TUNAY NA LINGKOD

Friday, August 30, 2013

Ang Pagtalikod Sa Iglesiang Itinayo Ni Cristo Noong Unang Siglo



KINIKILALA AT TINATANGGAP ng mga relihiyong tinaguriang Cristiano, na ang Panginoong Jesucristo ay nagtayo ng Iglesia na tinawag ng Kaniyang mga Apostol na Iglesia ni Cristo (Mat. 16:18; Roma 16:16). Mula sa kalagayan nito sa pasimula na “munting kawan” (Luk. 12:32), sa dako ng mga Judio, ang Iglesiang ito, sa pamamagitan ng pangangaral ng mga Apostol, ay lumago at dumaming lubha sa kabila ng mga pag-uusig na kanilang nasagupa (Gawa 8:1; 6:7)

Subalit ano ang nangyari sa Iglesiang ito pagkatapos ng panahon ng mga Apostol? Nakapagpatuloy kaya ito sa kaniyang dating kalagayan na gaya noong pinangangasiwaan pa ito ni Cristo at ng Kaniyang mga Apostol?
Sa paniniwala ng Iglesia Katolika, ang Iglesiang iniwan ng mga Apostol ay namalagi at nagpatuloy nang walang lagot hanggang sa panahong ito. Ito raw ay walang iba kundi ang tinatawag at kinikilala ngayon na Iglesia Katolika. Inaangkin nilang gayon dahil ang Iglesia Katolika raw, kung susuysuyin ang kaniyang kasaysayan sa pamamagitan ng talaan ng mga papa at mga obispong nangasiwa sa kaniya, ay matutunton pabalik hanggang sa panahon na kasunod ng mga Apostol. Ang pagkakasunod nga kaya ng mga obispo ng Iglesia Katolika sa panahon ng mga Apostol ay katunayan na ito nga ang Iglesiang itinayo ni Cristo at pinangasiwaan ng mga Apostol?
Wala nang pinakamabuting sanggunian ukol dito kundi ang mga katotohanang nakasulat sa Biblia at ang patotoo ng kasaysayan at hindi ang pala-palagay o pag-aangkin lamang ng sinuman.


Ibinabala Ng Mga Apostol
Bago pa namatay ang mga Apostol at bago pa umakyat sa langit ang ating Panginoong Jesucristo ay may mga paunang pahayag o mga hula na sila tungkol sa mangyayari sa Iglesia na itinayo ni Cristo. Sa sulat ni Apostol Pablo kay Timoteo ay binanggit niya ang tungkol ditto:
“Nguni’t hayag na sinasabi ng Espiritu, na sa mga huling panahon ang iba’y magsisitalikod sa pananampalataya, at mangakikinig sa mga espiritung mapanghikayat at sa mga aral ng mga demonio…” (I Tim. 4:1)
Ibinabala ni Pablo ang magaganap na pagtalikod sa pananampalataya. Ang babala o hulang ito ay kaniya ring inihayag sa pulong ng mga Obispo sa Mileto:
“Mula na rin sa inyo’y lilitaw ang mga taong magsasalita ng kasinungalingan upang mapasunod ang mga alagad, at sa gayo’y mailigaw sila.” (Gawa 20:30, Magandang Balita)
Ang ibig sabihing matatalikod sa pananampalatay ay maliligaw ang mga alagad dahil iba na ang kanilang susundin. Ang susundin na nila ay ang magtuturo ng kasinungalingan at hindi na ang dati nilang sinusunod – ang Panginoong Jesucristo:
“Nakikinig sa akin ang aking mga tupa; nakikilala ko sila, at sumusunod sila sa akin.” (Juan 10:27, Ibid.)
Si Cristo ang sinusunod ng mga tunay Niyang alagad. Kaya ang humiwalay sa pagsunod sa Kaniya ay naligaw o natalikod sa pananampalataya.
Subalit ang mga alagad na maliligaw o matatalikod ay hindi naman sinasabing aalis sa organisasyon. Alinsunod sa sinabi ni Pablo, maliligaw o matatalikod ang mga alagad dahil nakinig sila sa itinurong kasinungalingan (Gawa 20:30 Ibid.). Ang mga kasinungalingang ito ay mga aral o doktrina na kapag tinanggap ng mga alagad ay makasisira sa kanilang pananampalataya:
“…Sa inyo naman, may lilitaw na mga bulaang guro. Gagamitin nila ng katusuhan ang pagtuturo ng mga aral na makasisira sa inyong pananampalataya. Itatakwil nila ang Panginoong nagligtas sa kanila, kaya’t biglang darating sa kanila ang kapahamakan.” (II Ped. 2:1, Ibid.)
Ito rin ang binabanggit ni Pablo sa kaniyang sulat kay Timoteo (I Tim. 4:1) na aral ng demonio na susundin ng mga tatalikod sa pananampalataya. Ang nakalulungkot sa pangyayaring ito ay ang katotohanang sa loob din ng Iglesia, ayon kay Apostol Pablo, magmumula ang magtuturo ng kasinungalingan na kung tawagin ni Apostol Pedro ay mga bulaang guro (II Ped. 2:1).
Ang pagtalikod ba sa pananampalataya ay magaganap sa ilang kaanib lamang ng Iglesia na gaya ng sinasabi ng mga awtoridad Katoliko? Gaano karami ang maililigaw ng mga bulaang guro o mga bulaaang propeta? Sa Mateo 24:11 ay ganito ang hula ni Cristo:
“At magsisibangon ang maraming bulaang propeta, at kanilang ililigaw ang marami.”
Samakatuwid, marami sa mga kaanib sa unang Iglesia ang maliligaw o matatalikod dahil sa pagsunod sa maling aral na itinuturo ng mga bulaang propeta.
Subalit kapag sinabing natalikod ang Iglesia ni Cristo noong unang siglo ay hindi nangangahulugan na nawala ang mga kaanib nito o naglaho ang organisasyon. Nagpatuloy ang organisasyon subalit wala na sa kaniyang dating uri sapagkat humiwalay na ito sa mga aral ni Cristo at sumunod sa mga aral ng demonio na itinuro ng mga bulaang propeta. Samakatuwid, naganap na ang pagtalikod.
Ang pananatiling umiiral ng organisasyon ay hindi katunayan na hindi natalikod ang Iglesia. Katulad lamang ito ng naganap sa unang bayan ng Diyos, ang baying Israel, na bagaman noong una ay kinikilalang bayan ng Diyos at may kahalalan upang maglingkod sa Kaniya, ay tumalikod din sa pamamagitan ng pagsalangsang sa mga utos ng Diyos.
“Ang buong Israel ay nagkasala sa iyo, tumalikod sa iyong kautusan at hindi nakinig sa iyong tinig….” (Dan. 9:11, MB)
Ang Israel ay natalikod hindi dahil nawala ang organisasyon o nawala ang mga tao nito. Ito ay natalikod dahil sa paghiwalay sa mga utos ng Diyos. Buo ang organisasyon ngunit wala na sa kaniyang dating uri at katangian.


