Totoo Bang Pag Namatay ang isang Tao, Umaakyat
kaagad-agad ang Kaluluwa sa Langit o di Kaya’y Nagpupunta sa Impiyerno?
Malaganap na paniniwala ng mga
pangkaraniwang Cristiano sa kasalukuyang panahon tungkol sa kaluluwa ang mga
sumusunod:
1.
Ang tao ay binubuo ng kaluluwa at katawan lamang, at ang
kaluluwa ay walang kamatayan.
2.
Ang Espiritu ay siya ring kaluluwa ng isang tao.
3.
Kapag namatay ang isang tao ay humihiwalay ang kaluluwa o
espiritu ayon sa kanila at pumupunta kaagad sa Langit, o di kaya’y sa
Purgatorio o sa Impierno.
4.
Maaaring maglakbay ang kaluluwa ng hiwalay sa katawan at maaari
pa nitong madalaw at makausap ang mga buhay na kaanak.
Totoo kaya ang mga
paniniwalang ito? Sinasang-ayunan ba ito ng Biblia? Atin pong tunghayan ang
patotoo ng mga salita ng Diyos sa Mga Banal na Kasulatan tungkol sa Isyung ito…
I. Ilan ba ang sangkap ng tao ayon sa Biblia?
Tatlo ayon sa Biblia – Espiritu, Kaluluwa, at Katawan
“At pakabanalin kayong lubos ng Dios din ng kapayapaan; at ang
inyong espiritu at kaluluwa at katawan ay ingatang
buo, na walang kapintasan sa pagparito ng ating Panginoong Jesucristo.” (I
Tesalonica 5:23)
Maliwanag ang pahayag ng Biblia, na tatlo ang sangkap ng isang
tao, hindi totoo nakaluluwa at katawan lamang gaya
ng paniniwala ng iba. Eh paano naman yung paniniwala ng iba na ang kaluluwa daw
at espiritu ay iisa lamang? Tunghayan natin ang sagot:
“Sapagka't ang salita ng Dios ay buhay, at mabisa, at matalas kay
sa alin mang tabak na may dalawang talim, at bumabaon hanggang sa
paghihiwalay ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at ng utak, at
madaling kumilala ng mga pagiisip at mga haka ng puso.” (Hebreo
4:12)
Kitang-kita ang ebidensiya mula sa Biblia, na ang kaluluwa at
espiritu ay tunay na magkaiba, dahil dumarating sa panahong naghihiwalay ang
dalawang ito, at ito’y sa panahon ng pagpanaw ng isang tao. Maliwanag
kung gayon na hindi totoo ang malaganap na paniniwala na ang kaluluwa ay siya
ring espiritu.
II. Ano ang nangyayari sa tatlong sangkap pag ang tao’y namatay na?
Ano nga ba ang nangyayari sa tatlong sangkap ng tao, kapag siya
ay pumanaw, isa-isahin natin, unahin natin ang katawan:
“At ang alabok ay mauuwi sa lupa gaya ng una,…”
( Ecclesiastes 12:7)
“Oo, dahil sa iyo ay pinapatay kami buong araw; kami ay nabilang na
parang mga tupa sa patayan…Sapagka't ang aming kaluluwa ay nakasubsob sa
alabok: ang aming katawan ay nadidikit sa lupa.”
(Awit 44:22,25)
Ang katawan ng tao ay nilikha ng Diyos mula sa alabok, at dahil sa
ito ay yari sa alabok, ay sa alabok din nauuwi kapag siya ay pumanaw.
Gaya nga ng sabi ng isang sikat na awit:“Magmula sa lupa magbabalik na
kusa…dahil tayo ay lupa lamang.”
Eh ano naman ang mangyayari sa kaluluwa? Totoo kaya ang paniniwala
ng marami na wala itong kamatayan at humihiwalay ito sa katawan ng tao kapag
siya’y namatay? Narito ang sagot:
“Narito, lahat ng kaluluwa ay akin; kung paano ang kaluluwa ng ama,
gayon din ang kaluluwa ng anak ay akin: ang kaluluwa na nagkakasala ay
mamamatay.” (Ezekiel 18:4)
“Ang kaluluwa ko'y dumidikit sa alabok: buhayin mo ako ayon
sa iyong salita.” (Awit 119:25)
Sapagka't ang aming kaluluwa ay nakasubsob sa alabok: ang aming katawan ay nadidikit sa
lupa.” (Awit 44:25)
Hindi po totoo ang malaganap na paniniwala na ang kaluluwa ng
isang tao ay walang kamatayan, ang kaluluwa na nagkakasala ayon sa
Biblia ay mamamatay, eh wala naman pong tao sa mundo na hindi nagkasala (Roma
3:23), maliban sa Panginoong Jesus (1 Pedro 2:21-22). Kaya lahat ng
pangkarinwang tao na nagkasala ang kaniyang kaluluwa ay mamamatay, kapag siya
ay namatay na, ipinakita rin sa atin ng Biblia na hindi totoo ang paniniwalang humihiwalay
ang kaluluwa sa katawan, ang sabi nga nakasubsob o nakadikit sa alabok na ang
tinutukoy ay ang katawan.
