Unang Bahagi
MALIWANAG NA ITINUTURO ng Biblia na tao ang likas na kalagayan
ng ating Panginoong Jesucristo at ang Kaniyang pagiging tao ay nagpapatunay na
hindi Siya Diyos. Ito ang aral na itinuro ng ating Panginoong Jesucristo
(Juan 8:40) at ng Kaniyang mga apostol (Mat. 1:18; I tim. 2:5; Gawa 2:22; Sant.
5:6, Salin ni Juan P. Trinidad), na siya namang natutuhan at itinaguyod ng mga
unang Cristiano. Subalit dumating ang panahong may bumago sa aral na ito
at ginawang Diyos ang ating Panginoong Jesucristo. Dahil sa ang aral na
si Cristo ay Diyos ay hindi naman matatagpuan sa Biblia, susuysuyin natin sa
mga dahon ng kasaysayan sa labas ng Biblia kung paano ito nabuo at naging aral
ng mga nagpapakilalang “mainstream Christianity” sa pangunguna ng
Iglesia Katolika at mga Iglesiang Protestante. Paano nga ba nabuo ang aral na si Cristo’y tunay
na Diyos, gayong hindi naman ito matatagpuan sa Biblia at hindi ito ang
paniniwala ng mga unang Cristiano? Sino ang ipinakilala ng kasaysayan na
unang nagturo ng aral na si Cristo ay Diyos? Ganito ang salaysay sa atin ng isang manunulat na
Katoliko:
“Ang kauna-unahang panahong nalalaman na si Jesus ay diniyos ay
pagkatapos ng mga manunulat ng Bagong Tipan, sa mga sulat ni Ignacio,
sa pasimula ng ikalawang siglo.” (Systematic Theology, p. 305)
Hindi dapat na ipagtaka kung pagkatapos
ng panahon ng mga apostol ay may lumitaw na ibang aral tungkol kay Cristo—na
Siya diumano ay Diyos—sapagkat noon pa mang nabubuhay ang mga apostol ay
mayroon nang nangangaral ng ibang Jesus na hindi nila ipinangaral at may ilang
kapatid na naaakit na sa gayong mga pangangaral. Sinabi ni Apostol Pablo:
“Ngunit nangangamba ako. Baka mailayo kayo sa inyong tapat at
dalisay na pananalig kay Cristo, tulad ni Eva na nalinlang ng ahas.
Pagkat malugod ninyong tinatanggap ang sinumang dumating at mangaral ng Jesus
na iba sa Jesus na ipinangaral namin sa inyo, at tinatanggap ang espiritung iba
sa itinuro namin sa inyo, at pinaniniwalaan ang ebanghelyong iba sa iniaral
namin sa inyo.” (II Cor. 11:3-4, New
Pilipino Version)
Ang ganitong obserbasyon ng mga apostol ay binabanggit din ng ilang mga
mananalaysay sa kasaysayan ng Iglesia. Ganito ang nakatala sa Eerdman’s
Handbook to the History of Christianity:
“Kung babasahin natin ang sulat ni Apostol
Pablo sa iglesia sa Corinto, malinaw na maraming suliranin ang kinakaharap ng
Iglesia sa mismong kalipunan ng kaniyang mga kaanib. Ang ibang mga sulat
ni Pablo ay nagpapakilala rin ng papalagong mga kontrobersiya at pag-aagawan ng
kapangyarihan. … Sinubukan ng ilang mga tao na pagsamahin ang mga
paniniwalang Cristiano at di-Cristiano. Sa unang sulat ni Juan ay
binabanggit ang mga minsan ay kasama sa komunidad ng mga Cristiano subalit
ngayon ay nangahiwalay. Kanilang itinanggi ang pagiging totoong
tao ni Cristo.” (p. 73)
Sa panahon pa ng mga apostol ay mayroon
nang mga pagtatangkang baguhin ang aral tungkol kay Cristo sa
pagtatangging Siya ay tao. Sila ay tinawag ni Apostol Juan na mga
magdaraya at anti-Cristo:
“Sapagkat nagkalat sa sanlibutan ang mga magdaraya—mga taong hindi nagpapahayag
na si Jesu-Cristo’y naging tao. Ang gayong mga tao ay magdaraya at
anti-Cristo.” (II Juan
1:7, Magandang Balita Biblia)
Unti-unting binuo
Ang aral tungkol sa ibang Jesus na hindi itinuro ng mga apostol
ay unti-unting ipinasok sa Iglesia. Una ay may mga nagturo ng aral na
tumatangging tao si Cristo. Nang lumaon ay lumitaw ang aral na Siya ay
Diyos sa mga sulat ni Ignacio pagkamatay ng mga apostol. Gayunman, ang
umuusbong na paniniwalang ito ay hindi agad tinanggap ng mga Cristiano
noon gaya nang mababakas sa tinaglay nilang kaisipan at paniniwala:
“Ang karaniwang Cristianismo… ay kumilos sa higit
na mga payak na kaisipan. Ganap na tapat kay Cristo, kinilala nito siya,
unang-una bilang banal na tagapagpahayag ng kaalaman ng tunay na Diyos at
tagapaghayag ng isang bagong batas ng simple, marangal at mahigpit na
moralidad. Ito ang palagay ng mga tinatawag na ‘Apostolic Fathers’,
maliban kay Ignacio…” (A History of
the Christian Church, p. 37)
Sinasabi rin na “… maging ang Didache, o
ang ‘Ang mga turo ng Labindalawang Apostol’, na pinakamatandang bantayog
pampanitikan ng kauna-unahang panahong Cristiano sa labas ng Bagong Tipan,… ay