Panahon Ng Pagtalikod
Kailan magaganap ang pagtalikod sa Iglesia o ang pagpasok dito ng mga maling aral na nakasira sa pananampalataya ng mga alagad? Sa Gawa 20:29-30 ay mababasa ang ganito:
“Alam kong pagkaalis ko’y magsisipasok ang mababangis na asong-gubat at walang patawad na sisilain ang kawan. Mula na rin sa inyo’y lilitaw ang mga taong magsasalita ng kasinungalingan upang mapasunod ang mga alagad, at sa gayo’y mailigaw sila.” (Ibid.)
Tinitiyak ni Apostol Pablo na pag-alis niya ay saka papasukin ng mga “asong-gubat” ang Iglesia at mula na rin dito ay lilitaw ang mga magtuturo ng kasinungalingan upang iligaw o italikod ang mga alagad. Ang pag-alis na binabanggit ni Pablo ay isang pag-alis na hindi na siya muling makikita ng mga kapatid na noon ay kasama niya, alalaong baga’y ang kaniyang kamatayan (Gawa 20:25; II Tim. 4:6).
Kung gayon, magaganap ang pagtalikod sa Iglesia pagkamatay ng mga Apostol o pagkatapos ng panahon nila. Bakit pagkamatay pa ng mga Apostol maisasagawa ng mga bulaang propeta ang pagliligaw sa mga alagad? Bakit hindi nila ito nagawa noong nabubuhay pa ang mga Apostol? Sa Galacia 2:4-5 ay ganito ang mababasa:
“At yaon ay dahil sa mga hindi tunay na kapatid na ipinasok ng lihim, na nagsipasok ng lihim upang tiktikan ang aming kalayaan na taglay naming kay Cristo Jesus, upang kami’y ilagay nila sa pagkaalipin: Sa mga yaon ay hindi kami napahinuhod na supilin kami, kahit isang oras; upang ang katotohanan ng evangelio ay manatili sa inyo.”
Sa harap ng paninindigang ito ni Pablo, hindi kataka-taka na ang pagtalikod ay maganap sa panahong wala na sila. Kailanman at buhay ang mga Apostol, hindi nila papayagang pigilin sila ng mga kaaway ng pananampalataya upang manatili ang ebanghelyo sa Iglesia.
Nangangahulugan ba na pagkamatay ng mga Apostol ay wala manlamang nanindigan at namalagi sa tunay pananampalataya? Ang lahat kaya ng mga kaanib noon ay pawang tumalikod? Mahalagang masagot ang mga katanungang ito sapagkat kung may nanatili sa tunay na pananampalataya at hindi humiwalay sa mga dalisay na aral ni Cristo ay masasabing hindi lubusang natalikod ang Iglesia.
Ano ang ibinabala ni Cristo na daranasin ng Kaniyang mga alagad tangi sa ang marami sa kanila ay ililigaw ng mga bulaang propeta? Sa Mateo 24:11,9 ay ganito ang nakasulat:
“At magsisibangon ang maraming bulaang propeta, at kanilang ililigaw ang marami.
“Kung magkagayo’y ibibigay kayo sa kapighatian, at kayo’y papatayin:…”
Ayon sa hulang ito ng Panginoong Jesucristo, hindi lamang maililigaw ang marami Niyang mga alagad kundi ang iba ay papatayin. Hindi nakapagtataka kung pagkamatay ng mga Apostol ay ibang Iglesia na ang masumpungan natin sa mga tala ng kasaysayan sapagkat kung mayroon mang nanindigan sa tunay na pananampalataya ay pinatay naman ng bagsik ng pag-uusig. Sino ang mga naging kasangkapan sa pagpatay at pagsila sa mga tunay na kaanib sa Iglesia? Sa Gawa 20:29 ay tiniyak ni Pablo ang ganito:
“Alam kong pagkaalis ko’y magsisipasok ang mababangis na asong-gubat at walang patawad na sisilain ang kawan.” (MB)
Ang tinutukoy na mga asong gubat na magiging kasangkapan sa lubusang pagtalikod ng Iglesia ay mga pinuno:
“Ang mga pinuno nila’y parang hayok na asong-gubat kung lumapa ng kanilang biktima…” (Ezek. 22:27, Ibid.)
Ang isa sa tinutukoy ng Biblia na mga asong-gubat ay ang masasamang pinuno na gaya ng mga hari at emperador “ na lumalapa ng kanilang biktima.” Tangi sa mga pinuno ng bansa na umusig sa Iglesia, sino pa ang itinulad ng Biblia sa mga asong-gubat? Ganito ang pahayag ng Panginoong Jesucristo:
“ ‘Mag-ingat kayo sa mga bulaang propeta; nagsisilapit sila sa inyo na animo’y tupa, ngunit ang totoo’y mababangis na asong-gubat’.” (Mat. 7:15, Ibid.)

Maging ang mga bulaang propeta na nagtuturo ng aral ng demonio ay itinutulad din ng Biblia sa asong-gubat. Sila ang mga naging kasangkapan hindi lamang upang iligaw ang mga alagad at pasunurin sa maling aral kundi upang ang mga ito ay patayin o silain. Madali nating malalaman kung sino ang kinatuparan ng ibinabala ni Cristo na magtatalikod sa Kaniyang Iglesia dahil sinabi rin Niya kung ano ang ating ikakikilala sa kanila, ”…mga bulaang propeta na nagsisilapit sa inyo na may damit tupa,…”
Kung gayon, makikilala ang mga bulaang propeta na nagpasok ng mga hidwang aral sa Iglesia. Sila ay nakadamit tupa. Sa Biblia, si Cristo ang ipinakikilalang cordero o tupa (Juan 1:29). Samakatuwid, ang mga bulaang propeta ay tumulad sa pananamit ni Cristo. May mga tagapagturo ng relihiyon na nagdaramit nang katulad ng damit ni Cristo. Sa aklat na pinamagatang Siya Ang Inyong Pakinggan: ‘Ang Aral Na Katoliko’ na sinulat ng paring si Enrique Demond ay ganito ang nakasulat sa pahina 195:
“Ang paring gayak sa pagmimisa ay nakatulad ni Jesucristo noong umakyat sa bundok ng Kalvario…”
Hindi kataka-taka, kung gayon, na ang mga sumunod sa panahon ng mga Apostol ay ang mga Obispo at mga papa ng Iglesia Katolika dahil sila mismo ang ibinabala ng mga Apostol na mga taong magsasagawa ng pagtalikod sa Iglesiang itinayo ni Cristo. Sila ang mga nagpasok at nagturo ng mga maling aral na ikinaligaw o ikinatalikod ng Iglesia.


Patotoo ng Kasaysayan
Ang mga natalang pangyayari sa kasaysayan ang magbibigay sa atin ng mga kaalaman upang mabatid at matiyak natin ang naganap sa Iglesia pagkatapos ng panahon ng mga Apostol. Natupad ba ang ibinabala ng mga Apostol na ang Iglesia ay papasukin ng mga maling aral? Sa isang aklat na pangkasaysayan na pinamagatang World’s Great Events, Vol II. Pp. 163-164, ay ganito ang mababasa:
“Noong una, ang kasaysayan ng Iglesia Romana ay katulad ng kasaysayan ng katotohanan ng Cristianismo. Datapuwat nakalulungkot na dumating ang panahon nang magsimulang dumaloy ang mga batis ng lason mula doon sa nang una’y dalisay na bukal.” (salin sa Pilipino)
Pinatutunayan ng kasaysayan ang pagdaloy sa Iglesia ng mga lasong aral na ikinamatay ng pananampalataya ng mga kaanib nito. Ang pangyayaring ito ay naganap alinsunod sa panahong ibinabala ng mga Apostol – pagkamatay nila o pagkatapos ng panahon nila magaganap ang pagtalikod ng Iglesia. Kung ang larawan ng Iglesiang ipinakikita ng mga tala ng kasaysayan pagkatapos ng panahon ng mga Apostol ay katulad din ng larawan nito sa kanilang kapanahunan, masasabi nating hindi natupad ang pagtalikod na kanilang ibinabala. Subalit ayon na rin sa patotoo ng kasaysayan, ano kayang uring Iglesia ang masusumpungan pagkatapos ng mga Apostol? Sangguniin natin ang isa pang akat na tumatalakay sa kasaysayan ng Iglesia, Story of the Christian Church, p. 41:
“Sa loob ng limampung taon pagkamatay ni Apostol Pablo ay isang lambong ang nakatabing sa buong Iglesia, na sa loob nito ay sinisikap nating may kabiguan ang makaaninaw, at sa wakas pagkahawi ng tabing na ito, 120 A.D., sa pamamagitan ng sulat ng tinatawag na mga unang ‘Ama ng Iglesia’ ay matatagpuan natin ang isang Iglesia na sa lahat ng bahagi ay ibang iba na sa Iglesia sa kapanahunan nina Apostol Pedro at Pablo.” (salin sa Pilipino)
Hindi pa nalalaunan ang pagkawala ng mga Apostol, ang Iglesia ay wala na sa dati nitong uri. Pinatutunayan ng kasaysayan na may limampung taon pa lamang ang nakalipas pagkamatay ng mga Apostol, ay ibang iba na ang Iglesia sa lahat ng bahagi. Ano ang ilan sa mga aral na hindi naman itinuro ni Cristo at ng Kaniyang mga Apostol subalit ipinasok ng mga bulaang propeta sa Iglesia?
Makagagawa tayo ng isang mahabang talaan ng mga maling doktrina na nagsimulang lumitaw pagkatapos ng panahon ng mga Apostol, mga doktrinang unti-unting ipinasok sa Iglesia at naging sanhi kaya naligaw o natalikod ang tunay na Iglesia na kinalaunan ay naging Iglesia Katolika.
Bawat paghiwalay sa mga aral ng Diyos na itinuro ni Cristo ay pagtalikod sa pananampalatay at ang pagsunod sa mga maling doktrina na itinuro ng mga bulaang propeta ay pagtatayo naman ng Iglesia Katolika. Kaya ang organisasyong dati’y dinadaluyan ng mga dalisay na aral ng Diyos, sumusunod kay Cristo, at tinatawag na Iglesia ni Cristo ay bumaling sa mga aral ng demonio, sumunod sa mga bulaang propeta, at naging Iglesia Katolika.


