnayan ng mag-asawa kundi kawalang paggalang pa sa kabanaln ng pag-aasawa.
KUNG PAANO HIGIT SA LAHAT MAIPAPAKILALA ANG PAGGALANG AT PAGPAPAHALAGA SA PAG-AASAWA
Lalong maipapakilala ang paggalang at pagpapahalaga sa pag-aasawa o kasal na itinatag ng Diyos sa pamamagitan ng buong katapatan na sundin ang batas ng Diyos sa mag-asawa o sa babae at lalaking ikinasal. Ito ang itinuro ng Panginoong Jesucristo sa Mateo 19:4-6:
“At siya'y sumagot at sinabi, Hindi baga ninyo nabasa, na ang lumalang sa kanila buhat sa pasimula, ay sila'y nilalang niya na lalake at babae, At sinabi, dahil dito'y iiwan ng lalake ang kaniyang ama at ina, at makikisama sa kaniyang asawa; at ang dalawa ay magiging isang laman? Kaya nga hindi na sila dalawa, kundi isang laman. Ang pinapagsama nga ng Dios, ay huwag papaghiwalayin ng tao.” (Mateo 19:4-6)
Maliwang ang batas ng Diyos na “ang pinapagsama ng Diyos ay huwag papaghiwalayin ng tao.” Kaya kung may batas man sa isang bansa na pinapahintulutan ang paghihiwalay ng mag-asawa o ang diborsiyo, nananatili itong labag sa batas ng Diyos.
ANG PAYO NG BIBLIA UPANG MAGING MATATAG ANG PAGSASAMA NG MAG-ASAWA
Hindi ang dapat na maging sulusyon sa problema ng mag-asawa ay ang maghiwalay, kundi ang magkasundo. Ang pagkasira ng pagsasama ng mag-asawa ay hindi nangangahulugan na may diperensiya ang itinatag ng Diyos na institusyon ng pag-aasawa o kasal. Hindi ang batas ng Diyos na ipinagbabawal ang paghihiwalay o diborsiyo ng mag-asawa ang may diperensiya. Ang pagkasira ng pagsasama ng mag-asawa ay bunga ng katigasan ng ulo ng isang lalake o isang babaing may-asawa, na hindi sinunod ang ipinapayo ng Diyos na nakasulat sa Biblia na dapat na maging kaayusan ng pagsasama ng mag-asawa. Ito ang mga sumusunod:
(1) Ang lalake ang dapat na maging pangulo at ang babae ay dapat na pasakop:
“Pasakop kayo sa isa't isa tanda ng inyong paggalang kay Cristo. Mga babae, pasakop kayo sa inyu-inyong asawa tulad ng pagpapasakop ninyo sa Panginoon. Sapagkat ang lalaki ang ulo ng kanyang asawa, tulad ni Cristo na siyang ulo ng iglesya, na kanyang katawan, at siyang Tagapagligtas nito. Kung paanong nasasakop ni Cristo ang iglesya, gayon din naman, ang mga babae'y dapat pasakop nang lubusan sa kani-kanilang asawa.” (Efeso 5:21-24 MB)
(2) Ibigin naman ng lalake ang kaniyang asawa, na mahalin, alagaan at huwag kamuhian:
“Mga lalaki, ibigin ninyo ang inyu-inyong asawa, gaya ng pag-ibig ni Cristo sa iglesya. Inihandog niya ang kanyang buhay para rito. Upang ang iglesya'y italaga sa Diyos matapos linisin sa pamamagitan ng tubig at ng salita. Ginawa niya ito upang maiharap sa kanyang sarili ang iglesya, marilag, banal, walang batik at walang anumang dungis o kulubot. Dapat mahalin ng lalaki ang kani-kanilang asawa tulad ng sarili nilang katawan. Ang lalaking nagmamahal sa kanyang asawa ay nagmamahal sa kanyang sarili. Walang taong namumuhi sa sarili niyang katawan, bagkus ito'y pinakakain at inaalagaan, gaya ng ginagawa ni Cristo sa iglesya.” (Efeso 5:25-29)
(3) Igalang naman ng babae ang kaniyang asawa:
“Subalit ito'y tumutukoy rin sa bawat isa sa inyo: mga lalaki, mahalin ninyo ang inyu-inyong asawa gaya ng inyong sarili; mga babae, igalang ninyo ang inyu-inyong asawa.” (Efeso 5:33 MB)
(4) Ang lalake ay namamahalang mabuti sa kaniyang sariling sambahayan:
“Namamahalang mabuti ng kaniyang sariling sangbahayan, na sinusupil ang kaniyang mga anak na may buong kahusayan.” (I Timoteo 3:4)
(5) Kinakandilii ng lalae (ibinibigay ang mga pangangaialangan) ng kaniyang sariling samabahayan:
“Datapuwa't kung ang sinoman ay hindi nagkakandili sa mga sariling kaniya, lalong lalo na sa kaniyang sariling sangbahayan, ay tumanggi siya sa pananampalataya at lalong masama kay sa hindi sumasampalataya.” (I Timoteo 5:8)
(6) Ang babae ay maging masipag sa bahay, maasikaso sa pamilya, mapagtitiwalaan, nakapag-iimpok, at sumusubaybay na mabuti sa sambahayan:
“Mahirap makakita ng mabuting asawa, higit sa mamahaling alahas ang kanyang halaga. Lubos ang tiwala ng kanyang asawa, at saganang pakinabang ang makakamit niya. Pinaglilingkuran niya ang asawa habang sila'y nabubuhay, pawang kabutihan ang ginagawa at di kasamaan. Wala siyang tigil sa paggawa, hindi na halos nagpapahinga, humahabi ng kanyang lino at saka ng lana. Tulad ng isang barkong tigib ng kalakal, siya ay nag-uuwi ng pagkain mula sa malayong lugar. Bago pa sumikat ang araw ay inihahanda na ang pagkain ng buo niyang sambahayan, pati na ng gawain ng mga katulong sa bahay. Mataman niyang tinitingnan ang bukid bago siya magbayad, ang kanyang naiimpok ay ipinagpapatanim ng ubas. Gayunma'y naiingatan ang kamay at katawan upang matupad ang lahat ng tungkulin niya araw-araw. Sa kanya'y mahalaga ang bawat ginagawa, hanggang hatinggabi'y makikitang nagtitiyaga. Siya'y gumagawa ng mga sinulid, at humahabi ng sariling damit. Matulungin siya sa mahirap at sa nangangailangan ay bukas ang palad. Hindi siya nag-aalala dumating man ang tagginaw, pagkat ang sambahayan niya'y may makapal na kasuutan. Gumagawa siya ng makakapal na kubrekama at damit na pinong lino ang dinaramit niya. Ang kanyang asawa'y kilala sa lipunan at nahahanay sa mga pangunahing mamamayan. Gumagawa pa rin siya ng iba pang kasuutan at ipinagbibili sa mga mangangalakal. Marangal at kapita-pitagan ang kanyang kaanyuan at wala siyang pangamba sa bukas na daratal. Ang mga salita niya ay puspos ng kaalaman at ang turo niya ay pawang katapatan. Sinusubaybayan niyang mabuti ang kanyang sambahayan at hindi tumitigil sa paggawa araw-araw. Iginagalang siya ng kanyang mga anak at pinupuri ng kanyang kabiyak: Maraming babae na mabuting asawa, ngunit sa kanila'y nakahihigit ka. (Kawikaan 31:10-29 MB)
(7) Pinakikitunguhang mabuti ng lalake ang kaniyang asawa:
“Kayo namang mga lalaki, pakitunguhan ninyong mabuti ang inyu-inyong asawa, sapagkat sila'y mahina, at tulad ninyo'y may karapatan din sa buhay na walang hanggang kaloob sa inyo ng Diyos. Sa gayon, walang magiging sagabal sa inyong panalangin.” (I Pedro 3:7 MB)
(8) Maging tapat sa isa’t isa:
“Dapat igalang ng lahat ang pag-aasawa, at maging tapat sa isa't isa ang mag-asawa…” (Hebreo 13:4 MB)
(9) Maging mabait at maawain sa isa’t isa, na mangagpatawaran at mag-unawaan (alisin ang samaan ng loob, huwag mambubulyaw, manlalait o mananakit ng damdamin ng isa’t isa):
“Alisin na ninyo ang lahat ng sama ng loob, galit at poot; huwag na kayong mambubulyaw, manlalait, at mananakit ng damdamin ng kapwa. Sa halip, maging mabait kayo at maawain sa isa't isa, at magpatawaran, tulad ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo.” (Efeso 4:31-32 MB)
Ang nakasusunod at nagtatapat sa mga utos ng payo ng Diyos ang pinagpapala at magkakamit ng paglingap mula sa Panginoon:
“Sapagka't iyong pagpapalain ang matuwid; Oh Panginoon, lilibirin mo siya ng paglingap na gaya ng isang kalasag.” (Awit 5:12)
Samakatuwid, upang maging matatag at mapayapa ang pagsasama ng mag-asawa ay nakasalalay sa pagpapala ng Diyos. Dapat na iaglang at pahalagahan ang pag-aasawa o kasal na itinatag ng Diyos at buong katapatang sundin ang utos ng Diyos sa mga mag-asawa upang matamo ang pagpapala at basbas ng Diyos.