hindi nagtataglay ng pormal na pagpapahayag ng pananampalataya sa pagka-Diyos
ni Jesucristo…” (The Divine
Trinity: A Dogmatic Treatise, p. 150)
Kaya maging sa panahong kamamatay pa
lamang ng mga apostol ay hindi tinatanggap ng karamihang Cristiano ang aral na
si Cristo ay Diyos. Ang ganitong masidhing pagtutol sa maling aral na ito
ay nagpatuloy hanggang sa ikaapat na siglo ayon sa salaysay ng aklat naThe
Philosophy of the Church Fathers:
“Ang katotohanan na hanggang noong
ika-apat na siglo, ay may mga nasa loob ng Cristianismo na sa kabila ng
pagtanggap sa mga sulat ni Pablo at sa ebanghelyo ni Juan, ay tumututol pa rin
sa pagiging Diyos ng Cristong eksistido na nong una pa, ay magpapahiwatig na
walang makukuha sa mga kasulatang ito na malinaw na katibayan ng paniniwala sa
panig ni Pablo at Juan na ang Cristo na eksistido noong una pa ay Diyos sa
literal na kahulugan ng salita.” (Vol. I, pp. 306-307)
Maging pagkatapos na pagkatapos ng
panahon ng mga apostol, hindi tinanggap ng marami ang aral tungkol sa ‘ibang
Jesus’. Sa mga tinatawag na ‘apostolic fathers,” mga manunulat sa Iglesia
pagkatapos ng mga apostol, tanging si Ignacio lamang ang nagturo na si Cristo
ay Diyos subalit ang aral na ito ay tinutulan hanggang sa ikaapat na
siglo. Ang pagtutol ng marami sa aral na ito ay sa dahilang hindi ito
itinuro ng mga apostol at walang mababasang ganito sa kanilang mga sulat.
Ang pag-iral ng aral na ito sa Iglesia at ang pagkabuo nito ay unti-unti, ayon
sa patotoo ng isang paring Katoliko:
“Ipinahahayag ng ilang dalubhasa na utay-utay
na binalangkas ng Simbahan ang pananampalataya sa pagka-Diyos ni Jesus
sa impluho ng mga ibang relihiyon.” (At Nagsalita Ang Diyos sa Pamamgitan ng Kanyang Anak,
p. 181)
Sinasabi rin ng manunulat na paring
Jesuita na sa unti-unting pagbalangkas ng Simbahang Katoliko ng aral na si
Cristo ay Diyos, sila ay naimpluwensiyahan ng ibang mga relihiyon.
Kung paano naimpluwensiyahan
Pagkatapos ng panahon ng mga apostol, ang Iglesia ay nakaranas
hindi lamang ng pag-uusig kundi maging ng pagtuligsa ng mga paganong
relihiyon. Ganito ang patotoo ng kasaysayan:
“Tinuligsa
at inusig ng mga pagano ang mga Cristiano. Nagpakalat sila ng mga bulaang
kuwento tungkol sa mga Cristiano, pinaratangan sila ng mga nakapangingilabot na
krimen, at nilabo ang mga aral ng Cristianismo. Bilang tugon, ang ilang
Cristiano ay sumulat ng mga aklat. Sapagkat sa mga aklat na iyon ay
ipinagsanggalang ng mga manunulat na iyon ang Cristianismo, sila ay tinawag na
mga Apologists. Ang apologist ay isang tao na ipinagsasanggalang yaong
pinaniniwalaan niyang katotohanan.” (The Church in History, pp. 15-16)
Sa pagtuligsa ng mga pagano sa mga
Cristiano, kasama rito ang pagpapalabo sa mga aral na kanilang
sinasampalatayanan. Sinagot naman sila ng mga tagapagtanggol ng
Cristianismo na kung tawagin ay mga apologists. Ang ilan sa mga sumulat
ng tuligsa laban sa kanila na kanilang sinagot ay mga taong ang kaisipan ay
nakahilig sa pilosopiya. Ganito ang sinasabi sa kasaysayan:
“Kaalinsabay nito, hindi naiwasan ng Cristianismo na magdanas ng
maraming nakasulat na tuligsa ng ilan sa pinakamatatalinong tao ng panahong
iyon, tulad nina Luciano, Porpirio, at Celso, mga lalaking ang isipan ay
nakahilig sa pilosopiya, na nagpukol ng kanilang mga pag-upasala laban sa
relihiyong Cristiano.” (The History
of Christian Doctrines, p.43)
Sa mga nabanggit na manunuligsa sa mga
Cristiano, si Celso ang umatake sa kanilang paniniwala at paninindigan tungkol
kay Cristo. Ang kaniyang mapangutyang tuligsa sa kanila ay nakatuon sa
pagsambang iniuukol nila kay Cristo:
“Kaya, iginigiit ni Celso, isang mapangutyang pilosopong pagano ng
ikatlong siglo na ang mga Cristiano ay walang karapatang tuligsain ang
pagkilala sa maraming diyos sa daigdig ng mga pagano dahil sa ang kanila
mismong pagsamba kay Cristo ay poleteistiko. Kaniyang sinabi, ‘ang mga
Cristiano ay walang sinasambang Diyos; wala, ni demonyo, kundi isa lamang patay
na tao… Kung ayaw nilang sumamba sa mga diyos ng pagano’, ang sabi niya, ‘bakit
hindi na lamang nila iukol ang kanilang pamimintuho sa ilan sa kanilang mga
propeta kaysa isang tao na ipinako sa krus ng mga Judio?’” (The Faith of Millions, pp.