Pagpatay Sa Mga Cristiano
Hindi malulubos ang pagtalikod kung nanatiling buhay ang mga nanindigan sa mga dalisay na aral ni Cristo. Kaya, gaya ng ibinabala ni Pablo, ang Iglesia ay sinalakay ng mga “asong-gubat” na sumila at hindi nagpatawad sa kawan. Dapat nating alalahanin na ang ipinakikilala ng Biblia na mga asong gubat o mga lobong maninila ay hindi lamang ang mga bulaang propeta o mga tagapagturong Katoliko kundi maging ang masasamang pinuno na umusig sa Iglesia. Ang mga ito ay naging kasangkapan din sa pagpatay sa mga alagad ni Cristo na nanindigan sa tunay na pananampalataya at nanghawak sa mga dalisay na aral ng Diyos. Ang katuparan nito ay hindi nawaglit sa mga tala ng kasaysayan gaya ng isinasaad sa Halley’s Bible Handbook, sinulat ni Henry H. Halley sa mga pahina 761-762, sa pagkakasalin sa Pilipino:
Domitan (96 A.D.). Itinatag ni Domitian ang pag-uusig sa mga Cristiano. Maikli ngunit lubhang malupit.
Trajan (98-117 A.D.). Ang Cristianismo ay ipinalagay na isang ilegal na relihiyon, … Ang mga Cristiano ay hindi ipinaghahanap, ngunit kapag napagbintangan ay pinarurusahan.
Marcus Aurelius ( 161-180). Pinasigla niya ang pag-uusig sa mga Cristiano. Ito ay malupit at mabangis ang pinakamabagsik simula kay Nero. Libu-libo ang pinugutan ng ulo o kaya’y itinapon sa mababangis na hayop…
Septimus Severus (193-211). Ang pag-uusig na ito ay totoong napakalupit,…
Decius (249-251). Buong tatag na pinasiyahang lipulin ang Cristianismo.
Valerian (253-260). Mas mabangis kay Decius; tinangka niya ang lubos na pagwasak sa Cristianismo. Maraming lider ang pinatay…
Diocletian (284-305). Ang huling pag-uusig ng Imperyo, at siyang pinakamalupit; …ang mga Cristiano ay pinaghahanap sa mga kuweba at gubat; sila ay sinunog, itinapon sa mga mababangis na hayop, pinagpapatay sa pamamagitan ng mga pagpapahirap bunga ng kalupitan.”

Mapapansin natin na halos kaalinsabay ng pagpasok ng mga maling doktrina sa Iglesia ay dinanas ng mga alagad ang bagsik ng pag-uusig na ginawa ng mga emperador Romano – pag-uusig na hindi lamang naging sanhi upang matakot ang mahina sa pananampalataya at tanggapin ang maling aral, kundi pumatay sa nanindigan sa dalisay na ebanghelyo. Sa madilim na bahaging ito ng kasaysayan ng Iglesia ay dapat nating mabatid na hindi lamang ang lumupig sa Iglesia ay ang masasamang pinuno ng pamahalaan kundi ang mismong kapapahan:


“Leo I (A.D 440-461)…, tinawag ng ilang mananalaysay na Unang Papa…Ipinahayag ang kanyang sarili na Panginoon ng Buong Iglesia; itinaguyod ang Natatanging Pangkalahatang Kapapahan; sinabi na ang pagtutol sa kaniyang kapangyarihan ay Tiyak na Pagtungo sa Impiyerno; itinaguyod ang Parusang Kamatayan ukol sa erehiya.” (Ibid., p. 770)
Hindi kataka-taka na tawagin din ng mga Apostol na mga “asong-gubat” ang mga bulaang propeta hindi lamang dahil sa naging daan sila ng pagpasok ng mga maling doktrina sa Iglesia kundi sila mismo ang sumalakay at hindi nagpatawad sa kawan.

Kaya, gaya ng paunang pahayag ni Cristo at ng mga Apostol, ang Iglesia ni Cristo na nagsimula noon unang siglo sa Jerusalem bilang isang organisasyon na nagtataguyod ng mga dalisay na aral ng Diyos, pagkamatay ng mga Apostol, ay unti-unting bumaling sa mga maling aral at tinalikuran ang kaniyang pananampalataya.

Thursday, August 29, 2013

Malayang Magpasya ang Tao



May mga naniniwala na ang kapalaran ng tao ay nasa guhit ng kanilang mga palad. Kung saan daw siya dalhin ng kaniyang kapalaran ay doon na siya makakarating. Maging sa pagpili ng Iglesia o relihiyonng aaniban, ay marami ang may ganitong paniniwala. Dahil dito, mahalagang malaman ng tao ang itinuturo ng Biblia ukol sa kasaysayan ng sangkatauhan kaugnay ng kaniyang kapalaran.

Sa panahon ng mga unang tao.

Ang sangkatauhan ay nagsimula kay Adan, ang unang taong nilalang ng Diyos. Si Adan ay inilagay Niya sa halamanan ng Eden. Sa gitna ng halamanan ay naroon ang punong kahoy ng buhay at ang punong kahoy na nagbibigay ng kaalaman sa mabuti at masama (Gen. 2:9, New Pilipino Version). Binigyan ng Diyos ng kalayaan ang tao na piliin ang kanilang magiging buhay at kapalaran:

“ Ang tao ay inilagay ng PANGINOONG DIYOS sa Hardin ng Eden upang pangalagaan at pagyamanin ito. Ganito ang sinabi ng PANGINOONG DIYOS sa lalaki, ‘Malaya mong makakain ang bunga ng alinmang punong kahoy sa hardin. Ngunit huwag mong kakanin ang bunga ng punong kahoy ng pagkakilala sa mabuti at masama, pagkat pagkinain mo ito, tiyak na mamamatay ka’.” (Gen. 2:15-17)

Sa kabila ng kalayaang ito ng tao, ang Diyos ay nag utos sa kaniya, “Ngunit huwag mong kakanin ang bunga ng punong kahoy ng pagkakilala sa mabuti at masama, pagkat pagkinain mo ito, tiyak na mamamatay ka”

Ang pinili ni Adan at ng kaniyang asawang si Eva ay ang paglabag sa utos ng Diyos. Sinira nila ang kanilang napakagandang kalagayan (Gen. 3:17-19). Kaya, sila ay pinalayas ng Dios sa halamanan ng Eden.

Sa Panahon ng mga Propeta

Ang matandang bayang Israel ay kinilala ng Diyos na kaniyang bayan (Deut. 7:6-8). Si Moises ang pinili Niya upang pangunahan ang Israel sa paglilingkod sa kaniya (Exo. 3:10-12). Ipinag utos ng Diyos kay Moises na ituro sa Israel ang lahat ng mga utos na ibinigay Niya na dapat nilang tuparin (Deut. 6:1-4). Gayundin, ibinigay ng Diyos sa mga Israelita ang pagpapasya sa pagpili ng kanilang magiging kapalaran:

“ Nasa inyo ngayon ang kapasyahan. Kayo ang pipili ng buhay at kasaganaan o ng kahirapan at kamatayan. Kapag sinunod ninyo ang kautusan, inibig ni Yahweh, at nilakaran ang kanyang mga landas, pagpapalain niya kayo sa lupaing ibibigay niya sa inyo. Mabubuhay kayo nang matagal at kanyang pararamihin kayo. Ngunit kapag tumalikod kayo sa kanya at naglingkod sa ibang dios, ngayon pa’y sinasabi ko sa inyong malilipol kayo. Hindi kayo magtatagal sa lupaing tatahanan ninyo sa ibayo ng Jorda.” (Deut. 30:15-18, Magandang Balita Biblia)

Dahil sa malaking pag-ibig ng Dios sa Israel at sa Kaniyang paghahangad na mapabuti ang buhay at pamumuhay ng mga Israelita ay ganito ang ipinayo Niya sa kanila:

“ Saksi ko ang langit at ang lupa na ngayo’y inilahad ko sa inyo ang buhay o kamatayan, at ang pagpapala o sumpa. Kaya, piliin ninyo ang buhay para kayo at ang inyong lahi ay magtagal. Ibigin ninyo si Yahweh, makinig sa kanyang tinig at manatiling tapat sa kanya. Sa gayon, mabubuhay kayo nang matagal sa lupaing ipinangako niya sa ninuno ninyong sina Abraham, Isaac at Jacob.” (Deut. 30: 19-20).

Ngunit hindi sinunod ng mga Israelita ang payo ng Diyos. Hindi nila pinili ang buhay at pagpapala; hindi sila nakinig sa mga salita ng Diyos. Sa halip, ginawa nila ang kanilang balang maibigan. Sila’y lubusang nagpakasama at tumalikod sa pagiging bayan Niya (Jer. 7:23-24).
Pinatutunayan ng mga pangyayari sa kasaysayan ng tao na hindi totoong ang kapalaran niya ay nasa guhit ng kaniyang mga palad. May kalayaan siyang pumili kaya siyang karapatan na isisi sa Diyos ang masamang pagyayari sa kaniyang buhay.