Eh ano naman ang nangyayari sa ikatlong sangkap – ang Espiritu?
“At ang alabok ay mauuwi sa lupa gaya ng una, at ang diwa
ay mababalik sa Dios na nagbigay sa kaniya.” (Ecclesiastes
12:7)
Ano ba iyong diwa na tinutukoy sa itaas, basahin natin sa Ingles
na Biblia sa parehong verse:
“Then shall the dust return to the earth as it was: and the spirit
shall return unto God who gave it.” (Ecclesiastes 12:7,
King James Version)
Samakatuwid ang ating diwa ay iyon din ang
ating Espiritu. Na binabawi ng Diyos sa tao kapag siya ay pumanaw
na.
Kaya hindi totoo ang paniniwala na ang kaluluwa ay hindi
namamatay at umaakyat kaagad sa langit, nagpupunta sa purgatorio, o di kaya’y
sa impiyerno ang isang tao pag siya’y namatay na. Sinasalungat ito ng mga
katotohanang nakasulat sa Biblia. Ang katotohanang nasa Biblia ay, ang kaluluwa
ay namamatay at nadidikit sa alabok o katawan, sa madaling salita ang katawan
ng tao ay nabubulok at bumabalik sa kaniyang pagkalupa. Hindi rin totoo
na humihiwalay ang kaluluwa sa katawan, kundi kasama ng katawan sa pagkabulok,
tanging ang diwa o espiritu lamang ang umaakyat sa langit dahil kinukuha ng
Diyos.
III. Bakit namamatay ang kaluluwa?
Bakit nga ba namamatay ang kaluluwa? Narito ang sagot:
“At nilalang ng
Panginoong Dios ang tao sa alabok ng lupa, at hiningahan ang kaniyang mga butas
ng ilong ng hininga ng buhay; at ang tao ay nagingkaluluwang may buhay.”
(Genesis 2:7)
Namamatay ang kaluluwa sapagkat sa tatlong sangkap ng tao ang
kaluluwa ang may taglay na buhay, kaya natural pag namatay ang tao, mamamatay
ang kaniyang kaluluwa, dahil ito lamang ang may buhay sa tatlong sangkap.
IV. Ano ang mangyayari sa tao kapag ang kaniyang diwa o espiritu ay
magbalik na sa Diyos?
Kapag binawi na nang
Diyos ang diwa o espiritu ano ang mangyayari sa tao? Tunghayan ang sagot:
“Ang hininga niya ay pumapanaw, siya'y nanunumbalik sa kaniyang
pagkalupa; sa araw ding yaon ay mawawala ang kaniyang pagiisip.”
(Awit 146:4)
Ang isang taong namatay ay nawawalan ng pag-iisip, dahil ang diwa
o espiritu ay siya nating pag-iisip, pandama, ito ang dahilan kaya tayo
nasasaktan, nalulumbay, natutuwa, umiibig at namumuhi. Lahat ng ito ay mawawala
sa isang tao kapag siya’y patay na dahil, binabawi ito ng Diyos na nagbigay sa
kaniya. At dahil sa wala nang pagiisip ang isang patay, maaari pa ba niyang
malaman ang mga bagay na nangyayari sa paligid o sa daigdig ng mga taong
nabubuhay pa? Basahin nating muli ang paliwanag ng Biblia:
“Sapagka't nalalaman ng mga buhay, na sila'y mangamamatay: nguni't
hindi nalalaman ng patay ang anomang bagay ni mayroon pa man silang kagantihan;
sapagka't ang alaala sa kanila ay nakalimutan.”
“Maging ang kanilang pagibig, gaya ng kanilang pagtatanim at ng
kanilang pananaghili ay nawala ngayon; na wala man silang anomang
bahagi pana magpakailan man sa anomang bagay na nagawa sa ilalim ng araw.”