98-99)
Pagkalipas pa ng pitumpung taon
nasagot ang tuligsa ni Celso tungkol sa pagsamba ng mga Cristiano
kay Cristo (The Church in History, p. 17). Ito ay sinagot
ng isang apologist ng Iglesia na si Origen, isang teologong
isinilang sa Alexandria sa Egipto at nabuhay noong huling bahagi ng ikalawang
siglo hanggang sa kalahati ng ikatlong siglo, sa sinulat niyang aklat na “Against
Celsus.” Subalit sa halip na isagot ni Origen ay ang sinabi ni
Apostol Pablo na kaya sinasamba ng mga Cristiano si Cristo ay hindi dahil sa
Siya ay Diyos, kundi ipinag-utos ng Diyos na Siya ay sambahin (Fil. 2:9-11),
sinabi niyang karapa-dapat sambahin si Cristo sapagkat Siya raw ay Diyos.
Nakatala sa kasaysayan ang ganito:
“Ipinagsanggalang ni Origen, na pinakadakila sa mga unang manunulat
Cristiano, ang mga Cristiano sa tuligsa ni Celso. Ito ay kaniyang ginawa
hindi sa pamamagitan ng pagkakaila sa paratang na sila’y sumasamba kay Cristo,
kundi sa pamamagitan ng pagpapatunay na ang Tagapagligtas ay karapatdapat sa
gayong pagsamba sapagkat Siya ay Diyos.” (p. 99, Ibid.)
Ang ipinahayag ni Origen na si Cristo
raw ay Diyos ay labag sa turo ng mga apostol at hindi ito ang paniniwala noon
ng mga Cristiano sa kaniyang panahon. Mapapatunayan ito sa pahayag ng isa
sa kaniyang mga kakontemporaryo, si Tertuliano, na isang African
Latin Theologian na sumulat ng maraming mga aklat tungkol sa aral Cristiano
(kung kaya’t kinikilala siya bilang isa sa mga Church Fathers o Ama ng Iglesia
Katolika). Ayon kay Tertuliano, sa kanilang kapanahunan, ikalawa hanggang
sa ikatlong siglo, ang paniniwala ng karamihan tungkol kay Cristo ay Siya ay
tao at hindi Diyos Ganito ang ipinapahayag ng tala ng kasaysayan:
“Sinulat ni Tertulliano (160-230 A.D.), isa sa mga pinakabantog na
Ama ng Iglesia, na sa kaniyang kapanahunan, ‘ang mga karaniwang tao ay
naniniwalang si Cristo ay tao’.” (Challenge of a Liberal Faith, p. 63)
Sa mga tala ng kasaysayan na ating
sinipi ay makikita na sa panahon pa ng mga apostol ay mayroon nang umuusbong na
paniniwala tungkol kay Cristo, na iba sa kanilang itinuro. At ito ay
nasundan pa pagkamatay ng mga apostol, sa mga pahayag nina Ignacio at
Origen. Gayunman, hindi iyon ang paniniwala ng mga Cristiano noon
bagkus ang namamalaging paniniwala ng mga Cristiano hanggang noong panahong
iyon ay tao si Cristo.
___________________________________________________________
Ikalawang Bahagi
PINATUTUNAYAN NG KASAYSAYAN na noong mga unang siglo ay
wala pang malaganap na paniniwala na si Cristo ay Diyos. Namamalagi sa
marami ang paniniwala na si Cristo ay tao hanggang sa ikaapat na siglo.
Sa unang bahagi ng ikaapat na
siglo naganap ang mga mahahalagang pangyayari sa Iglesia na
nagbigay-daan upang maisulong ang aral na si Cristo ay Diyos hanggang sa ito ay
maging opisyal na aral ng Iglesia Katolika. Ang pangyayari ay uminog sa
hidwaan at pagtatalo na namagitan sa dalawang tao na nakilala sa kasaysayan ng
Iglesia dahil na rin sa isyung ito tungkol sa likas na kalagayan ni
Cristo. Ganito ang sinasabi sa mga dahon ng kasaysayan:
“Ang suliranin tungkol sa kaugnayan ng Diyos Ama at ng Kaniyang
Anak na si Jesucristo ay kagyat na naging isang malalang suliranin sa Iglesia
pagkatapos na matigil sa pag-uusig. Sa Hilagang Europa, halimbawa,
iginiit ni Tertuliano ang pagkakaisa sa esensiya ng tatlong persona bilang
siyang tamang pagkaunawa sa Trinidad. Kaya ang naging sentro ng hidwaan
ay sa Silangang bahagi ng Imperyo.
“Noong 318 o 319, tinalakay ni Alejandro
na obispo ng Alejandria, sa kaniyang mga presbitero ‘Ang Pagkakaisa
ng Trinidad’. Inatake ng isa sa mga presbitero, si Ario, isang
asetikong iskolar at bantog na mangangaral, ang sermon sapagkat naniniwala siya
na hindi nito napanindigan ang pagkakaiba ng mga persona sa pagkadiyos.
