Ang doktrina o aral tungkol sa TRINIDAD ay isang malaganap na paniniwala ng
maraming nagpapakilalang mga Cristiano sa kasalukuyan. Ang paniniwalang ito, ay
kanilang ipinapalagay na mababasa sa Biblia o nakabatay sa Biblia, itinuturo ng
aral na ito na ang Diyos ay binubuo ng TATLONG PERSONA: Diyos Ama, Diyos
Anak, at Diyos Espiritu Santo, bagamat itinuturing nila na ang
bawat persona ay isang Diyos, ang mga naniniwala sa Trinidad ay nagtuturo at
nagsasabi na iisa lamang ang Diyos at hindi tatlo.
Kung ating sasangguniin ang Biblia,
ang Panginoong Diyos ba, o ang kaniyang anak na si Jesu Cristo, o maging
ang mga Apostol, ay nagturo na mayroon pang ibang Diyos maliban sa AMA?
Ano ba ang pagpapakilala ng Diyos sa kaniyang sarili na siya namang itinuro ni
Cristo at ng kaniyang mga alagad? Sabi ng Biblia:
Isaias 45:21 “Kayo'y
mangagpahayag, at mangagpasapit; oo, magsanggunian silang magkakasama: sinong
nagpakilala nito mula nang mga unang panahon? sinong nagpahayag niyaon nang
una? hindi baga ang Panginoon? at walang Dios liban sa akin: isang
ganap na Dios at Tagapagligtas; walang iba liban sa akin.”
Ang Diyos mismo ang nagsabi na siya
lamang ang nagiisang Diyos, at ito’y kaniyang binigyan ng diin sa pagsasabing
walang Dios liban sa kaniya at wala siyang nakikilalang iba:
Isaias 44:8 “Kayo'y huwag
mangatakot, o magsipangilabot man: hindi ko baga ipinahayag sa iyo nang una, at
ipinakilala? at kayo ang aking mga saksi. May Dios baga liban sa akin?oo,
walang malaking Bato; ako'y walang nakikilalang iba.”
Ang nagiisang tunay na Diyos ay
walang nakikilalang ibang Diyos maliban sa kaniyang sarili, iyan ang maliwanag
na katotohanang pahayag ng ating Panginoong Diyos mismo. Maging ang kaniyang
mga sinaunanag lingkod gaya halimbawa ni Haring David ay may pahayag ng ganito:
2 Samuel 7:22 “Kaya't ikaw ay
dakila, Oh Panginoong Dios: sapagka't walang gaya mo, o may ibang Dios pa bukod
sa iyo, ayon sa lahat na aming naririnig ng aming mga pakinig.”
Mapapansin na noong mga unang panahon
ang mga lingkod ng Diyos ay hindi kailanman siya ipinakilala bilang isang Diyos
na may tatlong persona, kundi ipinakilala nila na ang Diyos ay iisa lamang at
wala siyang katulad o kagaya. Dagdag pa ni Haring David:
Awit 86:10 “Sapagka't ikaw ay
dakila, at gumagawa ng kagilagilalas na mga bagay: ikaw na magisa ang
Dios.”
Maliwanag kung gayon na IISA LAMANG
ANG TUNAY NA DIYOS. Kung ang tao ay kumilala pa sa ibang Diyos maliban sa
iisang tunay na Diyos na ipinakikilala ng Biblia, samakatuwid ay hindi sila
nakaabot sa tunay na pagkakilala sa tunay na Diyos na itinuro ng mga banal na
kasulatan.
Ang AMA lamang ang nag-iisang tunay
na Diyos
Sino ang nagiisang tunay na Diyos na
ipinakilala ni Cristo? Ating tunghayan at basahin ang patotoo ng Tagapagligtas:
Juan 17:1,3 “Ang mga bagay na
ito ay sinalita ni Jesus; at sa pagtingala ng kaniyang mga mata sa langit, ay
sinabi niya, Ama, dumating na ang oras; luwalhatiin mo ang iyong
Anak, upang ikaw ay luwalhatiin ng Anak…At ito ang buhay na walang hanggan,
na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang iyong
sinugo, sa makatuwid baga'y si Jesucristo.”
