TUNAY NA LINGKOD

Wednesday, July 31, 2013

Ligtas ba ang hindi narating o naabot ng Iglesia ni Cristo?


  
Maraming itinatanong ang mga nakarinig sa pagtuturong ang pag-anib sa Iglesia ni Cristo ang kaparaanan ni Cristo upang iligtas ang tao sa parusa pagdating ng Araw ng Paghuhukom.  Ang ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod:

-         Paano maliligtas ang nasa mga bansa at mga bayang hindi pa naaabot o nararating ng pangangaral ng Iglesia ni Cristo lalo na ang nabuhay at namatay noong wala pa ito?
-         Hindi ba maliligtas ang mababait  at matutulunging tao na hindi kaanib sa Iglesia ni Cristo?
-         Hindi ba mangangahulugang may pagtatangi ang Diyos kung ang mga kaanib lamang sa Iglesia ni Cristo ang malilitas?

     Sa pamamagitan ng mga katotohanang nakasulat sa Biblia ay sasagutin natin ang mga tanong na ito.

Paano maliligtas ang hindi narating o naabot ng
Iglesia ni Cristo?
     Sapagka't ang lahat ng nangagkasala ng walang kautusan ay mangapapahamak din naman ng walang kautusan: at ang lahat na nangagkasala sa ilalim ng kautusan ay sa kautusan din sila hahatulan. (Roma 2:12)

     Ang nagkasala ng walang kautusan ay mapapahamak ng walang kautusan.  Kaya, hahatulan din ang mga taong hindi inabot ng kautusan o ng salita ng Diyos dahil sila ay nagkasala rin.  Ano ang gagamiting batayan ng paghatol sa kanila?

     “(Sapagka't kung ang mga Gentil na walang kautusan sa katutubo, ay nagsisigawa ng mga bagay ng kautusan, ang mga ito, na walang kautusan, ay siyang kautusan sa kanilang sarili;

     “Na nangagtatanyag ng gawa ng kautusang nasusulat sa kanilang puso, na pinatotohanan ito pati ng kanilang budhi, at ang kanilang mga pagiisip ay nangagsusumbungan o nangagdadahilanan sa isa't isa).” (Roma 2:14-15)

     Ang hindi inabot o hindi narating ng pangangaral ng ebanghelyo ay hahatulan sa pamamagitan ng kautusang nasusulat sa kanilang puso.  Ano ang katunayang may mga kautusang nasusulat sa kanilang puso?  Pinatotohanan ito ng kanilang budhi.  Kaya kahit hindi sila narating ng pangangaral ng mga salita ng Diyos ay alam nila ang mabuti at masama.  Ano ang katunayan nito?  Alam sa lahat halos ng bansa at kultura na masama ang pumatay ng kapuwa tao at ang magnakaw.  Bakit tiyak na hahatulan ng Diyos ang taong hinahatulan o inuusig ng kaniyang budhi?  Ganito ang itinuro ni Apostol Juan:

     “Sapagka't kung hinahatulan tayo ng ating puso, ang Dios ay lalong dakila kay sa ating puso, at nalalaman niya ang lahat ng mga bagay.” (I Juan 3:20)

     Kung ang isang tao ay hinahatulan mismo ng kaniyang puso dahil sa kasalanan niyang nagawa, lalong hahatulan siya ng Diyos na nakaaalam ng lahat ng bagay.  Ang Diyos din ang hahatol sa mga hindi inabot o hindi nakarinig ng aral tungkol sa Iglesia ni Cristo.  Subalit ang mga taong nakarinig o inabot ng pangangaral na ito at nalamang kailangan ang Iglesia ni Cristo sa kaligtasan ay nananagot na tuparin ang ipinagagawa ng Diyos (I Cor. 5:12-13)New Pilipino Version).

     Ang saligan ng pagliligtas sa tao ay hindi ang kuru-kuro ng tao kundi ang katuwiran ng Diyos.  Ang naghahayag nito ay ang ebanghelyo:

     “Sapagka't hindi ko ikinahihiya ang evangelio: sapagka't siyang kapangyarihan ng Dios sa ikaliligtas ng bawa't sumasampalataya; una'y sa Judio, at gayon din sa Griego.

Sapagka't dito ang katuwiran ng Dios ay nahahayag mula sa pananampalataya hanggang sa pananampalataya: gaya ng nasusulat, Nguni't ang ganap ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya.” (Roma 1:16-17)

     Sa Araw ng paghuhukom, ang mga taong inabot ng pangangaral ng ebanghelyo ay hahatulan sa pamamagitan ng ebanghelyo:

    “Sa araw na hahatulan ng Dios ang mga lihim ng mga tao,ayon sa aking evangelio, sa pamamagitan ni Jesucristo.”(Roma 2:16)

     Ano ang tiyak na pasiya ng Diyos sa lahat ng inabot ng Ebanghelyo subalit hindi sumunod dito?