…Iginiit ni Ario, sa pagsuporta ni Eusebio ng Nicomedia (iba sa Eusebio ng
Caesaria) at ng minorya ng mga naroon, na si Cristo ay hindi nagbuhat sa walang
hanggan kundi may pasimula sa pamamagitan ng paglalang ng Diyos bago dumating
ang kapanahunan. Siya’y naniniwala na si Cristo ay may ibang esensiya o
kasiyangaan kaysa sa Ama. Dahil sa kalinisan ng kaniyang buhay at sa
pagsunod sa kalooban ng Diyos, si Cristo ay dapat na ituring na banal.
Subalit naininiwala si Ario na si Cristo ay isang nilalang, nilikha mula sa
wala, mababa kaysa sa Ama at may esensiyang iba sa Ama. Hindi Siya
kapantay ng Ama. Para kay Ario, si Cristo ay banal subalit
hindi Diyos.” (Christianity
Through The Centuries: A History of the Christian Church, pp 143-144)
Ang
hidwaan nina Ario at ng kaniyang Obispo na si Alejandro tungkol sa likas na
kalagayan ni Cristo ay
nagpapatunay lamang na hanggang sa ikaapat na siglo ay wala pa ring malinaw at
pormal na doktrina ukol sa pagiging Diyos ni Cristo. Tinutulan
ni Ario ang aral na ito sapagkat naniniwala siya na si Cristo ay iba sa Ama na
Siyang tunay na Diyos. Ayon kay Ario, si Cristo ay nilalang at may
pasimula; mayroon Siyang esensiya o kasiyangaan na iba sa Ama at hindi siya
kapantay ng Ama. Pinaninindigan ni Ario ang tamang doktrina na “si Cristo
ay banal subalit hindi Diyos.” Ayon pa kay Ario, “…kung ang Diyos Ama at ang Anak ay parehong
Diyos, kung gayon ay may dalawang diyos, na nangangahulugang ang Cristianismo
ay hindi isang monoteistikong relihiyon” (Ancient Medieval History: The rise of classical
culture and the development of medieval civilization, p. 394).
Ang paninindigan ni Ario tungkol sa
likas na kalagayan ni Cristo ay tuwirang kasalungat ng paniniwala ng kaniyang
obispo “…na mariing naninindigan
na si Jesucristo ang Walang Hanggang (Ama) Diyos na nasa anyo ng isang tao at
anomang kasalungat na paniniwal ay dapat na ituring na erehiya” (When Jesus Became God, p.56).
Kung paano lumawak ang alitan ng dalawa
bunga ng kanilang magkasalungat na paniniwala ay isinalaysay sa mga sumusunod:
“Ang hidwaan ay naging lubhang mapait na anupa’t ipinakondena ni
Alejandro si Ario sa pamamagitan ng isang synod. Si Ario ay nanganlong sa
palasyo ni Eusebio, obispo ng Nicomedia,… Dahil sa ang hidwaan ay
nakasentro sa Asya Menor, ito’y naging panganib sa pagkakaisa ng Imperyo at gayundin
ng Iglesia.” (Christianity
Through The Centuries A History of the Christian Church, p. 143)
Ang lumalalang hidwaan sa
pagitan nina Alejandro at Ario ay nakarating sa kaalaman ni Emperador
Constantino. Natawagan ng pansin ang emperador sapagkat sinabi sa kaniya
ng kaniyang mga tagapayo na ang hidwaan ay magsasapanganib sa pinapangarap
niyang kaisahan ng kaniyang imperyo. Dahil dito, iniutos ng emperador na
siyasatin ang kontrobersiya. Kaya, ipinatawag niya ang kaniyang
pinakamalapit na tagapayong Cristiano na si Hosius ng Cordova at pinapunta sa
Alejandria upang alamin ang mga pangyayari at magbigay ng ebaluwasyon at
rekomendasyon sa kaniya. Dala ang liham ng emperador na nakaukol kapuwa
sa magkatunggaling sina Ario at Alejandro, nagsagawa ng pagsisiyasat si Hosius
(When Jesus Became God: The Epic Fight Over Christ’s Divinity in the
Last Days of Rome, pp. 46-47, 49). Ganito ang naging resula ng
kaniyang ginawang pagsisiyasat:
“Nagpasiya si Hosius. Susulat siya kaagad upang sabihin sa
emperador na hindi na maaari ang pagkakasundo. Ang erehiyang Ariano ay
hindi na rin maaaring pahintulutan o mapagbigyan. Kailangan na itong
sugpuin. Kasabay nito ay magrerekomenda siya ng isang istratehiya upang
wakasan ang pagkakabaha-bahagi sa komunidad Cristiano sa pinakamabilis at
pinakatiyak na paraan. …Matagal nang pinag-uusapan ng mga obispo sa Silangan na
kailangan na ang isang pangkalahatang konsilyo upang harapin ang ilang mga isyu
na bumabagabag sa mabilis na lumalagong Iglesia. Irerekumenda ni Hosius
na si Constantino ay tumawag ng isang gayong konsilyo sa tagsibol, na lalong
kanais-nais kung doon isasagawa sa isang lunsod na hindi kalayuan sa kaniyang
punong himpilan—marahil sa Ancyra (Ankara) na doon ang obispo na si Marcellus