Ipinakilala ni Cristo na ang Ama sa
langit ang nagiisang tunay na Diyos. Sa kabilang dako, ipinakilala niya
ang kaniyang sarili bilang sinugo o sugo ng Diyos at
hindi bilang kapantay o isa sa mga persona ng Diyos at isa pang Diyos gaya ng
paniniwala ng iba. Si Jesus ay sugo ng Diyos, at gayon natin siya dapat
kilalanin:
Juan 17:21 “Upang silang lahat
ay maging isa; na gaya mo, Ama, sa akin, at ako'y sa iyo, na sila nama'y suma
atin: upang ang sanglibutan ay sumampalataya na ako'y sinugo mo.”
Sa pagsasabi ni Cristo na ang Ama ang
nagiisang tunay na Diyos, maliwanag kung gayon na hindi si Cristo ang Diyos.
Maging ang mga apostol ay kumikilala
sa iisang Diyos lamang, ang AMA, at hindi kailanman binanggit sa alinmang
kasulatang isinulat ng mga apostol na ang Diyos ay may tatlong persona:
1 Corinto 8:5 “Sapagka't bagama't
mayroong mga tinatawag na mga dios, maging sa langit o maging sa lupa; gaya
nang may maraming mga dios at maraming mga panginoon;”
1 Corinto 8:6 “Nguni't sa ganang
atin ay may isang Dios lamang, ang Ama, na buhat sa kaniya ang lahat ng mga
bagay, at tayo'y sa kaniya; at isa lamang Panginoon, si Jesucristo,
na sa pamamagitan niya ang lahat ng mga bagay, at tayo'y sa pamamagitan niya.”
Ang Diyos, si Cristo, at ang mga
apostol kailanman ay hindi nagturo na ang Diyos ay higit sa isa. Ang nagiisang
Diyos na tunay na ipinangaral ni Cristo at ng mga alagad niya ay ang AMA
lamang. Hindi binanggit na siya’s binubuo ng tatlong persona. Hindi
sinabi na ang Anak, at ang Espiritu Santo ay Diyos din. Subalit hindi
nakapagtataka na may mga tao na magturo na mayroon pang ibang Diyos maliban sa
AMA. May sinasasabi ang Biblia na ganito sa kasunod na talata:
1 Corinto 8:7 “Gayon ma'y wala sa
lahat ng mga tao ang kaalamang iyan”…
Maliwanag na pinatutunayan ng Biblia
na may mga tao na hindi nakaabot sa pagkaalam ng katotohanan tungkol sa nagiisa
at tunay na Diyos – ang tunay na kaalamang ito ay wala sa lahat ng mga tao, sa
madaling salita, hindi lahat ng tao ay nakakaalam ng katotohanang ito.
Bilang katibayan, ating nasasaksihan na may mga relihiyon ngayon na nagtuturo
ng doktrina o aral tungkol sa Diyos na kumokontra o lumalabag sa itinuturo ng
Biblia.
Ang tunay na Diyos ay hindi namamatay
o nagbabago
Ano ang paniniwala ng mga Katoliko at
mga Protestante tungkol sa Diyos? Sa isang aklat na may pamagat na “The Faith of Our
Fathers”, isinulat ng isang Cardinal ng Iglesia Katolika, ganito ang ating
mababasa:
"In this one God there are three distinct Persons - the
Father, the Son, and the Holy Ghost, who are perfectly equal to each
other." [The Faith of our Fathers, by James Cardinal
Gibbons, Page 1]
Salin sa Filipino:
“Sa isang Diyos na ito ay may tatlong
magkakaibang Persona – ang Ama, ang Anak, at ang Espiritu Santo, na perpektong
magkakapantay sa isa’t-isa.”
Ang mga Katoliko at mga Protestante
ay kapuwa naniniwala na mayroong isang Diyos na may tatlong magkakaibang
persona. Para sa kanila, ang Diyos ay binubuo ng Ama, Anak, at Espiritu
Santo.
