Ang isa sa mahalaga at pangunahing aral ng Diyos na tinutupad sa
loob ng Iglesia ni Cristo ay ang nauukol sa pag-iibigang
magkakapatid. Ang pag-ibig sa kapatid ay napatutunayan at nahahayag
sa pamamagitan ng gawa at hindi ng salita lamang. Hindi nagkakapootan ang
magkakapatid na nag-iibigan. Hindi gumagawa ng masama ang sinuman sa
kaninuman. Sa halip, ang nakikita sa kanila ay ang
pagdadamayan—nagtutulungan ang isa’t isa sa abot ng makakaya lalo na sa panahon
ng matitinding kalamidad.
Subalit hindi sa gayong paraan
lamang natin mapatutunayan ang pag-ibig sa ating mga kapatid. Kung may
nakikita tayong nasa pagsuway o hindi nabubuhay nang ayon sa mga aral na
itinuro sa atin, mayroon ding inaasahan ang Diyos na ating gagawin.
Anong dapat gawin kung may
masumpungan sa pagsuway?
Itinuro ito ng mga apostol sa atin:
“Mga kapatid, kung ang sinoman
ay masumpungan sa anomang pagsuway, kayong mga sa espiritu, ay inyong papanumbalikin ang
gayon sa espiritu ng kahinhinan; na iyong pagwariin ang iyong sarili, baka ikaw
naman ay matukso.” (Gal. 6:1)
Kung may masumpungan tayong kapatid
sa anumang pagsuway, ipakita at ipadama natin sa kaniya ang ating
pag-ibig. Sa paanong paraan? Hindi sa pamamagitan ng pagkunsinti
o pagtatakip sa kaniyang kasalanan na anupa’t tayo ay “magtago sa piging ng
pagiibigan” (Jud. 1:12). Bagkus, gaya ng
ipinahayag ni Apostol Pablo, “papanumbalikin ang gayon” at himukin natin na
talikuran at iwaksi niya ang mga gawang kadiliman upang siya’y mabuhay nang
matuwid at may kabanalan. Huwag natin siyang kamumuhian o
lalayuan. Sa halip ay atin siyang kaawaan at matiyagang akayin
hanggang sa siya’y makapanumbalik.
Si Apostol Pablo ay patuloy na
nagturo tungkol sa mga sumasalangsang:
“Na sawaying
may kaamuan ang mga nagsisisalangsang; baka sakaling sila'y
pagkalooban ng Dios ng pagsisisi sa ikaaalam ng katotohanan,
“At sila'y makawala
sa silo ng diablo, na bumihag sa kanila ayon sa kaniyang kalooban.” (II Tim. 2:25-26)
Gaya ng sinabi ni Apostol
Pablo, ang kapatid na nasa pagsalangsang o pagsuway ay nasa silo o bihag ng
diablo kaya kailangang siya’y kaawaan. Dapat nating maunawaan na hindi rin
nais ng kapatid ang nangyari sa kaniya. Nadaig lamang siya at
napagtagumpayan ng silo ng diablo. Paano natin siya maililigtas at
mapalalaya sa silo ng diablo? Sawayin natin siyang may kaamuan at
paalalahanan nating may pag-ibig upang madama ang ating buong pusong
pagmamalasakit sa kaniya. Huwag natin siyang susumbatan, sisigawan,
o kagagalitan. Buong giliw natin siyang payuhan na manumbalik sa aral ng
Diyos.