(Ecclesiastes 9:5-6)
Kaya ang kaugalian ng iba na kinakausap ang kanilang mga yumaong
mahal sa buhay o simonan sa mga taong patay na ay hindi marapat gawin, sapagkat
hindi na sila maririnig ni malalaman pa ng taong patay ang kanilang ginagawa.
Iyon ngang taong alam nating may sira sa pagiisip ay hindi natin pinagaaksayahang
kausapin eh, dahil alam nating hindi tayo mauuanawaan, di lalo na yung
walang pag-iisip, kaya isang kamalian na kausapin pa ang isang taong patay na
gaya nga ng nakikita nating ginagawa nung iba, na kinakausap yung puntod ng
kanilang mga yumao. Isa itong napakalaking pagkakamali. Bukod doon karumaldumal
sa harap ng Diyos ang pakikipag-ugnayan o pagsangguni sa mga patay.
“Huwag makakasumpong sa iyo ng sinomang nagpaparaan sa apoy ng
kaniyang anak na lalake o babae, o nanghuhula o nagmamasid ng mga pamahiin o
enkantador, o manggagaway, o enkantador ng mga ahas, o nakikipagsanggunian sa
mga masamang espiritu, o mahiko, o sumasangguni sa mga patay.Sapagka't
sinomang gumagawa ng mga bagay na ito ay karumaldumal sa Panginoon: at
dahil sa mga karumaldumal na ito ay pinalalayas sila ng Panginoon mong Dios sa
harap mo.” (Deuteronomio 18:10-12)
Kaya iwasan po natin ang pagsangguni doon sa mga tinatawag
na medium na nagsasagawa nung tinatawag na séance
– “pakikipagusap sa patay”, dahil natiyak po natin mula sa mga salita
ng Diyos na nakasulat sa Biblia na hindi na maaari pang makausap ang mga yumao
nating mahal sa buhay. Kung mayroon man po silang nakakausap, ay
natitiyak nating hindi iyon ang mga yumao nating kaanak – dahil wala naman pong
hindi kayang gawin ang Diablo mailigaw o madaya lamang niya ang mga tao:
“At siya'y
gumagawa ng mga dakilang tanda, na ano pa't nakapagpapababa ng kahit apoy mula
sa langit hanggang sa lupa sa paningin ng mga tao. At nadadaya
niya ang mga nananahan sa lupa dahil sa mga tanda na sa kaniya'y ipinagkaloob
na magawa sa paningin ng hayop;... (Apocalypsis 13:13-14)
Ang Diablo din ang dahilan kung bakit may mga nagmumulto at
pinapaniwala tayo na totoong iyon ang mga yumao nating mga mahal sa buhay upang
tayo ay dayain at para kaniyang sirain at kontrahin ang mga katotohanang ito na
nakasulat sa Biblia, at tayo’y mailigaw.
V. Ano ang pakiramdam ng isang taong patay?
Ano nga ba ang pakiramdam ng isang taong patay? Kailangan
pa bang tayo’y mamatay para maranasan ang nararanasan ng isang taong namatay
na? Narito ang sagot:
“Ang mga bagay na ito'y sinalita niya: at pagkatapos nito'y sinabi
niya sa kanila, Si Lazaro na ating kaibigan ay natutulog; nguni't
ako'y paroroon, upang gisingin ko siya sa pagkakatulog. Sinabi nga
ng mga alagad sa kaniya, Panginoon, kung siya'y natutulog, ay siya'y gagaling.
Sinalita nga ni Jesus ang tungkol sa kaniyangpagkamatay: datapuwa't
sinapantaha nila na ang sinalita ay ang karaniwang pagtulog.” (Juan
11:11-13)
Tulad ng isang natutulog ang pakiramdam ng
isang tao pag namatay na, Hindi ba’t pag ang isang tao ay natutulog siya’y
walang naririnig ni walang nalalaman sa nangyayari sa paligid niya? At hindi
natin ginagawang makipagusap sa taong alam nating natutulog, kaya hindi rin marapat
na kausapin ang isang patay. Ang pakiramdam ng taong patay ay pakiramdam ng
isang tao na may di pangkaraniwang pagtulog ayon sa Biblia.
Kaya hindi na kailangan pang mamatay para maranasan ang pakiramdam ng isang
taong patay na, dahil maihahalintulad ito sa isang napakahimbing na
pagkakatulog na kung minsan ay ating nararanasan kahit tayo ay buhay pa.
VI. Paano ang paniniwala ng mga Katoliko na kapag ang isang tao ay
banal o isang Santo, siya ay nasa langit na?