ay isang maalab na tagasalungat ni Ario at ng dalawang Eusebio. Magagamit
ng emperador ang konsilyo upang himukin ang mga natitipong obispo na kondenahin
ang Arianismo.” (Ibid.,
pp 64-65)
Ang pagtawag ng konsilyo
Batay sa mungkahi ni Hosius pagkatapos na masiyasat na hindi na
maaaring pagkasunduin pa ang magkabilang panig, tumawag si Emperador
Constantino ng pangkalahatang konsilyo ng mga obispo. Ganito ang nakatala sa
kasaysayan:
Sumunod, tumawag si Constantino ng isang konsilyo ng mga obispo
upang lutasin ang hidwaan. Ang konsilyong ito ay nagpulong sa Nicea sa
mga unang araw ng tag-init ng 325. Tatlong daang obispo ng Iglesia ang
dumalo, subalit di lalabis sa sampu ang magmula sa Kanlurang bahagi ng
imperyo. Ang emperador ang namuno sa konsilyo at siyang nagbayad ng mga
gugulin nito. Sa unang pagkakataon, nasumpungan ng Iglesia ang kaniyang
sarili na pinangibabawan ng liderato pampulitika ng pangulo ng estado.” (Christianity Through the
Centuries: A History of the Christian Church, p. 143)
Dahil ang nagpatawag ng Konsilyo ay si
Constantino sa hangaring pagkaisahan ang kaniyang imperyo, hindi kataka-takang
siya rin ang nagbayad ng gugulin ng mga delegadong obispo. Subalit sa
isyu ng doktrina na pinagtatalunan, ang emperador ay walang nalalaman
at naiintindihan, gaya ng pinatutunayan ng mga salaysay sa
kasaysayan:
“Ang unang emperador na naging Cristiano,
si Constantino ay walang anomang nauunawaan sa mga katanungang pinag-uusapan sa
teolohiyang Griyego. Ang kontrobersiya sa doktrina ng Trinidad ay
itinuring lamang niya na isang walang kabuluhang pagtatalo ng mga teologo, na
maaaring iwasan sa pamamagitan ng di pagpansin sa lahat ng haka-haka at sa
pamamagitan ng sama-samang pamumuhay na may pag-ibig at mabuting samahan
Kaalinsabay nito, ang inaalaala ni Constantino ay kung paano pangangalagaan o
panunumbalikin ang katahimikan ng Iglesia. Tutal, ang Iglesia ay may
mahalagang gampanin na tutuparin sa kaniyang imperyo.” (A Short History of Christian
Doctrine: From the First Century to the Present, p.51)
Maliwanag na ang isinaalang-alang ni
Constantino ay hindi ang tamang doktrina para sa Iglesia kundi ang
kapayapaan at katahimikan ng kaniyang imperyo at ang malaking papel na
ginagampanan ng Iglesia para ito ay maisiguro. Kaya’t ang kaniyang pakikialam
ay bunsod ng pangangailangang pampulitika sapagkat ayaw niyang magkawatak-watak
ang kaniyang imperyo dahil lamang sa isang isyu ng doktrina na inaakala niyang
pwede namang malutas sa simpleng pag-uusap ng mga obispo. At para
maisiguro ang pagdalo ng mga obispo at maisagawa ang kaniyang gusto, ganito ang
kaniyang ginawa:
“…Tinawag ang Konsilyong ito ng Emperador
Constantino sa pamamagitan ng mga sulat na may kasamang regalo, ngunit ang mga
sulat ay naglalaman din ng pananakot.” (ANG KABANALBANALANG ISANGTATLO: Ang Diyos ng mga
Kristiyano, p. 107)
Mula pa lamang sa pagpapatawag sa mga
obispong dadalo sa konsilyo ay ginamit na ng emperador ang kaniyang
impluwensiya. Upang mapuwersa ang mga obispo na tumugon sa kaniyang
panawagan, sila ay kaniyang niregaluhan at sinulatan na may halong
pananakot. Kung paano ginamit ng emperador ang kaniyang kapangyarihan
upang maimpluwensiyahan niya ang konsilyo ay ganito ang sinasabi ng kasaysayan:
“Sa unang pagkakataon sa kaniyang kasaysayan, ang Cristianismo sa
Imperyo ng Roma ay hindi na siyang pinag-uusig na relihiyon… Sa panlabas na
pananaw, ang pagbabago sa situwasyon ay maliwanag na naramdaman ng mga
obispo dahil sa katotohanang hindi na nila kailangan pang kumilos nang
palihim o mangailangan pang gumamit ng karaniwang paraan ng paglalakbay upang
dalawin ang isa’t-isa. Ngayon ay mayroon na silang pribilehiyo na dumalo
sa konsilyo sa pamamagitan ng transportasyong bigay ng estado, na siyang paraan
ng paglalakbay na inilalaan sa mga may ranggong opisyal ng estado. Sa
Nicea, pinagkalooban ng emperador ng matutuluyan ang mga obispo sa kaniyang
palasyo. Doon din ginanap ang mga talakayan at sa harap pa
mandin ng emperador. … Madaling maintindihan kung ipinakita man ng mga obispo
ang kanilang utang na loob sa pamamagitan ng pagbibigay sa kagustuhan ng
emperador.
