TUNAY NA LINGKOD

Friday, August 23, 2013

Sabbath



May mga pangkatin ng pananampalataya na hanggang ngayon ay patuloy pa ring nagtataguyod ng pangingilin ng Sabbath o pamamahinga sa araw ng Sabado. Mayroon ding pangkatin ng pananampalataya na nagsasabing ang mga Cristiano ay hindi saklaw ng batas ukol sa pangingilin ng Sabbath. Dahil ditto mahalagang ating suriin kung ang mga Cristiano ay nasasaklaw o hindi ng batas ukol sa pangingilin ng Sabbath. Sa ikaliliwanag ng paksang ito, mahalagang malaman  natin kung papaano ang pangingilin ng Sabbath, sang-ayon sa  utos ng  ating Panginoong  Dios.

Magpasimula po tayo sa pahayag ng Dios na:

“ Alalahanin mo ang araw ng Sabbath at panatilihin mo itong banal. Anim na araw kang magtatrabaho at gagawa ng lahat ng iyong Gawain. Ngunit ang ikapitong araw ay sabbat sa PANGINOON mong Dios. Sa araw na ito ay huwag kang gagawa ng anumang gawa, ni ang alila mong lalake o babae,ni ang iyong mga hayop, ni ang mga taga ibang baying nasa lugar na nasasakupan mo. Pagkat anim na araw na ginawa ng PANGINOON ang mga langit, ang lupa, ang dagat, at lahat ng nasa mga ito,ngunit namahinga Siya sa ikapitong araw at ginawa itong banal” (Exo.20:8-11,NPV)

Ang Sabbath ay araw ng pamamahinga. Ang mga Israelita ay pinagbawalang magtrabaho o gumawa ng anumang Gawain sa araw ng Sabbath. Ang kanilang anak na lalaki o babae, maging ang kanilang mga alilang lalaki o babae ay hindi dapat atangan ng anumang Gawain, bagkus sila’y dapat magpahinga sa ikapitong araw. Gayundin naman ang mga hayop tulad ng baka,ay hindi dapat papagtrabahuin sa araw ngSabbath. Maging taga ibang bayan na nakikipamayan sa Israel ay dapat ding magpahinga sa ikapitong araw. Ano ang nasasaklaw ng pagbabawal na gumawa ng anomang gawa sa araw ng Sabbath? Ganito an gating matutunghayan sa banal na kasulatan:

“Huwag kayong magpapaningas ng apoy sa inyong buong tahanan sa araw ng sabbath.” (Exo.35:3)

Sa pangingilin ng Sabbath mahigpit na ipinagbabawal ng Dios ang magpaningas ng apoy sa buong tahanan. Kung bawal ang magpangingas ng apoy, ipinahihintulot kaya ng Dios ang magluto o mag-ihaw ng pagkain sa araw ng Sabbath? Ganito ang pahayag ni Moises:

“At kaniyang sinabi sa kanila, Ito ang sinalita ng Panginoon, Bukas ay takdang kapahingahan, banal na sabbath sa Panginoon: ihawin ninyo ang inyong iihawin, at lutuin ninyo ang inyong lulutuin; at lahat na lalabis ay itago ninyo sa ganang inyo, na inyong itira hanggang sa kinabukasan.” (Exo.16:23)

Maliwanag na ipinag-utos ng Dios na sa ikaanim na araw pa lamang bago lumubog ang araw ay ihawin na ang dapat ihawin at lutuin ang dapat lutuin sapagkat sa ikapitong araw ay Sabbath sa PANGINOON at hindi ipinahihintulot ng Dios ang pagluluto o pagpapaningas ng apoy. Kaugnay nito,noong ibigay ng Dios ang mana sa mga Israelita doon sa ilang ay mapapansin natin na sa ikaanim na araw ay ibinigay ang mana para dalawang araw, sapagkat sa ikapitong araw na siyang araw ng Sabbath ay hindi Niya pinahihintulutan sila na umalis sa kanilang kinaroroonan upang manguha ng mana na pinaka-pagkain.