Sapanahong Cristinao

Maging sa ating panahon ay ibigyan tayo ng Dios ng kalayaanng pumili. Itinuro ng Panginoong Jesucristo kung alin ang dapat pasukan ng tunay na sumasampalataya sa Kaniya upang sila’y huwag mapahamak. Ang sabi Niya:

“ Samakipot na pintuan kayo pumasok. Maluwang ang pintuan at malapad ang daan tungo sa kapahamakan at marami ang dumaraan doon. Makipot ang pintuan at makitid ang daan patungo sa buhay kaya kakaunti ang nakasusumpong niyon.” (Mat. 7:13-14, NPV)



Iniutos ng tagapagligtas na sa makipot na pintuan pumasok ang tao dahil ito ang daan patungo sa buhay. Subalit, maraming ayaw pumasok sa pintuang ito. Ang pinili ng marami ay ang maluwang at malapad na daan na patungo sa kapahamakan. Upang ang tao’y huwag humantong sa kapahamakan, hindi niya dapat ipagwalang bahala ang paghanap sa kaniyang kaligtasan. Dapat niyang hanapin ang pintuan, patungo sa buhay. Ipinakilala ng Panginoong Jesus kung sino ang pintuan:

“So Jesus spoke again: ‘In very truth I tell you, I am the door of the sheepfold… I am the door; anyone who comes into the fold through me will be safe’.” (Kaya muling nagsalita si Jesus: “ Katotohanang katotohanang sinasabi ko a inyo, Ako ang pintuan ng kawan ng mga tupa…. Ako ang pintuan; sinumang pumasok sa kawan sa pamamagitan ko ay magiging ligtas.” (Jn. 10:7,9, revised English Bible).

Ang tao malayang gumagawa ng pagpapasya para sa magiging kapalaran ng kaniyang kaluluwa. Ang kaniyang pagpipilian ay ang kapahamakan o kaligtasan. Hindi totoo na kung saan siya dalhin ng kaniyang kapalaran, sa ayaw niya o sa gusto, ay doon siya makararating. Kung nais niya ng kaligtasan, dapa niyang piliin ang pagpasok sa kawan. Ang kawan na ipinag utos ni Crsito na dapat pasukan ay ang IGLESIA NI CRISTO:

“Take heed therefore to yourselves and to all the flock over which the Holy Spirit has appointed you over seers, to feed the church of Crist which he has purchased with his blood.” (Ingatan ninyo kung gayon ang inyong mga sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espirito Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.) (Acts 20:28, Lamsa Translation).

Ang Iglesia ni Cristo ang tanging tinubos na mahalagang dugo ni Crsito. Dahil dito, ang mga kaanib sa Iglesiang ito ay nakatitiyak ng kaligtasan sa parusa ng Diyos:

“ At ngayong napawalang sala na tayo sa pamamagitan ng kanyang dugo, lalo nang tiyak na maliligtas tayo sa poot ng Diyos sa pamamagitan niya.”(Roma 5:9,MB).

Dahil ito ang Kaniyang tinubos at siyang Kaniyang katawan, ang Iglesia ang siyang ililigtas ni Crsito. Pinatutunayan ito ng Biblia:

“Sapagka’t ang lalake ay pangulo ng kaniyang asawa, gaya naman ni Cristo na pangulo ng Iglesia, na siya rin ang tagapagligtas ng katawan.” (Efe. 5:23).

Kung gayon, hindi dapat ipagwalang bahala ninuman ang pagpili sa tunay na relihiyon. Dapat piliin ng tao ang ikapagtatamo ng kaligtasan ng kaniyang kaluluwa sa pamamagitan ng pagpili ng Iglesiang ililigtas ni Jesus- ang IGLESIA NI CRISTO.

Mayroon pang dapat piliin

Magkagayunman, hindi sapat na umanib lamang ang tao sa IGLESIA NI CRISTO upang maligtas. Ang mga kaanib dito ay may roon pang dapat pagpilian:

“Sapagkat, ‘Kauinting panahon na lamang, hindi na magluluwat, at ang paririto ay darating. Ang tapat kong lingkod ay nabubuhay sa pananalig sa akin, Ngunit kung siya’y tumalikod, hindi ko kalulugdan’. Ngunit hindi tayo kabilang sa mga tumatalikod at napapahamak, kundi sa mga nananalig sa Diyos at sa gayo’y naliligtas” (Heb. 10:37-39MB).

Hindi dapat piliin ng mga tapat ng lingkod ng Diyos ang pagtalikod sa Kaniya, kundi ang pananatili sa pananalig sa Diyos. Kahit lumaganap ang kahirapan at kasamaan, dapat tayong manatili sa Iglesia, sapagkat ang mga gayon ang maliligtas:

“At dahil sa paglaganap ng kasamaan, ang pag ibig ng marami ay lalamig. Datapuwat ang manatiling tapat hanggang wakas ay maliligtas.” (Mat. 24:12-13, NPV).


Ang mga kaanib sa IGLESIA NI CRISTO ay hindi dapat pumayag na ang ating pag ibig sa Diyos ay manlamig. Bagkus, dapat nating sundin ang itinuro ni Cristo na ibigin ang Diyos ng buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag iisip (Mat. 22-37). Dapat tayong manatiling tapat sa pagdalo sa mga pagsamba, sa pagtupad sa ating mga tungkuling mula sa Diyos, at gayundin, sa ganap na pagbabagong buhay. Ito ang pagpapasyang tunay na ikaliligtas. 

Friday, August 23, 2013

Sabbath



May mga pangkatin ng pananampalataya na hanggang ngayon ay patuloy pa ring nagtataguyod ng pangingilin ng Sabbath o pamamahinga sa araw ng Sabado. Mayroon ding pangkatin ng pananampalataya na nagsasabing ang mga Cristiano ay hindi saklaw ng batas ukol sa pangingilin ng Sabbath. Dahil ditto mahalagang ating suriin kung ang mga Cristiano ay nasasaklaw o hindi ng batas ukol sa pangingilin ng Sabbath. Sa ikaliliwanag ng paksang ito, mahalagang malaman  natin kung papaano ang pangingilin ng Sabbath, sang-ayon sa  utos ng  ating Panginoong  Dios.

Magpasimula po tayo sa pahayag ng Dios na:

“ Alalahanin mo ang araw ng Sabbath at panatilihin mo itong banal. Anim na araw kang magtatrabaho at gagawa ng lahat ng iyong Gawain. Ngunit ang ikapitong araw ay sabbat sa PANGINOON mong Dios. Sa araw na ito ay huwag kang gagawa ng anumang gawa, ni ang alila mong lalake o babae,ni ang iyong mga hayop, ni ang mga taga ibang baying nasa lugar na nasasakupan mo. Pagkat anim na araw na ginawa ng PANGINOON ang mga langit, ang lupa, ang dagat, at lahat ng nasa mga ito,ngunit namahinga Siya sa ikapitong araw at ginawa itong banal” (Exo.20:8-11,NPV)

Ang Sabbath ay araw ng pamamahinga. Ang mga Israelita ay pinagbawalang magtrabaho o gumawa ng anumang Gawain sa araw ng Sabbath. Ang kanilang anak na lalaki o babae, maging ang kanilang mga alilang lalaki o babae ay hindi dapat atangan ng anumang Gawain, bagkus sila’y dapat magpahinga sa ikapitong araw. Gayundin naman ang mga hayop tulad ng baka,ay hindi dapat papagtrabahuin sa araw ngSabbath. Maging taga ibang bayan na nakikipamayan sa Israel ay dapat ding magpahinga sa ikapitong araw. Ano ang nasasaklaw ng pagbabawal na gumawa ng anomang gawa sa araw ng Sabbath? Ganito an gating matutunghayan sa banal na kasulatan:

“Huwag kayong magpapaningas ng apoy sa inyong buong tahanan sa araw ng sabbath.” (Exo.35:3)

Sa pangingilin ng Sabbath mahigpit na ipinagbabawal ng Dios ang magpaningas ng apoy sa buong tahanan. Kung bawal ang magpangingas ng apoy, ipinahihintulot kaya ng Dios ang magluto o mag-ihaw ng pagkain sa araw ng Sabbath? Ganito ang pahayag ni Moises:

“At kaniyang sinabi sa kanila, Ito ang sinalita ng Panginoon, Bukas ay takdang kapahingahan, banal na sabbath sa Panginoon: ihawin ninyo ang inyong iihawin, at lutuin ninyo ang inyong lulutuin; at lahat na lalabis ay itago ninyo sa ganang inyo, na inyong itira hanggang sa kinabukasan.” (Exo.16:23)

Maliwanag na ipinag-utos ng Dios na sa ikaanim na araw pa lamang bago lumubog ang araw ay ihawin na ang dapat ihawin at lutuin ang dapat lutuin sapagkat sa ikapitong araw ay Sabbath sa PANGINOON at hindi ipinahihintulot ng Dios ang pagluluto o pagpapaningas ng apoy. Kaugnay nito,noong ibigay ng Dios ang mana sa mga Israelita doon sa ilang ay mapapansin natin na sa ikaanim na araw ay ibinigay ang mana para dalawang araw, sapagkat sa ikapitong araw na siyang araw ng Sabbath ay hindi Niya pinahihintulutan sila na umalis sa kanilang kinaroroonan upang manguha ng mana na pinaka-pagkain.