Sa loob ng mahabang panahong pag-uusap na
ngayon ay isinasagawa sa Nicea, ang emperador ay ilang beses na nakialam nang
personal.” (A Short
History of Christian Doctrine, pp. 51-52)
Hindi nagkasya ang emperador na tumawag
lamang ng konsilyo. Hindi siya nasiyahang hayaan na lamang at ipaubaya sa
mga obispo ang pag-uusap tungkol sa doktrina na dapat sampalatayanan at
itaguyod ng Iglesia. Siya ay personal na nakialam at ang
kaniyang pakikialam sa konsilyo ay umabot hanggang sa pagbuo ng aral na dapat
pagkaisahan ng mga obispo. Sinasabi sa aklat ng kasaysayan na:
“Ang emperador mismo ang nanguna sa
napakahalagang pagpupulong, at siya ang nagpanukala ng
salitang pagkakaisahan, ito ay ang homoousios (salitang Griyego para sa ‘mula
sa iisang esensiya’), upang ilarawan ang kaugnayan ni Cristo sa Ama (bagaman
mas malamang na ang nagmungkahi nito sa kaniya ay si Hosius ng Cordova, isa sa
kaniyang mga tagapayo sa mga bagay na may kinalaman sa Iglesia).” (Eerdsman’s Handbook to the History of
Christianity, p. 134)
Ang iminungkahi ni Constantino na
pagkaisahan ng mga obispo, bagaman wala naman siyang naiintindihan tungkol sa
teolohiyang Griyego, ay ang pormula ng doktrina na nagpapahayag na si
Cristo at ang Diyos ay may iisang esensiya. Sa pormulang ito ay
malinaw na nais niyang pagkaisahan ng mga obispo ang pagiging Diyos ni Cristo:
“Ito ang nangyari sa Nicea. Mga anim
na linggo pagkatapos ng pagbubukas ng konsilyo, noong Hunyo 19, 325, iginiit ni
Emperador Constantino na ang lahat ng obispo na dumalo ay dapat iendorso ang
isang bagong kredo na nagpapahayag na si Cristo ay Diyos at kumukondena kay
Ario. Sinomang hindi lalagda sa dokumentong ito ay ititiwalag at
ipatatapon.” (The Jesus
Establishment, p. 173)
Malinaw na kaya nangibabaw ang aral na
si Cristo ay Diyos ay hindi dahil sa ito ang tamang aral ng Biblia kundi ito
ang ipinilit ng emperador at sinoman sa mga obispong delegadong naroon ang
hindi sasang-ayon ay papatawan ng parusang pagtitiwalag at pagpapatapon.
Hindi naman kataka-takang ang igiit ni Constantino ay ang aral na si Cristo ay
Diyos upang mapanatili niya ang kapayapaan at kaisahan ng kaniyang
imperyo. Para sa kanila, kung ang mga Emperador Romano ay
nagpapakilalang Diyos, lalo namang dapat kilalaning ganoon ang
Tagapagligtas. Ganito ang sinasabi sa aklat na Challenge of a
Liberal Faith:
“Ang konsilyo ay hindi magkaisa at
pagkatapos ng dalawang taon, sa pagkainip sa pagkaantala, si Emperador
Constantino ay humarap at nagsalita sa kapulungan, at kaniya silang
inutusan na pagkaisahan ang pagka-Diyos ni Cristo (paano nga namang
maaangkin ng emperador ang pagiging Diyos kung ito ay itatanggi sa
Tagapaligtas?).”(p. 60)
Kaya, kahit pa ang doktrina ay labag sa
Biblia, ang kredo tungkol sa pagiging Diyos ni Cristo ay pinagtibay ng konsilyo
at naging opisyal na aral ng Iglesia Katolika:
“Kaya halimbawa, noon lamang 325 A.D. sa Konsilyo ng Niceanang
ipaliwanag ng Iglesia sa atin na isang alituntunin ng pananampalataya na si
Jesus ay tunay na Diyos.” (Discourses
on the Apostle’s Creed, p. 206)
__________________________________________________________
Huling Bahagi
KASAYSAYAN ANG NAGPAPATOTOO na ang pagkakalikha ng aral na si
Cristo ay Diyos ay nag-ugat sa kagustuhan ni Emperador Constantino na
mapanatili ang kapayapaan ng kaniyang imperyo. Nalalaman niyang ang
Iglesia ay may malaking magagawa upang matupad ang kagustuhan niyang ito.
Kaya naman nang bumangon ang hidwaan sa Iglesia bunga ng pagtatalo ukol sa
tunay na kalagayan ni Cristo, si Constantino mismo ang gumawa ng paraan upang
magkaayos ang magkalabang panig. Sa gayon, nabuo ang dogmang si Cristo ay
Diyos.
Ang binuong kredo sa Nicea
noong 325 A.D. na nagpapahayag na Diyos si Cristo ay nilagdaan ng mga Obispo.