“Tingnan ninyo, na sapagka't ibinigay ng Panginoon sa inyo ang sabbath, kung kaya't kaniyang ibinibigay sa inyo sa ikaanim na araw ang pagkain ng sa dalawang araw; matira ang bawa't tao sa kaniyang kinaroroonan, huwag umalis ang sinoman sa kaniyang kinaroroonan, sa ikapitong araw.” (Exo.16:29)

Kaugnay pa rin ng pangingilin ng Sabbath,ipinagbabawal din ng Dios sa mga Israelita ang makipagkalakalan at pamimili ng pagkain sa araw ng Sabbath. Ang mga Israelitang inutusang mangilin ng Sabbath ay nangako na hindi sila makikipagkalakalan ni bibili ng anomang pagkain sa araw ng Sabbath.


“ Kapag ang mga tao sa aming paligid ay nagtitinda ng kanilang kalakal o pagkain kung araw ng Sabbath,hindi kami bibili sa kanila. Tuwing ikapitong taon, hindi naming bubungkalin ang aming bukirin,at kalilimutan na ang lahat ng aming pautang” (Neh.10:31 NPV)


Ano naman ang parusang itinakda ng Dios sa sinumang masusumpungan na gumagawa ng anomang Gawain sa araw ng Sabbath? May ganitong sinasabi ang biblia, tunghayan po natin:


“Anim na araw na gagawa, datapuwa't ang ikapitong araw ay ipangingilin ninyo, isang sabbath na takdang kapahingahan sa Panginoon: sinomang gumawa ng anomang gawa sa araw na iyan ay papatayin.” (Exo.35:2)


Napakabigat ng parusa sa sinumang masumpungan na gumagawa ng anumang Gawain sa araw ng Sabbath. Kamatayan ang parusa. Matutunghayan natin sa kasaysayan ng Israel na binabato hanggang sa mamatay ang sinumang masumpungan na gumagawa ng anumang gawa sa araw ng Sabbath. May ganitong pangyayari na nakatala sa biblia, tunghayan po natin:


“  At samantalang ang mga anak ni Israel ay nangasa ilang, ay nakasumpong sila ng isang lalake na namumulot ng kahoy sa araw ng sabbath. At silang nakasumpong sa kaniya na namumulot ng kahoy, ay dinala siya kay Moises, at kay Aaron, at sa buong kapisanan. At kanilang inilagay siya sa bilangguan, sapagka't hindi pa ipinahahayag kung ano ang gagawin sa kaniya.  At sinabi ng Panginoon kay Moises, Ang lalake ay walang pagsalang papatayin; babatuhin siya ng buong kapisanan sa labas ng kampamento.   At inilabas siya ng buong kapisanan sa kampamento at kanilang binato siya hanggang sa mamatay ng mga bato; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.” (Bilang 15:32-36)


Ihanay natin ngayon sa isang talaan kung papaano dapat ipangilin ang Sabbath mula sa ating natunghayan na ipinahayag ng Banal na Kasulatan:

1) Huwag magtatrabaho o gumawa ng anumang gawain  sa araw ng Sabbath.
2) Huwag magiihaw o magluluto o magpapaningas ng apoy.
3) Huwag makikipagkalakalan o bibili ng pagkain.
4) Babatuhin hanggang sa mamatay ang masusumpungang gumagawa ng anumang gawa sa araw ng Sabbath.

Ang Pangingilin ng mga Sabadista
Mapapansin natin na ang pangkatin ng pananampalataya na nagtataguyod ng pangingilin ng Sabbath ay hindi ganap na sumusunod sa paraan ng pangingilin na ipinag-uutos ng Panginoong Dios. Kahit araw ng Sabado, na siyang ikapitong araw ay masusupungan na sila ay nagluluto o nagpapainit ng kanilang mga pagkain, na ito’y malinaw na paglabag sa tuntunin ng pangingilin sa araw ng Sabbath. Ang iba ay nagtutungo sa mga pamilihan upang bumili ng kanilang mga pangangailangan na ito ay hindi rin nararapat gawin ayon sa batas ng Sabbath. Kung ang iba ay nagpapahinga sa kanilang mga Gawain sa araw ng Sabado, ay patuloy naman nilang pinagtatrabaho o inaatangan ng mga Gawain ang kanilang mga alila o katulong sa kanilang mga tahanan, na ito ay tahasan ding paglabag sa tuntunin ng Dios ukol sa pangingilin ngSabbath.  Lalong hindi magagawa ng mga nagtataguyod ng pangingilin ng Sabbath na lapatan ng parusang kamatayan ang masusumpungan nila na gumagawa o nagtatrabaho sa araw ng Sabbath. Kung totoo na hanggang ngayon ay dapat ipangilin ang Sabbath,ang uri ng kanilang pagtupad na isang bahagi lamang ng kautusan ng pinahahalagahan at ang ilang bahagi ay winawalang kabuluhan ay ipinagkakasala sa buong kautusan. May ganitong pagtuturo ang biblia, tunghayan po natin:


“  Sapagkat ang sinumang tumutupad sa buong kautusan ngunit lumabag kahit sa isang punto lamang nito ay lumalabag sa buong kautusan” (Sant.2:10, NPV)


Ang mga unang Cristiano ay hindi inutusang mangilin ng Sabbath, magpatuloy po tayo. Walang mababasa sa Bagong Tipan na ipinag-utos ng  ating Panginoong Jesus  o ng mga Apostol sa mga Cristiano na sila ay mangilin ng araw ng Sabbath. Sa katunayan masusumpungan natin sa Bagong Tipan na si Cristo at ang Kaniyang mga alagad ay hindi nangilin ng araw ng Sabbath. Tunghayan po natin ang nakatalang pangyayari na nakatala sa biblia sa:


“Nang panahong yaon ay naglalakad si Jesus nang araw ng sabbath sa mga bukiran ng trigo; at nangagutom ang kaniyang mga alagad at nangagpasimulang magsikitil ng mga uhay at magsikain.” (Mateo 12:1)


Ito ang katunayan na si Cristo at ang Kaniyang mga alagad ay hindi nangingilin ngSabbath. Araw ng Sabbath noon nang ang mga alagad ni Jesus ay magutom sa kanilang paglalakad. Sila’y nagsikitil ng mga uhay na yaon ay hindi nararapat gawin sa araw ng Sabbath. Magugunita natin na noong ibigay ng Dios ang mana sa mga Israelita doon sa ilang, hindi Niya pinahintulutan sila na manguha ng mana sa ikapitong araw, kung kaya’t sa ikaanim na araw pa lamang ay ibinigay na Niya ang mana para sa dalawang araw. Kaya ang ginawa ng mga alagad ni Cristo na pagkitil ng mga uhay sa araw ng Sabbath ay tunay na labag sa tuntuning ibinigay ng Dios sa mga Israelita ukol sa pangingilin ng Sabbath.

Araw din ng Sabbath noon nang pangalingin ni Cristo ang isang lalaking tuyo ang isang kamay. Ang gayong pagpapagaling sa maysakit ay hindi nararapat gawin sa araw ngSabbath sapagkat sinabi ng Dios ”sa araw na iyan ay huwag kayong gagawa ng anomang gawa”.  Nang pagalingin ni Cristo ang taong maysakit sa araw ng Sabbath yaon ba’y katunayan na Siya ay tagapagtaguyod ng pangingilin ng Sabbath?  Basahin po natin ang nakatala sa biblia:


“  At narito, may isang tao na tuyo ang isang kamay. At sa kaniya'y itinanong nila, na sinasabi, Matuwid bagang magpagaling sa araw ng sabbath? upang siya'y kanilang maisumbong. At sinabi niya sa kanila, Sino kaya sa inyo, na kung mayroong isang tupa, na kung mahulog ito sa isang hukay sa araw ng sabbath, ay hindi baga niya aabutin, at hahanguin?   Gaano pa nga ang isang tao na may halaga kay sa isang tupa! Kaya't matuwid na gumawa ng mabuti sa araw ng sabbath.” (Mateo 12:10-12)


Maliwanag kung gayon na si Cristo at kahit ang Kaniyang mga alagad ay hindi tagapagtaguyod ng pangingilin ng Sabbath.  Tahasang sinabi ni Cristo, 
“matuwid na gumawa ng mabuti sa araw ng Sabbath”
Sa Banal na Kasulatan ay nakasaad na ang mga pariseo na siyang kaaway ni Cristo sa Kaniyang kapanahunan ay siyang masugid na tagapagtaguyod ng pangingilin ngSabbath. Ganito po ang tala ng mga pangyayari sa Banal na Kasulatan, tunghayan po natin:


“Ang ilan nga sa mga Fariseo ay nangagsabi, Ang taong ito'y hindi galing sa Dios, sapagka't hindi nangingilin sa sabbath. Datapuwa't sinasabi ng mga iba, Paano bagang makagagawa ng gayong mga tanda ang isang taong makasalanan? At nagkaroon ng pagkakabahabahagi sa gitna nila.” (Juan 9:16)


Sa araw din ng Sabbath nang pagalingin naman ni Cristo ang isang taong malaon nang maysakit. Ganito naman ang nakatala sa
 Juan 5:8-9, tunghayan po natin muli:


“Sinabi sa kaniya ni Jesus, Magtindig ka, buhatin mo ang iyong higaan, at lumakad ka. At pagdaka'y gumaling ang lalake, at binuhat ang kaniyang higaan at lumakad. Noon nga'y araw ng sabbath.”