Ano ba ang nangyari sa Diyos batay sa
paninwalang Katoliko? Sa isang aklat na may pamagat na “The Story of the
Church”, ganito naman ang sabi:
"... God had become Man to save the world and to bring back
to mankind all the blessings that had been lost by Original Sin. The God-Man
had established a Church in which He would remain on earth until the end of the
world to teach men the Truth and to make them holy." [The Story of the
Church, p. 86]
Salin sa Filipino:
“…Ang Diyos ay naging tao upang
iligtas ang sanglibutan at upang maibalik ang sangkatauhan sa lahat ng mga
biyayang kanilang sinayang dahil sa kasalanang original. Ang Diyos-na-Taoay
nagtayo ng isang Iglesia kung saan siya ay mananatili sa daigidig hanggang sa
wakas ng sanglibutan upang magturo sa mga tao ng katotohanan at upang sila’y
mapaging banal.”
Sinasangayunan ba ng Diyos ang aral
na siya ay naging tao o sa ibang salita “nagkatawang tao”? Ipinahayag ng
Diyos ang ganito:
Oseas 11:9 “Hindi ko isasagawa
ang kabangisan ng aking galit, hindi ako babalik upang ipahamak ang
Ephraim: sapagka't ako'y Dios, at hindi tao; ang Banal sa gitna mo;
at hindi ako paroroon na may galit.”
Samakatuwid ang aral na ang Diyos ay
naging tao o nagkatawang tao ay labag o kakontra ng itinuro ng Diyos sa Biblia.
Kung ating tatanggapin na katotohanan
na ang Diyos ay naging tao at ito’y si Cristo, lilitaw kung gayon na dahil sa
si Cristo ay namatay, ay may Diyos na namamatay. Ang tunay bang Diyos ay
maaaring makaranas ng kamatayan?
1 Timoteo 1:17 “Ngayon sa Haring
walang hanggan, walang kamatayan, di nakikita, saiisang Dios,
ay ang kapurihan at kaluwalhatian magpakailan kailan man. Siya nawa.”
Ayon sa Biblia, ang tunay na Diyos ay
walang kamatayan. Samantalang si Cristo ay namatay sa krus. Kaya maliwanag
na hindi maaaring maging Diyos si Cristo dahil ang tunay na Diyos ay hindi
maaaring makaranas kailanman man ng kamatayan, dahil hindi siya namamatay.
Ano pang aral ang malalabag ng
paniniwalang ang Diyos ay nagkatawang tao o naging tao? Sabi ng Diyos ay
ganito:
Malakias 3:6 “Sapagka't ako,
ang Panginoon, ay hindi nababago, kaya't kayo, Oh mga anak na lalake ni
Jacob ay hindi nangauubos.”
Maliwanag nating nakikita ngayon na
ang paniniwalang ang Diyos ay nagkatawang-tao o naging tao, ay labag sa mga
katotohanang itinuturo ng Diyos sa Biblia. Sapagkat kailanman ang Diyos ay
hindi nababago, hindi siya magbabagong anyo o kalikasan mula sa pagiging Diyos
ay magbabago siya upang maging tao… Siya’y mananatiling Diyos magpakailanman.
Bakit natin natitiyak na ang doktrina
o aral tungkol sa pagkakatawang-tao ng Diyos ay isang napakalaking
kamalian? Basahin pa natin ito:
Santiago 1:17 “Ang bawa't
mabuting kaloob at ang bawa't sakdal na kaloob ay pawang buhat sa itaas, na
bumababa mula sa Ama ng mga ilaw, na walang pagbabago, ni kahit anino
man ng pagiiba.”
Dahil sa ang tunay na Diyos ay
mananatiling Diyos magpakailankailanman…Hindi siya nagkatawang tao dahil sa
wala siyang pagbabago ni magkakaroon man siya ng kahit anino man ng pagiiba.