Sa paniniwala ng mga Katoliko ang mga Santo o mga taong banal
lamang ang kaagad na pupunta sa langit, totoo kaya ang paniniwalang ito? Ating
tunghayan ang patotoo ng Biblia:
“Mga kapatid, malayang masasabi ko sa inyo ang tungkol sa
patriarkang si David, na siya'y namatay at inilibing, at nasa atin ang kaniyang
libingan hanggang sa araw na ito… Sapagka't hindi umakyat si David sa
mga langit; datapuwa't siya rin ang nagsabi, Sinabi ng Panginoon sa aking
Panginoon; Maupo ka sa kanan ko,” (Gawa 2:29,34)
Maliwanag na ipinakita sa atin ng Biblia na si Haring David ay
hindi umakyat sa langit. Bakit? Eh ano bang uring tao si David?
Ganito ang pagpapakilala niya:
“Ingatan mo ang aking kaluluwa;
sapagka't ako'y banal: Oh ikaw na Dios ko, iligtas mo ang iyong
lingkod na tumitiwala sa iyo.” (Awit 86:2)
Sabi ni David siya’y banal sa madaling salita isa siyang Santo -
kung pagbabatayan ang paniniwalang Katoliko, subalit maliwanag na sinabi sa
atin ng Biblia na hindi umakyat si David sa langit. Kaya hindi totoo na komo’t
banal o isang Santo ay aakyat sa langit. Subalit hindi naman natin maikakaiala
na mayroon nang mga tao sa langit ngayon sa kasalukuyan, pero hindi kasali dun
si David. Sino ang mga taong iyon? Ituloy natin…
VII. Ilan at sino lamang ba ang taong kasalukuyang nasa langit
ngayon?
Narito at ating malalaman ngayon ang mga taong nasa langit
hanggang sa kasalukuyan: Sila ay sina ENOC, Propeta ELIAS, at ang ating
Panginoong JESUCRISTO:
Umakyat si Enoc sa Langit sa pamamagitan ng pagkuha sa kaniya ng
Diyos:
“At lumakad si Enoc na kasama ng Dios: at di siya
nasumpungan, sapagka't kinuha ng Dios.” (Genesis 5:24)
“Sa pananampalataya si Enoc ay inilipat upang huwag niyang makita
ang kamatayan; at hindi siya nasumpungan, sapagka't siya'y inilipat ng
Dios: sapagka't bago siya inilipat ay pinatotohanan sa kaniyang siya'y
naging kalugodlugod sa Dios:” (Hebreo 11:5)
Si Propeta Elias naman ay umakyat sa langit sa pamamagitan ng
isang karong apoy na itinaas sa langit sa pamamagitan ng isang ipo-ipo:
“At nangyari, samantalang sila'y nagpapatuloy, at nagsasalitaan, na
narito,napakita ang isang karong apoy, at mga kabayong apoy, na
naghiwalay sa kanila kapuwa; at si Elias ay sumampa sa langit sa
pamamagitan ng isang ipoipo.” (II Hari 2:11)
At ang ating Panginoong Jesucristo, na iniakyat sa mga alapaap:
“Datapuwa't tatanggapin ninyo ang kapangyarihan, pagdating sa inyo
ng Espiritu Santo: at kayo'y magiging mga saksi ko sa Jerusalem, at sa buong
Judea at Samaria, at hanggang sa kahulihulihang hangganan ng lupa. At pagkasabi
niya ng mga bagay na ito, nang siya'y tinitingnan nila, ay dinala siya sa
itaas; at siya'y tinanggap ng isang alapaap at ikinubli sa kanilang mga
paningin.” (Gawa 1:8-9)
Ang mga taong nabanggit ay umakyat sa langit ng buong-buo – taglay
nila ang kanilang kaluluwa, espiritu at katawan. Sila lamang tatlo ang
kasalukuyang nasa langit ngayon. Walang sinasabi ang Biblia tungkol sa mga aral
ng ibang relihiyon na mga taong umakyat din sa langit gaya ni Birheng Maria na
pinaniniwalaan ng mga Katolikong nasa langit din ngayon. Walang purgatorio, at
wala ring binabanggit na may pinarurusahan na sa Impierno.
VIII. Kung wala ngayon ang mga taong patay sa langit o impiyerno
nasaan sila, at kailan sila pupunta sa langit o di kaya’y hahatulan sa
impiyerno?