Dahil dito, lalong pinag-uusig ng mga Judio an gating Panginoong Jesus sa Kaniyang ginawang pagpapagaling ng maysakit sa araw ng Sabbath. Tunghayan nating muli ang tala sa biblia:


“At dahil dito'y pinagusig ng mga Judio si Jesus, sapagka't ginagawa niya ang mga bagay na ito sa araw ng sabbath.” ( Juan 5:16)


Si Cristo at ang Kaniyang mga alagad ay hindi tagapagtaguyod ng pangingilin ngSabbath. Ang mga kaaway ni Cristo sa Kaniyang kapanahunan ang masugid na tagapagtaguyod ng pangingilin ng Sabbath.

Tanong: Kasalanan ba ang hindi pangingilin ng Sabbath sa panahon natin, o panahong Cristiano?  Maibibilang kaya na kasalanan ni Cristo at ng Kaniyang mga alagad ang hindi nila pangingilin ng Sabbath?  Iyon kaya’y isang paglabag sa kautusan ng Dios? Batay sa tala ng biblia atin pong tunghayan muli:


“ Wawakasan ko na ang lahat ng kanyang kasayahan, mga kapistahan, mga araw ng pangilin at lahat ng itinakda niyang pagdiriwang” (Oseas 2:11 MBB)

Hindi magiging kasalanan ni Cristo at ng Kaniyang mga alagad ang hindi nila pangingilin ng Sabbath. Sapagkat sinasabi ng Kasulatan na winakasan na ng Dios ang mga pangingilin ng mga araw. Aling mga araw ng pangingilin ang tinutukoy na winakasan na  ng Dios?


“Akin din namang papaglilikatin ang kaniyang mga kalayawan, ang kaniyang mga kapistahan, ang kaniyang mga bagong buwan, at ang kaniyang mga sabbath, at lahat ng kaniyang takdang kapulungan.” (Oseas 2:11)


Tiniyak na ang mga araw ng pangingilin na winakasan na  ng Dios ay ang Sabbath. Kaya kung ang pangingilin ng Sabbath ay winakasan nang Dios, hindi magiging kasalanan ni Cristo at ng Kaniyang mga alagad ang hindi nila pangingilin nito Hindi maituturing na ito’y paglabag sa kautusan. Manapa ang patuloy pa ring nangingilin ng Sabbath ang lumalabag sa kautusan sapagkat ang pangingilin ng Sabbath ay winakasan na  ng Dios. Makatuwiran ang pagkasulat ni Apostol Pablo sa mga Cristiano na hindi na dapat ihatol ang tungkol sa pangingilin ng araw ng Sabbath, tulad ng mababasa natin ditto:


“Sinoman nga ay huwag humatol sa inyo tungkol sa pagkain, o sa paginom, o tungkol sa kapistahan, o bagong buwan o araw ng sabbath:” (Colosas 2:16)

Paano naman daw yaong mga babae na nagsipahinga sa araw ng Sabbath? Hindi ba’t sa Lucas 23:56 ay may binabanggit na mga babaing nagsipagpahing asa araw ngSabbath?
Tama po Ngunit yao’y hindi mapanghahawakan na ang mga Cristiano ay inutusan na mangilin sa araw ng Sabbath. Walang gayong utos sa mga Cristiano. Hindi nag-utos si Cristo na sa Kaniyang mga alagad na ipangilin ang araw ng Sabbath. Ang mga babaing tinutukoy ay nahirati sa dati nilang kaugalian, na ang kaugali-ang iyon ay taglay pa rin nila ng sila’y magsisampalataya kay Cristo. Ang gayong mga maling kaugalian ay hindi pinayagan ni Apostol Pablo na gawin ng mga Cristiano. Tunghayan pong muli natin ang tala sa biblia:


“  Datapuwa't ngayon yamang nakikilala na ninyo ang Dios, o ang lalong mabuting sabihin, kayo'y nangakikilala ng Dios, bakit muling nangagbabalik kayo doon sa mahihina at walang bisang mga pasimulang aral, na sa mga yao'y ninanasa ninyong magbalik sa pagkaalipin?   Ipinangingilin ninyo ang mga araw, at mga buwan, at mga panahon, at mga taon.  Ako'y natatakot tungkol sa inyo, baka sa anomang paraan ay nagpagal ako sa inyo ng walang kabuluhan”(Gal.4:9-11)


Tunay na hindi pinayagan ni Apostol Pablo ang mga Cristiano na magtaglay pa ng mga maling kaugali-an gaya ng pangingilin ng mga araw sapagkat ito’y nangangahulugan nabumabalik silang muli sa pagkaalipin. Ang pangingilin ng Sabbath ay ibinigay ng Dios sa mga Israelita bilang isang tanda na sila’y pinalaya sa pagkaalipin doon sa Egipto. Tunghayan po natin ang nakatala sa biblia:


“  Bukod dito'y ibinigay ko rin naman sa kanila ang aking mga sabbath, upang maging tanda sa akin at sa kanila, upang kanilang makilala na ako ang Panginoon na nagpapaging banal sa kanila.”  (Ezek.20:12)


Kaya ang pangingilin ng Sabbath ay hindi para sa mga Cristiano. Ito ay para sa mga Israelita na inilabas sa pagkalipin sa lupain ng Egipto. Walang talata sa biblia na nagsasaad na ang mga Cristiano ay dapat mangilin ng araw ng Sabbath. Sumulat ng ganito si Apostol Pablo sa mga Cristiano, atin pong basahin:


“Kaya’t huwag na kayong pasasakop sa anumang tuntunin tungkol sa pagkain o inumin, tungkol sa kapistahan, sa bagong buwan o sa Araw ng Pamamahinga
(Colosas 2:16 MB)


5 comments:

  1. paano po ung nakasulat sa hebreo 9:11.ito po ang iminamatwid nung isang kamag anak ko na sabadista.kung tunay daw pong binawi na nang panginoong Dios ung kautusan uko sa pangingilin sa sabath,bakit daw po sinabi ni apostol pablo na mayron pang natitirang isang pamamahingang sabbath sa bayan ng Dios?

    ReplyDelete
  2. Yan po ay si cristo.. si cristo ang kahapon noon at ngayon ibibigay ko verse titingnan kopa sa bible

    ReplyDelete
  3. Ang tinutukoy po dyan na sabbath ay ang pangakong kapahingahan sa talatang heb 4:1 "Mangatakot nga tayo, yamang may iniwang pangako ng pagpasok sa kaniyang kapahingahan, baka sakaling sinoman sa inyo ay maging tulad sa di nakaabot niyaon." Ang kapahingahan na tinutukoy ay ang kapahingahan sa bayang banal apoc. 21:1-4. Kaya hindi sabbath na utos ang binabanggit kundi pangako .

    ReplyDelete
    Replies
    1. Paano daw po yung mga gawa 13:14?

      Delete
    2. Talaga nman nangangaral sila sa sinagoga?kahit pn ang p.jesus?

      Lucas 4:16-17: “Dumating siya sa Nazaret na kanyang nilakhan. Siya’y pumasok sa sinagoga nang araw ng Sabbath, tulad ng kanyang nakaugalian at TUMINDIG SIYA UPANG BUMASA, at ibinigay sa kanya ang aklat ni propeta Isaias. Binuksan niya ang aklat, at natagpuan ang dako na kung saan ay nasusulat:”

      Pero wag po ipagkamali na ang pangangaral nila dyan pagsunod sa sabat?dahil ang utos walang anumang gagawin.
      Kahit mga katulong at mga alagang hayop?ano pa?kunin natin ang isang talatang ginamit dito.

      Tingnan ninyo, na sapagka't ibinigay ng Panginoon sa inyo ang sabbath, kung kaya't kaniyang ibinibigay sa inyo sa ikaanim na araw ang pagkain ng sa dalawang araw; matira ang bawa't tao sa kaniyang kinaroroonan, huwag umalis ang sinoman sa kaniyang kinaroroonan, sa ikapitong araw.” (Exo.16:29)

      Ang sabi "huwag umalis ang sinoman sa kaniyang kinaroroonan, sa ikapitong araw.”

      Delete