Hindi mangyayari kailanman na ang Diyos ay maging tao, hindi totoo ang
paniniwalang ito.
Ang Aral na ginawa lamang ng tao
Ang termino o salitang “Trinidad”
ay inimbento lamang
at hindi mababasa kailanman sa Biblia. SiAugustus Hopkins Strong isang
awtoridad Katoliko ang nagpapatunay:
"The term 'Trinity' is not found in Scripture [Bible], ...
The invention of the term is ascribed to Tertullian." [Systematic
Theology, by Augustus Hopkins Strong, page. 304]
Salin sa Filipino:
“Ang terminong ‘Trinidad’ ay hindi
matatagpuan sa kasulatan (Biblia), …ang pagkakaimbento ng termino ay
ipinapalagay na gawa ni Tertulliano.”
Ang aral tungkol sa Trinidad ay isang
katuruan na gawa lamang tao at ito’y tahasang inamin ng isang Awtoridad
Katoliko. Kailanman ay hindi makikita o mababasa sa Biblia ang terminong
ito. Ang mismong prinsipyo ng aral na ito ay tahasang kumokontra o lumalabag sa
aral ng Diyos, ni Cristo, at ng mga apostol. Ayon sa Biblia hindi tayo
dapat magsalig ng paniniwala sa mga kautusan o aral na inimbento o kinatha
lamang ng mga tao na di sang-ayon sa mga katotohanan ng Diyos na mababasa sa
Biblia:
Tito 1:14 “Na huwag
mangakinig sa mga katha ng mga Judio, at sa mga utos
ng mga tao na nangagsisisinsay sa katotohanan.”
Hindi lamang ang terminong “Trinidad”
ang wala sa Biblia, patutunayan sa atin iyan ng isangCatholic Bible
Scholar:
"Though the exact terms in which the [Catholic] Church has
formally defined the dogma of the Blessed Trinity ... are not in the Bible, and
may, therefore, in a sense be called unscriptural. . ." [The Divine
Trinity: A Dogmatic Treatise, by Rt. Rev. Msgr. Joseph Pohle, p. 22]
Salin sa Filipino:
“Bagamat ang eksaktong mga termino, kung saan pormal na
ipinaliwanag sa atin ng Iglesia [Katolika] ang dogma tungkol sa Banal na Trinidad…ang
mga ito ay wala sa Biblia, at maaari, kung gayon, na ito’y tawagin na hindi
maka-kasulatan…”
Ang mga tagapagtaguyod ng
paniniwalang ito mismo ang umaamin at nagpapatunay na ang “dogma” [o nilikhang
aral ng Iglesia Katolika] na ang Diyos ay may tatlong persona ay wala sa Biblia
o hindi maka-kasulatan.
Kailan lamang ba pinasimulang ituro ang tungkol sa aral na ito?
"It is a simple fact and an
undeniable historical fact that several major doctrines that now seem central
to the Christian Faith – such as the doctrine of the Trinity and the doctrine
of the nature of Christ – were not present in a full and self-defined generally
accepted form until the fourth and fifth centuries. If they are essential today
– as all of the orthodox creeds and confessions assert – it must be because
they are true. If they are true, then they must always have been true; they
cannot have become true in the fourth and fifth century. But if they are both
true and essential, how can it be that the early [Catholic] church took centuries
to formulate them?" [The Doctrine of the Trinity
Christianity’s Self-Inflicted Wound 1994 Anthony F. Buzzard Charles F. Hunting]
Salin sa Filipino:
“Ito ay isang simpleng katotohanan at
hindi maitatangging katotohanang pangkasaysayan na ilan sa mga pangunahing
doktrina na ngayon ay maituturing na mahalaga sa pananampalatayang Cristiano –
gaya ng doktrina tungkol sa Trinidad at ang doktrina sa kalagayan ni Cristo
– ay hindi umiral bilang isang ganap at mayroon nang maliwanag at
katanggap-tanggap na anyo para sa lahat hanggang sa ika-apat at ika-limang
siglo. Kung ang mga ito man ay mahalaga ngayon – gaya ng pinatutunayan
ng mga Kredong ortodoksiya at mga kumpisal- ay marahil sapagkat ang mga ito ay
totoo. Kung ang mga ito ay totoo, samakatuwid ito ay isang
namamalaging katotohanan; at hindi naging totoo lamang noong
ika-apat at ika-limang siglo. Ngunit kung ang mga ito ay kapuwa totoo at
mahalaga, Bakit ang Iglesia [Katolika] noon ay gumugol ng napakaraming siglo
para mabuo ang mga ito?”