“Tingnan ninyo, na sapagka't ibinigay ng Panginoon sa inyo ang sabbath, kung kaya't kaniyang ibinibigay sa inyo sa ikaanim na araw ang pagkain ng sa dalawang araw; matira ang bawa't tao sa kaniyang kinaroroonan, huwag umalis ang sinoman sa kaniyang kinaroroonan, sa ikapitong araw.” (Exo.16:29)

Kaugnay pa rin ng pangingilin ng Sabbath,ipinagbabawal din ng Dios sa mga Israelita ang makipagkalakalan at pamimili ng pagkain sa araw ng Sabbath. Ang mga Israelitang inutusang mangilin ng Sabbath ay nangako na hindi sila makikipagkalakalan ni bibili ng anomang pagkain sa araw ng Sabbath.


“ Kapag ang mga tao sa aming paligid ay nagtitinda ng kanilang kalakal o pagkain kung araw ng Sabbath,hindi kami bibili sa kanila. Tuwing ikapitong taon, hindi naming bubungkalin ang aming bukirin,at kalilimutan na ang lahat ng aming pautang” (Neh.10:31 NPV)


Ano naman ang parusang itinakda ng Dios sa sinumang masusumpungan na gumagawa ng anomang Gawain sa araw ng Sabbath? May ganitong sinasabi ang biblia, tunghayan po natin:


“Anim na araw na gagawa, datapuwa't ang ikapitong araw ay ipangingilin ninyo, isang sabbath na takdang kapahingahan sa Panginoon: sinomang gumawa ng anomang gawa sa araw na iyan ay papatayin.” (Exo.35:2)


Napakabigat ng parusa sa sinumang masumpungan na gumagawa ng anumang Gawain sa araw ng Sabbath. Kamatayan ang parusa. Matutunghayan natin sa kasaysayan ng Israel na binabato hanggang sa mamatay ang sinumang masumpungan na gumagawa ng anumang gawa sa araw ng Sabbath. May ganitong pangyayari na nakatala sa biblia, tunghayan po natin:


“  At samantalang ang mga anak ni Israel ay nangasa ilang, ay nakasumpong sila ng isang lalake na namumulot ng kahoy sa araw ng sabbath. At silang nakasumpong sa kaniya na namumulot ng kahoy, ay dinala siya kay Moises, at kay Aaron, at sa buong kapisanan. At kanilang inilagay siya sa bilangguan, sapagka't hindi pa ipinahahayag kung ano ang gagawin sa kaniya.  At sinabi ng Panginoon kay Moises, Ang lalake ay walang pagsalang papatayin; babatuhin siya ng buong kapisanan sa labas ng kampamento.   At inilabas siya ng buong kapisanan sa kampamento at kanilang binato siya hanggang sa mamatay ng mga bato; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.” (Bilang 15:32-36)


Ihanay natin ngayon sa isang talaan kung papaano dapat ipangilin ang Sabbath mula sa ating natunghayan na ipinahayag ng Banal na Kasulatan:

1) Huwag magtatrabaho o gumawa ng anumang gawain  sa araw ng Sabbath.
2) Huwag magiihaw o magluluto o magpapaningas ng apoy.
3) Huwag makikipagkalakalan o bibili ng pagkain.
4) Babatuhin hanggang sa mamatay ang masusumpungang gumagawa ng anumang gawa sa araw ng Sabbath.

Ang Pangingilin ng mga Sabadista
Mapapansin natin na ang pangkatin ng pananampalataya na nagtataguyod ng pangingilin ng Sabbath ay hindi ganap na sumusunod sa paraan ng pangingilin na ipinag-uutos ng Panginoong Dios. Kahit araw ng Sabado, na siyang ikapitong araw ay masusupungan na sila ay nagluluto o nagpapainit ng kanilang mga pagkain, na ito’y malinaw na paglabag sa tuntunin ng pangingilin sa araw ng Sabbath. Ang iba ay nagtutungo sa mga pamilihan upang bumili ng kanilang mga pangangailangan na ito ay hindi rin nararapat gawin ayon sa batas ng Sabbath. Kung ang iba ay nagpapahinga sa kanilang mga Gawain sa araw ng Sabado, ay patuloy naman nilang pinagtatrabaho o inaatangan ng mga Gawain ang kanilang mga alila o katulong sa kanilang mga tahanan, na ito ay tahasan ding paglabag sa tuntunin ng Dios ukol sa pangingilin ngSabbath.  Lalong hindi magagawa ng mga nagtataguyod ng pangingilin ng Sabbath na lapatan ng parusang kamatayan ang masusumpungan nila na gumagawa o nagtatrabaho sa araw ng Sabbath. Kung totoo na hanggang ngayon ay dapat ipangilin ang Sabbath,ang uri ng kanilang pagtupad na isang bahagi lamang ng kautusan ng pinahahalagahan at ang ilang bahagi ay winawalang kabuluhan ay ipinagkakasala sa buong kautusan. May ganitong pagtuturo ang biblia, tunghayan po natin:


“  Sapagkat ang sinumang tumutupad sa buong kautusan ngunit lumabag kahit sa isang punto lamang nito ay lumalabag sa buong kautusan” (Sant.2:10, NPV)


Ang mga unang Cristiano ay hindi inutusang mangilin ng Sabbath, magpatuloy po tayo. Walang mababasa sa Bagong Tipan na ipinag-utos ng  ating Panginoong Jesus  o ng mga Apostol sa mga Cristiano na sila ay mangilin ng araw ng Sabbath. Sa katunayan masusumpungan natin sa Bagong Tipan na si Cristo at ang Kaniyang mga alagad ay hindi nangilin ng araw ng Sabbath. Tunghayan po natin ang nakatalang pangyayari na nakatala sa biblia sa:


“Nang panahong yaon ay naglalakad si Jesus nang araw ng sabbath sa mga bukiran ng trigo; at nangagutom ang kaniyang mga alagad at nangagpasimulang magsikitil ng mga uhay at magsikain.” (Mateo 12:1)


Ito ang katunayan na si Cristo at ang Kaniyang mga alagad ay hindi nangingilin ngSabbath. Araw ng Sabbath noon nang ang mga alagad ni Jesus ay magutom sa kanilang paglalakad. Sila’y nagsikitil ng mga uhay na yaon ay hindi nararapat gawin sa araw ng Sabbath. Magugunita natin na noong ibigay ng Dios ang mana sa mga Israelita doon sa ilang, hindi Niya pinahintulutan sila na manguha ng mana sa ikapitong araw, kung kaya’t sa ikaanim na araw pa lamang ay ibinigay na Niya ang mana para sa dalawang araw. Kaya ang ginawa ng mga alagad ni Cristo na pagkitil ng mga uhay sa araw ng Sabbath ay tunay na labag sa tuntuning ibinigay ng Dios sa mga Israelita ukol sa pangingilin ng Sabbath.