Napakahalaga ng gawang
pagpapabalik-loob ng isang makasalanan. Sa sulat ni Apostol Santiago
ay maliwanag ang sinasabi:
“Mga
kapatid ko, kung ang sinoman sa inyo ay nalilihis sa katotohanan, at siya'y
papagbaliking loob ng sinoman;
“Ay alamin nito na
ang nagpapabalik-loob ng isang makasalanan, mula sa kamalian ng lakad niya
ay magliligtas ng isang kaluluwa sa kamatayan, at magtatakip ng
karamihang kasalanan.” (Sant. 5:19-20)
Paraan ng pagpapanumbalik
Nagturo si Apostol Pablo tungkol sa pagpapanumbalik sa kapatid na
nakagawa ng kasalanan:
“Ngunit huwag naman ninyo siyang
ituturing na kaaway; sa halip, pangaralan ninyo bilang kapatid.” (II Tes. 3:15, Magandang
Balita Biblia)
Huwag nating ituturing na kaaway ang
kapatid na nagkasala. Kapag nilayuan, kinamuhian, at itinuring natin
siyang kaaway at hindi kapatid, paano natin siya mapanunumbalik? Gaano kasama kung ariin nating kaaway ang ating kapatid
at mapoot sa kaniya dahil sa siya’y nagkasala? Maliwanag na sinabi ni Apostol Juan:
“Ang
sinomang napopoot sa kaniyang kapatid aymamamatay-tao: at nalalaman
ninyong sinomang mamamatay-tao ay hindi pinananahanan ng buhay na walang
hanggan.” (I Juan 3:15)
Kaya, upang mapanumbalik natin ang
kapatid na nasa pagsuway, huwag mawawala ang pag-ibig natin sa
kaniya. Kaawaan natin siya at sundin ang sinabi ni Apostol Pablo na
“pangaralan ninyo bilang kapatid.”
Ang dapat gawin sa mahihinang kapatid
Hindi lamang ang mga kapatid na nasa pagsuway ang pananagutan ng
bawat isa sa atin na akayin upang makapanumbalik. May mga kapatid
tayong mahina pa sa pananampalataya kaya hindi pa nila lubos na
napagtatalagahan ang kanilang paglilingkod at pagsamba sa Diyos.
Dahil dito, ano
naman ang dapat gawin sa mahihinang kapatid? Sa Roma 15:1, sinasabi:
“Dapat pagtiisan nating malalakas ang mahihina sa
pananampalataya, at huwag ang sariling kasiyahan lamang ang isipin.” (MB)
Huwag natin silang lalayuan o
kaiinisan kung hindi natin makita sa kanila ang katulad ng taglay nating
kasiglahan at kalakasan sa pananampalataya. Maging matiyaga tayo sa
pagdadala at pagtuturo sa mga kapatid nating mahihina pa sa
pananampalataya. Sa halip na sila’y kayamutan, sundin natin ang
pamanhik ng mga apostol:
“At aming ipinamamanhik sa inyo, mga
kapatid, na inyong paalalahanan ang mga manggugulo,palakasin ang mga
mahihinang-loob, alalayan ang mga mahihina, at maging mapagpahinuhod
kayo sa lahat.” (I Tes. 5:14)
Dapat nating pagmalasakitan ang
ating mahihinang kapatid sapagkat, bilang mga kaanib sa tunay na Iglesia,
pinamuhunan din sila ng buhay ng ating Panginoong Jesucristo:
“Sapagka't
sa pamamagitan ng iyong kaalaman ay napapahamak ang mahina, ang kapatid
na dahil sa kaniya'y namatay si Cristo.” (I Cor. 8:11)
Ang kapatid na dapat itakuwil o alisin
Itinuro ng mga apostol kung sinu-sinong kapatid ang dapat
itakuwil:
“Ang taong may maling pananampalataya pagkatapos nang una at ikalawang
pagsaway ay itakuwil mo;
“Yamang nalalaman mo
na ang gayon ay napahamak, at nagkakasala at siya'y hinahatulan ng kaniyang
sarili.” (Tito 3:10-11)
Ang kapatid na may maling
pananampalataya, kung hindi magbago, ang sabi ng talata, “pagkatapos…ay
itakuwil mo.” Ang ganito ay inaalis sa Iglesia dahil itinakuwil nila
ang tunay na pananampalataya, gaya ng nangyari kay Himeneo at
Alejandro sa panahon ng mga apostol (I Tim. 1:19-20). Sila’y
ibinigay kay Satanas upang huwag nang makapamusong sa loob ng Iglesia; ang
kahulugan nito’y hindi na sila maliligtas.
Sa kabilang dako, kaawaan naman
natin ang mga kapatid na nakikita nating nasa pagsuway o mahina sa
pananampalataya. Hindi sila maliligtas kung hindi sila
makapanumbalik at hindi magpakatatag. Kung sila’y ating pagmalasakitang
papanumbalikin, mapatutunayan natin ang pag-ibig natin sa ating kapatid na
kahayagan ng ating pag-ibig sa Diyos(I Juan 4:21, MB).
No comments:
Post a Comment