Maliwanag na inaamin ng mga manunulat ng kasaysayan na ang aral
na ito ay nabuo lamang noong ika-apat at ika-limang siglo, kaya malinaw na
malinaw ang dahilan kung bakit hindi ito mababasa kailanman sa Biblia. Dahil
matagal nang tapos ang Biblia noong Unang Siglo pa lamang, matagal nang patay
ang mga Apostol, at matagal nang nasa langit ang Panginoong Jesus. Kaya walang
kinalaman kailanman si Cristo, ang mga Apostol, at ang Biblia sa pagkakaroon ng
aral tungkol sa Diyos na mayroong tatlong persona.
Ang paniniwala na maghahatid sa atin sa buhay na walang hanggan
Napakalaking kasawian ang naghihintay
sa kanila na tumanggap at patuloy na naniniwala sa mga doktrina o aral na gawa
lamang ng tao at hindi nakabatay o mababasa sa Bibia. Basahin natin ang babala
ng kasulatan:
Galacia 5:19-21 “At hayag ang mga
gawa ng laman, sa makatuwid ay ang mga ito: pakikiapid, karumihan, kahalayan,
Pagsamba sa diosdiosan, pangkukulam, mga pagtataniman, mga pagtatalo, mga
paninibugho, mga pagkakaalitan, mga pagkakampikampi, mga
pagkakabahabahagi, mga hidwang pananampalataya, Mga kapanaghilian,
mga paglalasing, mga kalayawan, at ang mga katulad nito; tungkol sa mga bagay
na ito ay aking ipinagpapaunang ipaalaala sa inyo, tulad sa aking pagpapaalaala
nang una sa inyo, na ang mga nagsisigawa ng gayong mga bagay ay hindi
magsisipagmana ng kaharian ng Dios.”
Kasama sa hindi magmamana ng kaharian
ng Diyos ang mga taong nahirati sa mali o “hidwang pananampalataya, mga aral at
paniniwalang hindi nakabatay sa mga katotohanang nakasulat
sa Biblia, kundi inimbento lamang ng mga tao – gaya ng Trinidad. Ang
ganitong paniniwala ay ikapapahamak.
Aling paniniwala naman ang dapat taglayin
ng tao upang magtamo ng buhay na walang hanggan? Ating balikan ang pahayag ni Cristo:
J Juan 17:1-3 “Ang mga bagay na
ito ay sinalita ni Jesus; at sa pagtingala ng kaniyang mga mata sa langit, ay
sinabi niya, Ama, dumating na ang oras; luwalhatiin mo ang iyong Anak, upang
ikaw ay luwalhatiin ng Anak: Gaya ng ibinigay mo sa kaniya ang
kapamahalaan sa lahat ng laman, upang bigyan niya ng buhay na walang hanggan
ang lahat ng ibinigay mo sa kaniya. At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw
ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, sa
makatuwid baga'y si Jesucristo.”
Ang paniniwalang ang AMA lamang ang
nagiisa at tunay na Diyos ang dapat taglayin ng tao upang siya’y magtamo ng
buhay na walang hanggan, sabi nga ni Cristo “ITO ANG BUHAY NA WALANG HANGGAN”
na ito ay ang pagkakilala sa AMA bilang IISANG DIYOS NA TUNAY…
Kaya sa mga taong nagnanais magtaglay ng buhay na walang hanggan sa araw
ng paghuhukom ay hindi makaiiwas na tanggapin ang katotohanang ito
No comments:
Post a Comment