Araw din ng Sabbath noon nang pangalingin ni Cristo ang isang lalaking tuyo ang isang kamay. Ang gayong pagpapagaling sa maysakit ay hindi nararapat gawin sa araw ngSabbath sapagkat sinabi ng Dios ”sa araw na iyan ay huwag kayong gagawa ng anomang gawa”.  Nang pagalingin ni Cristo ang taong maysakit sa araw ng Sabbath yaon ba’y katunayan na Siya ay tagapagtaguyod ng pangingilin ng Sabbath?  Basahin po natin ang nakatala sa biblia:


“  At narito, may isang tao na tuyo ang isang kamay. At sa kaniya'y itinanong nila, na sinasabi, Matuwid bagang magpagaling sa araw ng sabbath? upang siya'y kanilang maisumbong. At sinabi niya sa kanila, Sino kaya sa inyo, na kung mayroong isang tupa, na kung mahulog ito sa isang hukay sa araw ng sabbath, ay hindi baga niya aabutin, at hahanguin?   Gaano pa nga ang isang tao na may halaga kay sa isang tupa! Kaya't matuwid na gumawa ng mabuti sa araw ng sabbath.” (Mateo 12:10-12)


Maliwanag kung gayon na si Cristo at kahit ang Kaniyang mga alagad ay hindi tagapagtaguyod ng pangingilin ng Sabbath.  Tahasang sinabi ni Cristo, 
“matuwid na gumawa ng mabuti sa araw ng Sabbath”
Sa Banal na Kasulatan ay nakasaad na ang mga pariseo na siyang kaaway ni Cristo sa Kaniyang kapanahunan ay siyang masugid na tagapagtaguyod ng pangingilin ngSabbath. Ganito po ang tala ng mga pangyayari sa Banal na Kasulatan, tunghayan po natin:


“Ang ilan nga sa mga Fariseo ay nangagsabi, Ang taong ito'y hindi galing sa Dios, sapagka't hindi nangingilin sa sabbath. Datapuwa't sinasabi ng mga iba, Paano bagang makagagawa ng gayong mga tanda ang isang taong makasalanan? At nagkaroon ng pagkakabahabahagi sa gitna nila.” (Juan 9:16)


Sa araw din ng Sabbath nang pagalingin naman ni Cristo ang isang taong malaon nang maysakit. Ganito naman ang nakatala sa
 Juan 5:8-9, tunghayan po natin muli:


“Sinabi sa kaniya ni Jesus, Magtindig ka, buhatin mo ang iyong higaan, at lumakad ka. At pagdaka'y gumaling ang lalake, at binuhat ang kaniyang higaan at lumakad. Noon nga'y araw ng sabbath.”


Dahil dito, lalong pinag-uusig ng mga Judio an gating Panginoong Jesus sa Kaniyang ginawang pagpapagaling ng maysakit sa araw ng Sabbath. Tunghayan nating muli ang tala sa biblia:


“At dahil dito'y pinagusig ng mga Judio si Jesus, sapagka't ginagawa niya ang mga bagay na ito sa araw ng sabbath.” ( Juan 5:16)


Si Cristo at ang Kaniyang mga alagad ay hindi tagapagtaguyod ng pangingilin ngSabbath. Ang mga kaaway ni Cristo sa Kaniyang kapanahunan ang masugid na tagapagtaguyod ng pangingilin ng Sabbath.

Tanong: Kasalanan ba ang hindi pangingilin ng Sabbath sa panahon natin, o panahong Cristiano?  Maibibilang kaya na kasalanan ni Cristo at ng Kaniyang mga alagad ang hindi nila pangingilin ng Sabbath?  Iyon kaya’y isang paglabag sa kautusan ng Dios? Batay sa tala ng biblia atin pong tunghayan muli:


“ Wawakasan ko na ang lahat ng kanyang kasayahan, mga kapistahan, mga araw ng pangilin at lahat ng itinakda niyang pagdiriwang” (Oseas 2:11 MBB)

Hindi magiging kasalanan ni Cristo at ng Kaniyang mga alagad ang hindi nila pangingilin ng Sabbath. Sapagkat sinasabi ng Kasulatan na winakasan na ng Dios ang mga pangingilin ng mga araw. Aling mga araw ng pangingilin ang tinutukoy na winakasan na  ng Dios?


“Akin din namang papaglilikatin ang kaniyang mga kalayawan, ang kaniyang mga kapistahan, ang kaniyang mga bagong buwan, at ang kaniyang mga sabbath, at lahat ng kaniyang takdang kapulungan.” (Oseas 2:11)


Tiniyak na ang mga araw ng pangingilin na winakasan na  ng Dios ay ang Sabbath. Kaya kung ang pangingilin ng Sabbath ay winakasan nang Dios, hindi magiging kasalanan ni Cristo at ng Kaniyang mga alagad ang hindi nila pangingilin nito Hindi maituturing na ito’y paglabag sa kautusan. Manapa ang patuloy pa ring nangingilin ng Sabbath ang lumalabag sa kautusan sapagkat ang pangingilin ng Sabbath ay winakasan na  ng Dios. Makatuwiran ang pagkasulat ni Apostol Pablo sa mga Cristiano na hindi na dapat ihatol ang tungkol sa pangingilin ng araw ng Sabbath, tulad ng mababasa natin ditto:


“Sinoman nga ay huwag humatol sa inyo tungkol sa pagkain, o sa paginom, o tungkol sa kapistahan, o bagong buwan o araw ng sabbath:” (Colosas 2:16)

Paano naman daw yaong mga babae na nagsipahinga sa araw ng Sabbath? Hindi ba’t sa Lucas 23:56 ay may binabanggit na mga babaing nagsipagpahing asa araw ngSabbath?
Tama po Ngunit yao’y hindi mapanghahawakan na ang mga Cristiano ay inutusan na mangilin sa araw ng Sabbath. Walang gayong utos sa mga Cristiano. Hindi nag-utos si Cristo na sa Kaniyang mga alagad na ipangilin ang araw ng Sabbath. Ang mga babaing tinutukoy ay nahirati sa dati nilang kaugalian, na ang kaugali-ang iyon ay taglay pa rin nila ng sila’y magsisampalataya kay Cristo. Ang gayong mga maling kaugalian ay hindi pinayagan ni Apostol Pablo na gawin ng mga Cristiano. Tunghayan pong muli natin ang tala sa biblia:


“  Datapuwa't ngayon yamang nakikilala na ninyo ang Dios, o ang lalong mabuting sabihin, kayo'y nangakikilala ng Dios, bakit muling nangagbabalik kayo doon sa mahihina at walang bisang mga pasimulang aral, na sa mga yao'y ninanasa ninyong magbalik sa pagkaalipin?   Ipinangingilin ninyo ang mga araw, at mga buwan, at mga panahon, at mga taon.  Ako'y natatakot tungkol sa inyo, baka sa anomang paraan ay nagpagal ako sa inyo ng walang kabuluhan”(Gal.4:9-11)


Tunay na hindi pinayagan ni Apostol Pablo ang mga Cristiano na magtaglay pa ng mga maling kaugali-an gaya ng pangingilin ng mga araw sapagkat ito’y nangangahulugan nabumabalik silang muli sa pagkaalipin. Ang pangingilin ng Sabbath ay ibinigay ng Dios sa mga Israelita bilang isang tanda na sila’y pinalaya sa pagkaalipin doon sa Egipto. Tunghayan po natin ang nakatala sa biblia:


“  Bukod dito'y ibinigay ko rin naman sa kanila ang aking mga sabbath, upang maging tanda sa akin at sa kanila, upang kanilang makilala na ako ang Panginoon na nagpapaging banal sa kanila.”  (Ezek.20:12)


Kaya ang pangingilin ng Sabbath ay hindi para sa mga Cristiano. Ito ay para sa mga Israelita na inilabas sa pagkalipin sa lupain ng Egipto. Walang talata sa biblia na nagsasaad na ang mga Cristiano ay dapat mangilin ng araw ng Sabbath. Sumulat ng ganito si Apostol Pablo sa mga Cristiano, atin pong basahin:


“Kaya’t huwag na kayong pasasakop sa anumang tuntunin tungkol sa pagkain o inumin, tungkol sa kapistahan, sa bagong buwan o sa Araw ng Pamamahinga
(Colosas 2:16 MB)


Tuesday, August 6, 2013

Tatlong Personang Dios daw nasa Biblia ba?



Ang doktrina o aral tungkol sa TRINIDAD ay isang malaganap na paniniwala ng maraming nagpapakilalang mga Cristiano sa kasalukuyan. Ang paniniwalang ito, ay kanilang ipinapalagay na mababasa sa Biblia o nakabatay sa Biblia, itinuturo ng aral na ito na ang Diyos ay binubuo ng TATLONG PERSONADiyos Ama, Diyos Anak, at Diyos Espiritu Santo, bagamat itinuturing nila na ang bawat persona ay isang Diyos, ang mga naniniwala sa Trinidad ay nagtuturo at nagsasabi na iisa lamang ang Diyos at hindi tatlo.

Kung ating sasangguniin ang Biblia, ang Panginoong Diyos ba, o ang kaniyang anak na si Jesu Cristo,  o maging ang mga Apostol, ay nagturo na mayroon pang ibang Diyos maliban sa AMA?  Ano ba ang pagpapakilala ng Diyos sa kaniyang sarili na siya namang itinuro ni Cristo at ng kaniyang mga alagad? Sabi ng Biblia:


     Isaias 45:21  “Kayo'y mangagpahayag, at mangagpasapit; oo, magsanggunian silang magkakasama: sinong nagpakilala nito mula nang mga unang panahon? sinong nagpahayag niyaon nang una? hindi baga ang Panginoon? at walang Dios liban sa akin: isang ganap na Dios at Tagapagligtas; walang iba liban sa akin.”