Maliwanag na nating nakita sa Biblia kanina pa na ang kaluluwa
ng tao ay hindi humihiwalay sa kaniyang katawan, samakatuwid kung saan nalibing
ang katawan ng isang tao nandoroon din ang kaniyang kaluluwa. Eh kailan
naman muling babangon ang mga taong namatay na? Narito ang sagot:
“Nguni't ang tao ay namamatay at
natutunaw; Oo, ang tao ay nalalagutan ng hininga, at saan
nandoon siya? Kung paanong ang tubig ay lumalabas sa dagat, at ang ilog
ay humuhupa at natutuyo; Gayon ang tao ay nabubuwal at hindi na
bumabangon: hanggang sa ang langit ay mawala, sila'y hindi magsisibangon, ni
mangagigising man sa kanilang pagkakatulog.”
(Job
14:10-12)
Ang tao ay mananatili sa kaniyang libingan hanggang sa panahon
na ang langit ay mawala, at ang pagkawala ng langit ay magaganap sa araw ng
paghuhukom na siya ring muling pagparito ng Panginoong Jesus:
“Datapuwa't darating ang araw ng Panginoon na gaya ng magnanakaw;
na ang sangkalangitan sa araw na iyan ay mapaparam na kasabay
ng malaking ugong, at ang mga bagay sa langit ay mapupugnaw sa matinding
init, at ang lupa at ang mga gawang nasa lupa ay pawang masusunog. Nguni't
ang sangkalangitan ngayon, at ang lupa, sa pamamagitan ng gayon ding salita ay
iningatang talaga sa apoy, na itinataan sa araw ng paghuhukom at ng
paglipol sa mga taong masama.” (II Pedro 3:10-7)
Ang pagparito ni Cristo na siya ring panahon ng pagkabuhay na
maguli ng mga namatay:
“Katotohanan,
katotohanang sinasabi ko sa inyo, Dumarating ang panahon, at ngayon
nga, na maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Dios; at ang mangakarinig
ay mangabubuhay.” (Juan 5:25)
“At nakita ko ang mga patay, malalaki at maliliit, na
nangakatayo sa harapan ng luklukan; at nangabuksan ang mga aklat: at nabuksan
ang ibang aklat, na siyang aklat ng buhay: at ang mga patay ay
hinatulan ayon sa mga bagay na nasusulat sa mga aklat, ayon sa kanilang mga
gawa. At ibinigay ng dagat ang mga patay na nasa kaniya; at
ibinigay ng kamatayan at ng Hades [Libingan] ang mga patay na nasa kanila: at
sila'y hinatulan bawa't tao ayon sa kanikaniyang mga gawa. At ang kamatayan
at ang Hades ay ibinulid sa dagatdagatang apoy. Ito ang ikalawang
kamatayan, sa makatuwid ay ang dagatdagatang apoy. At kung ang
sinoman ay hindi nasumpungang nakasulat sa aklat ng buhay, ay ibinulid sa
dagatdagatang apoy.” (Apocalypsis 20:12-15)
“At kung paanong itinakda sa mga tao ang mamatay na minsan,
at pagkatapos nito ay ang paghuhukom” (Hebreo 9:27)
“Ang Panginoon ay marunong magligtas ng
mga banal, sa tukso at maglaan ng mga di matuwid sa ilalim ng kaparusahan
hanggang sa araw ng paghuhukom;” (II Pedro 2:9)
Sa Araw pa lamang ng
Paghuhukom o sa muling pagparito ni Cristo malalaman ng tao kung saan siya
mapupunta, kung sa langit ba o sa Impierno, dahil sa panahong iyon, noon pa
lamang igagawad ang gantimpala at ang pagpaparusa sa lahat ng mga tao:
“At titipunin sa harap niya ang lahat ng mga bansa: at
sila'y pagbubukdinbukdin niya na gaya ng pagbubukodbukod ng pastor sa mga tupa
at sa mga kambing; At ilalagay niya ang mga tupa sa kaniyang kanan,
datapuwa't sa kaliwa ang mga kambing. Kung magkagayo'y
sasabihin ng Hari sa nangasa kaniyang kanan, Magsiparito kayo, mga pinagpala ng
aking Ama, manahin ninyo ang kahariang nakahanda sa inyo buhat nang itatag ang
sanglibutan:…Kung magkagayo'y sasabihin naman niya sa mga nasa
kaliwa, Magsilayo kayo sa akin, kayong mga sinumpa, at pasa apoy na walang
hanggan na inihanda sa diablo at sa kaniyang mga anghel:” (Mateo
25: 32-34, 41)
Ito ang mga katotohanang itinituro ng Biblia na dapat po nating
sampalatayanan, tanggapin, at paniwalaan…
No comments:
Post a Comment