     “Na maghihiganti sa hindi nagsisikilala sa Dios, at sa kanila na hindi nagsisitalima sa evangelio ng ating Panginoong Jesus:

Na siyang tatanggap ng kaparusahan, na walang hanggang kapahamakang mula sa harapan ng Panginoon at mula sa kaluwalhatian ng kaniyang kapangyarihan.” (II Tes. 1:8-9)

     Parurusahan ang lahat ng inabot ng ebanghelyo ngunit hindi sumunod dito, kahit pa naglingkod sila sa Diyos at nilakipan pa ito ng mga pagmamalasakit na hindi naaayon sa katuwiran ng Diyos:

     “Sapagka't sila'y pinatotohanan ko na may mga pagmamalasakit sa Dios, datapuwa't hindi ayon sa pagkakilala.
    
     “Sapagka't sa hindi nila pagkaalam ng katuwiran ng Dios, at sa pagsusumakit na maitayo ang sariling kanila, ay hindi sila napasakop sa katuwiran ng Dios.” (Roma 10:2-3)

     Kung gayon, makatarungang hahatulan ng Diyos ang lahat ng tao.  Ang hindi kailanman nakaalam na may Iglesia ni Cristo ay hahatulan ng Diyos sa pamamagitan ng kautusang nasusulat sa kanilang puso.  Samantala, para sa mga taong inabot ng pangangaral ng ebanghelyo ay ebanghelyo ang gagamiting batayan sa paghatol sa kanila.  Ang nakarinig ng ebanghelyo na hindi sumunod dito ay tiyak na parurusahan.

Paano ang mababait at matutulunging hindi Iglesia ni Cristo?
    
Kailangan ang pagiging mabait, matulungin, at mapagmalasakit, ngunit ang mga ito ay hindi saligan sa ikaliligtas ng tao, kundi ang batas o katuwiran ng Diyos na nasa ebanghelyo:

     “Sapagka't nasusulat, Iwawalat ko ang karunungan ng marurunong, At isasawala ko ang kabaitan ng mababait.”(I Cor. 1:19)

     Napatunayan na sa pangyayari noong panahon ng mga apostol na bagaman mahalaga ang mabubuting gawa ay hindi naman ito ang batayan sa kaligtasan.  Ganito ang tala ng Biblia:

     “ At may isang lalake nga sa Cesarea, na nagngangalang Cornelio, senturion ng pulutong na tinatawag na pulutong Italiano.
     “Isang taong masipag sa kabanalan at matatakutin sa Dios siya at ang buong sangbahayan at naglimos ng marami sa mga tao, at laging nananalangin sa Dios.  

     “Nakita niyang maliwanag, sa isang pangitain, nang may oras na ikasiyam ng araw, na pumapasok na patungo sa kaniya ang isang anghel ng Dios, at nagsasabi sa kaniya, Cornelio.

     “At siya, sa pagtitig niya sa kaniya, at sa pagkatakot niya, ay nagsabi, Ano ito, Panginoon? At sinabi niya sa kaniya, Ang mga panalangin mo at ang iyong mga paglilimos ay nangapailanglang na isang alaala sa harapan ng Dios.

     “At ngayo'y magsugo ka ng mga tao sa Joppe, at ipagsama mo yaong Simon, na may pamagat na Pedro.”(Gawa 10:1-5)

     Pansinin na si Cornelio ay may mabubuting katangian; siya at maging ang kaniyang buong sambahayan ay masipag sa kabanalan at matatakutin sa Diyos tulad din ng maraming tao ngayon.  Naglilimos siya sa mga tao at mapanalanginin pa.  Subalit bakit hindi sinabi ng anghel ng Diyos kay Cornelio na “sapat na ang iyong mga panalangin at mga paglilimos upang tanggapin ka ng Diyos”?  Bakit inutusan pa siyang ipatawag si Apostol Pedro?  Ano pa ang kulang kay Cornelio gayong taglay niya ang maaraming katangian upang siya ay makapasok sa kaharian ng langit?

     “Magsugo ka nga sa Joppe, at ipatawag mo si Simon, na pinamagatang Pedro; siya'y nanunuluyan sa bahay ni Simong mangluluto ng balat, na nasa tabi ng dagat.

     “Pagdaka nga'y nagsugo ako sa iyo; at mabuti ang ginawa mo't naparito ka. Ngayon nga'y kaming lahat ay nangaririto sa paningin ng Dios, upang dinggin ang lahat ng mga bagay na sa iyo'y ipinagutos ng Panginoon.” (Gawa 10:32-33)

     Si Apostol Pedro ay isa sa mga sugo ng Diyos.  Nasa kaniya ang mga katotohanang kailangang marinig, sampalatayanan, at sundin ni Cornelio.  Sa sinugo pinaugnay si Cornelio upang matanggap niya ang tunay na aral at tanggapin siya ng Diyos.  Ang katunayang tinanggap na ng Diyos si Cornelio ay noong bumaba ang Espiritu Santo sa kanila:

     “Samantalang nagsasalita pa si Pedro ng mga salitang ito, ay bumaba ang Espiritu Santo sa lahat ng nangakikinig ng salita.