Ang Diyos mismo ang nagsabi na siya lamang ang nagiisang Diyos, at ito’y kaniyang binigyan ng diin sa pagsasabing walang Dios liban sa kaniya at wala siyang nakikilalang iba:

      Isaias 44:8  “Kayo'y huwag mangatakot, o magsipangilabot man: hindi ko baga ipinahayag sa iyo nang una, at ipinakilala? at kayo ang aking mga saksi. May Dios baga liban sa akin?oo, walang malaking Bato; ako'y walang nakikilalang iba.”

Ang nagiisang tunay na Diyos ay walang nakikilalang ibang Diyos maliban sa kaniyang sarili, iyan ang maliwanag na katotohanang pahayag ng ating Panginoong Diyos mismo. Maging ang kaniyang mga sinaunanag lingkod gaya halimbawa ni Haring David ay may pahayag ng ganito:

2   Samuel 7:22  “Kaya't ikaw ay dakila, Oh Panginoong Dios: sapagka't walang gaya mo, o may ibang Dios pa bukod sa iyo, ayon sa lahat na aming naririnig ng aming mga pakinig.”

Mapapansin na noong mga unang panahon ang mga lingkod ng Diyos ay hindi kailanman siya ipinakilala bilang isang Diyos na may tatlong persona, kundi ipinakilala nila na ang Diyos ay iisa lamang at wala siyang katulad o kagaya. Dagdag pa ni Haring David:

    Awit 86:10  “Sapagka't ikaw ay dakila, at gumagawa ng kagilagilalas na mga bagay: ikaw na magisa ang Dios.”

Maliwanag kung gayon na IISA LAMANG ANG TUNAY NA DIYOS. Kung ang tao ay kumilala pa sa ibang Diyos maliban sa iisang tunay na Diyos na ipinakikilala ng Biblia, samakatuwid ay hindi sila nakaabot sa tunay na pagkakilala sa tunay na Diyos na itinuro ng mga banal na kasulatan.


Ang AMA lamang ang nag-iisang tunay na Diyos

Sino ang nagiisang tunay na Diyos na ipinakilala ni Cristo? Ating tunghayan at basahin ang patotoo ng Tagapagligtas:

      Juan 17:1,3  “Ang mga bagay na ito ay sinalita ni Jesus; at sa pagtingala ng kaniyang mga mata sa langit, ay sinabi niya, Ama, dumating na ang oras; luwalhatiin mo ang iyong Anak, upang ikaw ay luwalhatiin ng Anak…At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga'y si Jesucristo.”

Ipinakilala ni Cristo na ang Ama sa langit ang nagiisang tunay na Diyos.  Sa kabilang dako, ipinakilala niya ang kaniyang sarili bilang sinugo o sugo ng Diyos at hindi bilang kapantay o isa sa mga persona ng Diyos at isa pang Diyos gaya ng paniniwala ng iba. Si Jesus ay sugo ng Diyos, at gayon natin siya dapat kilalanin:

     Juan 17:21  “Upang silang lahat ay maging isa; na gaya mo, Ama, sa akin, at ako'y sa iyo, na sila nama'y suma atin: upang ang sanglibutan ay sumampalataya na ako'y sinugo mo.”

Sa pagsasabi ni Cristo na ang Ama ang nagiisang tunay na Diyos, maliwanag kung gayon na hindi si Cristo ang Diyos.

Maging ang mga apostol ay kumikilala sa iisang Diyos lamang, ang AMA, at hindi kailanman binanggit sa alinmang kasulatang isinulat ng mga apostol na ang Diyos ay may tatlong persona:

1   Corinto 8:5  “Sapagka't bagama't mayroong mga tinatawag na mga dios, maging sa langit o maging sa lupa; gaya nang may maraming mga dios at maraming mga panginoon;”

1   Corinto 8:6  “Nguni't sa ganang atin ay may isang Dios lamang, ang Ama, na buhat sa kaniya ang lahat ng mga bagay, at tayo'y sa kaniya; at isa lamang Panginoon, si Jesucristo, na sa pamamagitan niya ang lahat ng mga bagay, at tayo'y sa pamamagitan niya.”

Ang Diyos, si Cristo, at ang mga apostol kailanman ay hindi nagturo na ang Diyos ay higit sa isa. Ang nagiisang Diyos na tunay na ipinangaral ni Cristo at ng mga alagad niya ay ang AMA lamang.  Hindi binanggit na siya’s binubuo ng tatlong persona. Hindi sinabi na ang Anak, at ang Espiritu Santo ay Diyos din.  Subalit hindi nakapagtataka na may mga tao na magturo na mayroon pang ibang Diyos maliban sa AMA. May sinasasabi ang Biblia na ganito sa kasunod na talata:

1 Corinto 8:7  “Gayon ma'y wala sa lahat ng mga tao ang kaalamang iyan”…

Maliwanag na pinatutunayan ng Biblia na may mga tao na hindi nakaabot sa pagkaalam ng katotohanan tungkol sa nagiisa at tunay na Diyos – ang tunay na kaalamang ito ay wala sa lahat ng mga tao, sa madaling salita, hindi lahat ng tao ay nakakaalam ng katotohanang ito.  Bilang katibayan, ating nasasaksihan na may mga relihiyon ngayon na nagtuturo ng doktrina o aral tungkol sa Diyos na kumokontra o lumalabag sa itinuturo ng Biblia.


Ang tunay na Diyos ay hindi namamatay o nagbabago

Ano ang paniniwala ng mga Katoliko at mga Protestante tungkol sa Diyos? Sa isang aklat na may pamagat na The Faith of Our Fathers”, isinulat ng isang Cardinal ng Iglesia Katolika, ganito ang ating mababasa:

"In this one God there are three distinct Persons - the Father, the Son, and the Holy Ghost, who are perfectly equal to each other." [The Faith of our Fathers, by James Cardinal Gibbons, Page 1]


Salin sa Filipino:

“Sa isang Diyos na ito ay may tatlong magkakaibang Persona – ang Ama, ang Anak, at ang Espiritu Santo, na perpektong magkakapantay sa isa’t-isa.”

Ang mga Katoliko at mga Protestante ay kapuwa naniniwala na mayroong isang Diyos na may tatlong magkakaibang persona.  Para sa kanila, ang Diyos ay binubuo ng Ama, Anak, at Espiritu Santo.

Ano ba ang nangyari sa Diyos batay sa paninwalang Katoliko?  Sa isang aklat na may pamagat na The Story of the Church, ganito naman ang sabi:

"... God had become Man to save the world and to bring back to mankind all the blessings that had been lost by Original Sin. The God-Man had established a Church in which He would remain on earth until the end of the world to teach men the Truth and to make them holy." [The Story of the Church, p. 86]


Salin sa Filipino:

“…Ang Diyos ay naging tao upang iligtas ang sanglibutan at upang maibalik ang sangkatauhan sa lahat ng mga biyayang kanilang sinayang dahil sa kasalanang original.  Ang Diyos-na-Taoay nagtayo ng isang Iglesia kung saan siya ay mananatili sa daigidig hanggang sa wakas ng sanglibutan upang magturo sa mga tao ng katotohanan at upang sila’y mapaging banal.”

Sinasangayunan ba ng Diyos ang aral na siya ay naging tao o sa ibang salita “nagkatawang tao”? Ipinahayag ng Diyos ang ganito:

    Oseas 11:9  “Hindi ko isasagawa ang kabangisan ng aking galit, hindi ako babalik upang ipahamak ang Ephraim: sapagka't ako'y Dios, at hindi tao; ang Banal sa gitna mo; at hindi ako paroroon na may galit.”

Samakatuwid ang aral na ang Diyos ay naging tao o nagkatawang tao ay labag o kakontra ng itinuro ng Diyos sa Biblia.

Kung ating tatanggapin na katotohanan na ang Diyos ay naging tao at ito’y si Cristo, lilitaw kung gayon na dahil sa si Cristo ay namatay, ay may Diyos na namamatay. Ang tunay bang Diyos ay maaaring makaranas ng kamatayan?

1   Timoteo 1:17  “Ngayon sa Haring walang hanggan, walang kamatayan, di nakikita, saiisang Dios, ay ang kapurihan at kaluwalhatian magpakailan kailan man. Siya nawa.”

Ayon sa Biblia, ang tunay na Diyos ay walang kamatayan.  Samantalang si Cristo ay namatay sa krus.  Kaya maliwanag na hindi maaaring maging Diyos si Cristo dahil ang tunay na Diyos ay hindi maaaring makaranas kailanman man ng kamatayan, dahil hindi siya namamatay.

Ano pang aral ang malalabag ng paniniwalang ang Diyos ay nagkatawang tao o naging tao? Sabi ng Diyos ay ganito:

    Malakias 3:6  “Sapagka't ako, ang Panginoon, ay hindi nababago, kaya't kayo, Oh mga anak na lalake ni Jacob ay hindi nangauubos.”