Ito ang naging opisyal na alituntunin ng pananampalataya ng Iglesia bagaman
hindi ito batay sa mga aral na itinuturo ng Biblia. Sa layunin ng
Emperador na malutas ang hidwaang ibinunga ng paninidigan ni Ario sa orihinal
na paniniwalang Cristiano na si Jesus ay iba sa tunay na Diyos at mayroon
Siyang ibang esensiya sa Diyos kaya hindi maaaring Siya ang Diyos, ginamit niya
ang konsilyo ng mga obispo na kung saan ang kaniyang kagustuhan ang
nanaig. Pagkatapos na ito ay maipahayag na alituntunin ng
pananampalataya, ang sinomang tututol dito ay nanganganib na mapahamak sa
pag-uusig ng estado:
“Sa sandaling ang ‘Kredo ng Nicea’ ay
hayagang nalagdaan ng mga obispo at naipahayag ni Constantino, yaon ay naging
opisyal na kredo para sa lahat ng Cristiano. Ang pagtatatuwa sa
pagkadiyos ni Cristo sa anomang kaparaanan ay katumbas na rin ng kusang
paghiwalay ng tao sa komunidad ng mga Cristiano at isang krimen laban sa estado.” (The Emerging Church, p. 93)
Kaya hindi kataka-taka na ang
paniniwalang ito tungkol sa likas na kalagayan ni Cristo na Siya ay may
esensiya na tulad ng sa Ama kaya Siya ay Diyos ay lumaganap at siya ring
kinagisnan ng marami sa sangka-“Cristianuhan.” Subalit sa pagkondena sa
paninindigang tao si Cristo at hindi Diyos, na siyang itinaguyod ni Ario at
siyang salig at ayon sa Biblia, at sa pagpili sa aral na si Cristo ay Diyos,
ang Iglesia na noon ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng imperyo at sunud-sunuran
sa kagustuhan ng emperador ay nasadlak sa kamalian. Ganito ang
obserbasyon ng isang manunulat tungkol sa pangyayari:
“Gaya ng isinulat ng isang mananalaysay ng
Iglesia, na si Bernard Lohse sa kaniyang Motive im Glauben (Motivation
for Belief): ‘Ipinagunita sa atin ni Ario na si Jesus, tulad ng
pagpapakilala sa kaniya ng Ebanghelyo, ay hindi isang Diyos na lumakad sa lupa,
kundi isang taong totoo. Mangyari pa, sa kaniyang pagiging tao ay
pinatunayan ni Jesus ang lubos niyang pakikisama sa Diyos’.
“Walang ibang hinangad si Ario,
subalit pinili ng Iglesia ang ibang landas; tulad ng malimit nitong
ginagawa, kinondena nito ang tama at iningatan ang mali.” (The Jesus Establishment, pp.
175-176)
Sa harap ng mga pangyayaring naganap sa
konsilyo na kung saganang sariling kagustuhan lamang ng emperador at
hindi ang tama na nasa Biblia ang siyang nakapanaig, ang Iglesia ay natalikod
sa tunay at dalisay na aral na mayroon lamang iisang tunay na Diyos, ang
Ama. Si Cristo na Kaniyang Anak ay isinugo Niya. Kaya, “Ang nagtagumpay sa Nicea ay hindi ang Iglesia,
kundi ang isang emperador na naniniwala sa diyos na araw bilang isa sa maraming
mga diyos, at hindi alintana kung pilipitin man niya ang Cristianismo matugma
lamang ito sa kaniyang sariling kaisipan.” (Ibid., pp. 173-174)
Kaya, sa pagkakabuo ng aral na si
Cristo ay Diyos ay walang kinalaman ang mga apostol o ang sinumang
tapat na lingkod ng Diyos sa Biblia. Ang may malaking kinalaman dito
ay ang Emperador Romano na si Constantino, isang pagano na naniniwala sa
maraming mga diyos, na sa kagustuhang matapos na ang hidwaan tungkol sa likas
na kalagayan ni Cristo para sa kapayapaan ng kaniyang imperyo, ay nagpasiyang
gawing isang Diyos si Cristo.
Ibinabala ng mga apostol
Ang pagpasok sa Iglesia ng maling doktrina tungkol kay Cristo sa
pamamagitan ni Constantino ay hindi dapat na ipagtaka. Nang ibabala ng
mga apostol ang tungkol sa pagtalikod ng Iglesia sa tunay na pananampalataya at
sa mga aral ng Diyos, kasama sa kanilang binanggit ang mga kakasangkapanin
upang ito ay maisakatuparan. Sinabi ni Apostol Pablo sa pulong ng mga
obispong taga-Efeso na ipinatawag niya sa Mileto ang ganito:
“Alam kong pagkaalis ko’y magsisipasok ang
mababangis na asong-gubat at walang patawad na sisilain ang kawan. Mula
na rin sa inyo’ylilitaw ang mga taong magsasalita ng kasinungalingan upang
mapasunod ang mga alagad, at sa gayo’y mailigaw sila.” (Gawa 20:29-30, Magandang Balita
Biblia)
Sa magaganap ng pagliligaw sa kawan o
sa Iglesia pagkaalis o pagkamatay ng mga apostol, ibinabala ni Apostol Pablo
ang pagpasok ng mababangis na asong-gubat na walang patawad na sisilain ang
kawan. Kasama rin niyang ibinabala na mula na rin sa kapulungan ng mga
obispong kausap niya, lilitaw ang mga taong magsasalita ng kasinungalingan
upang iligaw ang mga alagad. Kaya, hindi kataka-taka kung mga
obispo rin sa Iglesia ang nag-usap-usap upang mabuo ang aral na si Cristo ay
Diyos, bagaman labag ito sa Bibliya. Hindi rin dapat na pagtakhan kung
ang isang pinuno ng estado, tulad ni Emperador Constantino, ang naging
kasangkapan upang ito ay ganap nilang mapagtibay at mapagpasiyahan. Bakit? Sa Ezekiel 22:27 ay nakasulat ang ganito:
“Ang mga pinuno nila’y parang hayok na asong gubat kung lumapa ng
kanilang biktima. Sila’y walang awang pumapatay upang yumaman.”(Ibid.)