     “Sapagka't nangarinig nilang nangagsasalita ang mga ito ng mga wika, at nangagpupuri sa Dios. Nang magkagayo'y sumagot si Pedro,

     “Mangyayari bagang hadlangan ng sinoman ang tubig, upang huwag mangabautismuhan itong mga nagsitanggap ng Espiritu Santo na gaya naman natin?

     “At inutusan niya sila na magsipagbautismo sa pangalan ni Jesucristo. Nang magkagayo'y kanilang ipinamanhik sa kaniya na matirang mga ilang araw.” (Gawa 10:44, 46-48)

     Samakatuwid, kailangang maugnay muna ang tao at maaralan ng sugo ng Diyos bago siya tanggapin ng Diyos.  Ang sugo ang may tanging karapatan na mangaral ng ebanghelyo upang maunawaan ng tao ang katuwiran ng Diyos sa pagliligtas (Roma 10:15).

Wala bang pagtatangi ang Diyos?

     “At binuka ni Pedro ang kaniyang bibig, at sinabi, Tunay ngang natatalastas ko na hindi nagtatangi ang Dios ng mga tao.” (Gawa 10:34)

     Hindi kailanman nagtatangi ang Diyos.  Kung gayon, bakit may maliligtas at may mapapahamak?  Ang lahat ng tao ay nagkasala, at dahil dito, ang lahat ay nahatulang mamatay (Roma 5:12; 6:23) at maparusahan sa dagat-dagatang apoy sa Araw ng panghuhukom (Apoc. 20:14; II Ped. 3:7, 10).  Dahil dito, ang Diyos ay nagtakda ng wastong paraan ng pagliligtas.  Ang paraang ito ang siyang dapat sundin ng sinumang ibig maligtas.

     May tuntunin ang Diyos sa wastong paraan ng pagkilala at pag-ibig na dapat gawin ng tao:

     “At sa ganito'y nalalaman natin na siya'y ating nakikilala,kung tinutupad natin ang kaniyang mga utos.” (I Juan 2:3)

     Napakahalaga ng pagsunod sa utos ng Diyos.  Ang taong ayaw pasakop sa tuntuning ito, kahit nagsasabing siya’y kumikilala sa Diyos, ay sinungaling at ang katotohanan ay wala sa kaniya:

     “Ang nagsasabing, Nakikilala ko siya, at hindi tumutupad ng kaniyang mga utos, ay sinungaling, at ang katotohanan ay wala sa kaniya.” (I Juan 2:4)

     Ang pagtalima sa utos ng Diyos ang siyang kahayagan ng pag-ibig sa Kaniya:

     “Sapagka't ito ang pagibig sa Dios, na ating tuparin ang kaniyang mga utos: at ang kaniyang mga utos ay hindi mabibigat.” (I Juan 5:3)

     Ang isa sa mga utos ng Diyos na dapat tuparin ng tao ay yaong ipinahayag ng Panginoong Jesus:

     “Ako ang pintuan; sinumang pumasok sa kawan sa pamamagitan ko ay magiging ligtas.” (Juan 10:9, Revised English Bible, isinalin mula sa Ingles)

  Ang kawan ay ang Iglesia ni Cristo:

  “Ingatan ninyo kung gayon ang inyong mga sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.” (Gawa 20:28, Lamsa Translation, isinalin mula sa Ingles)

     Ang lahat ay inaanyayahan ng ating Panginoong Jesucristo.  Kaya, walang itinatanging tao.  Ngunit may tiyak na ipinagagawa sa ibig maligtas—pumasok sa kawan sa pamamagitan ni Cristo o umanib sa Iglesia ni Cristo.

     Kung hindi susundin ng tao ang ipinagagawa sa kaniya ng Tagapaligtas ay wala na siyang dapat sisihin kundi ang kaniyang sarili kung hindi siya maligtas:

     “ Kung hindi sana ako naparito at nagsalita sa kanila, ay hindi sila magkakaroon ng kasalanan: datapuwa't ngayo'y wala na silang madadahilan sa kanilang kasalanan.” (Juan 15:22)



3 comments:

  1. SIno po may ari nito ??

    ReplyDelete
  2. Good pm po,
    Gusto ko lang malaman kung sariling hanay ito or may ginayang hanay,
    kinopya ko po ito, gusto ko po lagyan sna sa pinakababa kung sino nag hanay,
    pwede nyo po akong i PM sa gmail ko,
    ramos.erickson24@gmail.com

    ReplyDelete