Maliwanag nating nakikita ngayon na ang paniniwalang ang Diyos ay nagkatawang-tao o naging tao, ay labag sa mga katotohanang itinuturo ng Diyos sa Biblia. Sapagkat kailanman ang Diyos ay hindi nababago, hindi siya magbabagong anyo o kalikasan mula sa pagiging Diyos ay magbabago siya upang maging tao… Siya’y mananatiling Diyos magpakailanman.

Bakit natin natitiyak na ang doktrina o aral tungkol sa pagkakatawang-tao ng Diyos ay isang napakalaking kamalian?  Basahin pa natin ito:

       Santiago 1:17  “Ang bawa't mabuting kaloob at ang bawa't sakdal na kaloob ay pawang buhat sa itaas, na bumababa mula sa Ama ng mga ilaw, na walang pagbabago, ni kahit anino man ng pagiiba.”

Dahil sa ang tunay na Diyos ay mananatiling Diyos magpakailankailanman…Hindi siya nagkatawang tao dahil sa wala siyang pagbabago ni magkakaroon man siya ng kahit anino man ng pagiiba. Hindi mangyayari kailanman na ang Diyos ay maging tao, hindi totoo ang paniniwalang ito.


Ang Aral na ginawa lamang ng tao

Ang termino o salitang Trinidaday inimbento lamang at hindi mababasa kailanman sa Biblia. SiAugustus Hopkins Strong isang awtoridad Katoliko ang nagpapatunay:

"The term 'Trinity' is not found in Scripture [Bible], ... The invention of the term is ascribed to Tertullian." [Systematic Theology, by Augustus Hopkins Strong, page. 304]


Salin sa Filipino:

Ang terminong ‘Trinidad’ ay hindi matatagpuan sa kasulatan (Biblia), …ang pagkakaimbento ng termino ay ipinapalagay na gawa ni Tertulliano.”

Ang aral tungkol sa Trinidad ay isang katuruan na gawa lamang tao at ito’y tahasang inamin ng isang Awtoridad Katoliko.  Kailanman ay hindi makikita o mababasa sa Biblia ang terminong ito. Ang mismong prinsipyo ng aral na ito ay tahasang kumokontra o lumalabag sa aral ng Diyos, ni Cristo, at ng mga apostol.  Ayon sa Biblia hindi tayo dapat magsalig ng paniniwala sa mga kautusan o aral na inimbento o kinatha lamang ng mga tao na di sang-ayon sa mga katotohanan ng Diyos na mababasa sa Biblia:

     Tito 1:14  “Na huwag mangakinig sa mga katha ng mga Judio, at sa mga utos ng mga tao na nangagsisisinsay sa katotohanan.”

Hindi lamang ang terminong “Trinidad” ang wala sa Biblia, patutunayan sa atin iyan ng isangCatholic Bible Scholar:

"Though the exact terms in which the [Catholic] Church has formally defined the dogma of the Blessed Trinity ... are not in the Bible, and may, therefore, in a sense be called unscriptural. . ." [The Divine Trinity: A Dogmatic Treatise, by Rt. Rev. Msgr. Joseph Pohle, p. 22]

Salin sa Filipino:

“Bagamat ang eksaktong mga termino, kung saan pormal na ipinaliwanag sa atin ng Iglesia [Katolika] ang dogma tungkol sa Banal na Trinidad…ang mga ito ay wala sa Biblia, at maaari, kung gayon, na ito’y tawagin na hindi maka-kasulatan…”

Ang mga tagapagtaguyod ng paniniwalang ito mismo ang umaamin at nagpapatunay na ang “dogma” [o nilikhang aral ng Iglesia Katolika] na ang Diyos ay may tatlong persona ay wala sa Biblia o hindi maka-kasulatan.

Kailan lamang ba pinasimulang ituro ang tungkol sa aral na ito?

"It is a simple fact and an undeniable historical fact that several major doctrines that now seem central to the Christian Faith – such as the doctrine of the Trinity and the doctrine of the nature of Christ – were not present in a full and self-defined generally accepted form until the fourth and fifth centuries. If they are essential today – as all of the orthodox creeds and confessions assert – it must be because they are true. If they are true, then they must always have been true; they cannot have become true in the fourth and fifth century. But if they are both true and essential, how can it be that the early [Catholic] church took centuries to formulate them?"  [The Doctrine of the Trinity Christianity’s Self-Inflicted Wound 1994 Anthony F. Buzzard Charles F. Hunting]

Salin sa Filipino:

“Ito ay isang simpleng katotohanan at hindi maitatangging katotohanang pangkasaysayan na ilan sa mga pangunahing doktrina na ngayon ay maituturing na mahalaga sa pananampalatayang Cristiano – gaya ng doktrina tungkol sa Trinidad at ang doktrina sa kalagayan ni Cristo – ay hindi umiral bilang isang ganap at mayroon nang maliwanag at katanggap-tanggap na anyo para sa lahat hanggang sa ika-apat at ika-limang siglo. Kung ang mga ito man ay mahalaga ngayon – gaya ng pinatutunayan ng mga Kredong ortodoksiya at mga kumpisal- ay marahil sapagkat ang mga ito ay totoo.  Kung ang mga ito ay totoo, samakatuwid ito ay isang namamalaging katotohanan;  at hindi naging totoo lamang noong ika-apat at ika-limang siglo. Ngunit kung ang mga ito ay kapuwa totoo at mahalaga, Bakit ang Iglesia [Katolika] noon ay gumugol ng napakaraming siglo para mabuo ang mga ito?” 

Maliwanag na inaamin ng mga manunulat ng kasaysayan na ang aral na ito ay nabuo lamang noong ika-apat at ika-limang siglo, kaya malinaw na malinaw ang dahilan kung bakit hindi ito mababasa kailanman sa Biblia. Dahil matagal nang tapos ang Biblia noong Unang Siglo pa lamang, matagal nang patay ang mga Apostol, at matagal nang nasa langit ang Panginoong Jesus. Kaya walang kinalaman kailanman si Cristo, ang mga Apostol, at ang Biblia sa pagkakaroon ng aral tungkol sa Diyos na mayroong tatlong persona.

Ang paniniwala na maghahatid sa atin sa buhay na walang hanggan

Napakalaking kasawian ang naghihintay sa kanila na tumanggap at patuloy na naniniwala sa mga doktrina o aral na gawa lamang ng tao at hindi nakabatay o mababasa sa Bibia. Basahin natin ang babala ng kasulatan: 
   
     Galacia 5:19-21  “At hayag ang mga gawa ng laman, sa makatuwid ay ang mga ito: pakikiapid, karumihan, kahalayan, Pagsamba sa diosdiosan, pangkukulam, mga pagtataniman, mga pagtatalo, mga paninibugho, mga pagkakaalitan, mga pagkakampikampi, mga pagkakabahabahagi, mga hidwang pananampalataya, Mga kapanaghilian, mga paglalasing, mga kalayawan, at ang mga katulad nito; tungkol sa mga bagay na ito ay aking ipinagpapaunang ipaalaala sa inyo, tulad sa aking pagpapaalaala nang una sa inyo, na ang mga nagsisigawa ng gayong mga bagay ay hindi magsisipagmana ng kaharian ng Dios.”

Kasama sa hindi magmamana ng kaharian ng Diyos ang mga taong nahirati sa mali o “hidwang pananampalataya, mga aral at paniniwalang hindi nakabatay sa mga katotohanang nakasulat sa  Biblia, kundi inimbento lamang ng mga tao – gaya ng Trinidad. Ang ganitong paniniwala ay ikapapahamak.

Aling paniniwala naman ang dapat taglayin ng tao upang magtamo ng buhay na walang hanggan? Ating balikan ang pahayag ni Cristo:
    
J      Juan 17:1-3  “Ang mga bagay na ito ay sinalita ni Jesus; at sa pagtingala ng kaniyang mga mata sa langit, ay sinabi niya, Ama, dumating na ang oras; luwalhatiin mo ang iyong Anak, upang ikaw ay luwalhatiin ng Anak: Gaya ng ibinigay mo sa kaniya ang kapamahalaan sa lahat ng laman, upang bigyan niya ng buhay na walang hanggan ang lahat ng ibinigay mo sa kaniya. At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga'y si Jesucristo.”
  
Ang paniniwalang ang AMA lamang ang nagiisa at tunay na Diyos ang dapat taglayin ng tao upang siya’y magtamo ng buhay na walang hanggan, sabi nga ni Cristo “ITO ANG BUHAY NA WALANG HANGGAN” na ito ay ang pagkakilala sa AMA bilang IISANG DIYOS NA TUNAY…

Kaya sa mga taong nagnanais magtaglay ng buhay na walang hanggan sa araw ng paghuhukom ay hindi makaiiwas na tanggapin ang katotohanang ito