Ang masasamang pinuno ay itinulad rin
ng Bibliya sa mga asong-gubat. Kaya, may mga pinuno o lider ng estado na
talagang magiging kasangkapan upang italikod sa aral ng Diyos at sa tunay na
pananampalataya ang Iglesia. Ang pakikialam ni Constantino sa Iglesia
kung gayon ay katuparan lamang ng ibinabala ng mga apostol tungkol sa mga
magiging kasangkapan upang makapasok ang maling turo tungkol sa Diyos at sa
ating Panginoong Jesucristo.
Patuloy ang mga pagtatalo
Sa kabila ng pagpapatibay ng konsilyo sa aral na si Cristo ay
Diyos, hindi nito napahinto ang mga pagtatalo at hidwaan tungkol sa likas na
kalagayan ni Cristo. Manapa, ang pangyayari sa konsilyo ang siya lamang
simula ng lalo pang mga mainitan at masalimuot na pagtatalo tungkol sa isyung
ito. Sinasabi sa kasaysayan na:
“Ang pasiya ng konsilyo ay hindi tumapos
sa kontrobersiya kundi bagkus ito lamang ang simula nito. Ang
kalutasan na ipinilit sa Iglesia ng malakas na kamay ng emperador ay hindi
kasiya-siya at hindi tiyak kung kalian tatagal. Ginawa nitong batayan ang
imperial na kagustuhan at mga intriga sa korte sa pagpapasiya hinggil sa
pananampalatayang Cristiano.” (The
History of Christian Doctrines, p. 87)
Kaya, ang konsilyo ay lumikha ng mas
maraming mga suliranin kaysa sa hinahangad nitong kalutasan. Ang mga
panahong sumunod pagkatapos na pagpassiyahan ng konsilyo ang pagiging Diyos ni
Cristo ay nagbunga ng mas marami pang kontrobersiya sa Cristolohiya at
Teolohiya gaya ng pinatutunayan ng aklat ng kasaysayan:
“Ang Konsilyo ng Nicea ay naglatag ng maraming pang-unang
halimbawa. Ito ay tinawag ng emperador, kaniyang
inimpluwensiyahan ang pagpapasiya at ginamitan niya ng kaniyang kapangyarihang
sibil upang itaas ang kaniyang mga batas sa kalagayang tulad sa batas
ng imperyo. Ipinakilala ng Konsilyo ang isang bagong uri ng ortodoksiya,
na sa kauna-uanahang pagkakataon ay nagbigay ng di kawasang pagpapahalaga sa
mga terminong wala sa Biblia. Ang sariling anyo ng pagpapahayag ng kredo
ay naimpluwensiyahan ng erehiyang kaniyang idineklarang labag sa batas. …
Ang Nicea ay sinundan ng mahigit sa
kalahating siglong di pagkakasundo at kaguluhan sa Iglesia sa Silangan, na
manaka-naka ay umaabot sa Kanluran.” (Eerdmans’ Handbook to the History of Christianity,
p. 160)
Hindi nalutas ng konsilyo sa Nicea ang
kontrobersiya tungkol sa pagiging Diyos ni Cristo. Bagaman ang konsilyo
ay nagtagumpay na maglabas ng kredo tungkol sa opisyal na doktrina ng Iglesia
Katolika, nagpatuloy ang kontrobersiya at mga hidwaan sa isyung
ito. Ang totoo, hanggang sa kasalukuyang panahon, ang pagtatalo
tungkol sa likas na kalagayan ni Cristo ay namamalagi. Kung nanghawak
lamang ang mga sumunod sa panahon ng mga apostol sa mga aral na kanilang
itinuro, tulad ng panghahawak ngayon ng Iglesia ni Cristo sa mga aral na ito,
hindi sana sila nahiwalay sa wastong pagkakilala sa kung sino ang tunay na
Diyos at kung ano ang likas na kalagayan ni Cristo. Ganito ang payo ng
mga apostol na hindi naman tinupad ng marami sa mga unang Cristiano, kaya sila
ay natalikod sa tamang pagkakilala at pananampalataya:
“Kaya nga, mga kapatid, kayo’y mangagpakatibay, at inyong panghawakan ang mga
aral na sa inyo’y itinuro, maging sa pamamagitan ng salita, o ng aming sulat.” (II Tes. 2:15)
Tinatawag ninyong Panginoon si Hesus tapos tao lang para sa inyo?Laking kasinungalingan yan.Ang Diyos at panginoon iisa lang yan
ReplyDeleteDeut 6:4 Dinggin mo, Oh Israel: ang Panginoon nating Dios ay isang Panginoon:
Colosas 2:9 Sapagka't sa kaniya'y nananahan ang buong kapuspusan ng pagka Dios sa kahayagan ayon sa laman,
Nakita ninyo napakalinaw ng talata na sinasabi na nananahan ang buong kapuspusan ng paka Diyos sa kanya dahil siya yong Ama na nagkatawang tao.