TUNAY NA LINGKOD

Monday, May 20, 2013

ANG LAYUNIN NI CRISTO SA PAGTATAYO NG KANYANG IGLESIA





 Walang malay ang maraming tao tungkol sa layon ni Cristo sa pagtatayo ng Iglesia Niya.  Kaya hindi nila pinahahalagahan ang Iglesia Ni Cristo.  Hindi nila alam ang kahalagahan nito.  Ang akala nila, ito ay katulad din ng ibang mga iglesiang itinatag ng kung sinu-sinong tao rito sa mundo.  Wala ring malay ang maraming tao tungkol sa kung paano itinayo ni Cristo ang Kaniyang Iglesia.  Kaya't ito ang ating liliwanagin sa pamamagitan ng mga aral na itinuturo ng bibliya.

PAANO ITINAYO NI CRISTO ANG KANYANG IGLESIA
AYON SA ITINUTURO NG BANAL NA KASULATAN?

Sa Efeso 2:15 ay ganito ang sinasabi:

"Na inalis ang pagkakaalit sa pamamagitan ng kaniyang laman, kahit kautusan na may mga batas at ang palatuntunan; upang sa dalawa ay lalangin sa kaniyang sarili ang isang taong bago, sa ganito'y ginagawa ang kapayapaan; "

Paano itinayo?  Nilalang ni Cristo ang isang taong bago.  Siya at ang mga taong sumasampalataya sa Kanya.  Paano nilalang ni  Cristo itong isang taong bago?  Sa Mat. 16:18, ay ganito ang sinasabi:

"At sinasabi ko naman sa iyo, na ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesia; at ang mga pintuan ng Hades ay hindi magsisipanaig laban sa kaniya. "

Ganito nilalang ni Cristo ang isang taong bago:  itinayo Niya ang Kanyang Iglesia sa ibabaw ng bato.  Sino itong bato?  Sa Gawa 4:10, 11, ay ganito ang sinasabi:

"Talastasin ninyong lahat, at ng buong bayan ng Israel, na sa pangalan ni Jesucristo ng taga Nazaret, na inyong ipinako sa krus, na binuhay ng Dios na maguli sa mga patay, dahil sa kaniya ay nakatindig ang taong ito sa inyong harap na walang sakit."

 "Siya ang bato na itinakuwil ninyong mga nagtayo ng bahay, na naging pangulo sa panulok.  "

Sino ang bato?  Si Cristo.  Itinayo ni Cristo ang Kanyang Iglesia sa Kanya ring sarili.  Itinayo Niya sa Kanyang sarili ang Kanyang Iglesia na ano Niya at ano naman Siya ng Iglesia?  Sa Colosas 1:18 ay ganito ang nakasulat:

"At siya ang ulo ng katawan, sa makatuwid baga'y ng iglesia ... "

Itinayo ni Cristo sa Kanya ang Kanyang Iglesia na katawan Niya at Siya ang ulo nito.  Kaya ang naging kayarian ay isang taong bago.  Bakit ganito ang ginawa ni Cristo?  Ano ang layon ni Cristo at itinayo Niya ang Kanyang Iglesia na katawan Niya at Siya ang lumagay na ulo?  Dahil sa batas ng Diyos sa taong nagkakasala.  Ano ba ang batas ng Diyos sa mga taong nagkakasala?  Sa Ezekiel  18:4, ay ganito ang sinasabi:

"Narito, lahat ng kaluluwa ay akin; kung paano ang kaluluwa ng ama, gayon din ang kaluluwa ng anak ay akin: ang kaluluwa na nagkakasala ay mamamatay. "

Ganito pa ang sinasabi sa talatang 20:

" Ang kaluluwa na nagkakasala, mamamatay: ang anak ay hindi magdadanas ng kasamaan ng ama, o magdadanas man ang ama ng kasamaan ng anak; ang katuwiran ng matuwid ay sasa kaniya, at ang kasamaan ng masama ay sasa kaniya.  "

Ano ang batas ng Diyos sa nagkakasala?  Kung sino ang nagkasala ang siyang dapat mamatay.  Aling kamatayan?  Ang ikalawang kamatayan.  Ang ikalawang kamatayan sa dagat-dagatang apoy o impiyerno. (Apoc. 20:14)  Kung gayo'y walang taong maliligtas, sapagkat ang lahat ng tao'y nagkasala (Roma 5:12).  Kaya ang lahat ng tao'y napasailalim ng hatol na kamatayan sa dagat-dagatang apoy (Roma 3:19; 6:23, Apoc. 20:14).  Si Cristo lamang ang tanging taong hindi nagkasala (I Ped. 2:21-22,  Heb. 4:15).

Kung ang tao ang magbabayad ng kanyang mga kasalanan, makababayad siya ngunit hindi siya maliligtas.  Kung si Cristo naman ang magbabayad ng kasalanang ginawa ng tao, labag naman sa batas ng Diyos na kung sino ang nagkasala ay siyang dapat mamatay.  Kaya't upang mailigtas ni Cristo ang mga tao ng ayon sa batas ng Diyos, nilalang ni Cristo ang Kanyang sarili at mga ililigtas Niya na isang taong bago.  Si Cristo ang lumagay na ulo upang managot, at ginawa Niyang katawan Niya ang mga ililigtas upang Kanyang mapanagutan.  Sa harapan ng Diyos, iisa nang tao si Cristo at ang mga taong ililigtas Niya.  

Napanagutan ba ni Cristo ang Kaniyang katawan o Iglesia?  Sa II Cor. 5:21, ay ganito ang sinasabi:

"Yaong hindi nakakilala ng kasalanan ay kaniyang inaring may saladahil sa atin: upang tayo'y maging sa kaniya'y katuwiran ng Dios.  "

Ang sinasabi ritong hindi nakakilala ng kasalanan ay si Cristo, ngunit inari Siyang maysala "dahil sa atin'.  Sino naman ang tinutukoy ritong "dahil sa atin"?  Lahat ba ng taong makababasa nito at makaririnig?  Hindi.  Bakit?  Sapagkat ang salitang "dahil sa atin" ay nauukol lamang sa nagsasalita at kinakausap.  Si apostol Pablo ang nagsasalita, ministro ng Iglesia, at ang kausap niya ay ang mga kaanib sa Iglesia.  kaya ang "dahil sa atin" ay tumutukoy sa iglesia na katawan ni Cristo.  Kung gayon, napanagutan ni Cristo ang kasalanan ng Kanyang katawan o Iglesia.

ALIN ANG TIYAK NA ILILIGTAS NI CRISTO
AYON SA BIBLIYA?

Sa Efeso 5:23, ay ganito ang sagot sa atin:

"Sapagka't ang lalake ay pangulo ng kaniyang asawa, gaya naman ni Cristo na pangulo ng iglesia, na siya rin ang tagapagligtas ng katawan.  "

Alin ang tiyak na ililgtas ni Cristo?  Ang katawan.  Alin itong katawan?  Ang Iglesia.  Marami ba ang katawan o Iglesia na ililigtas ni Cristo?  Sa Roma 12:4-5, ay sinasabi:

" Sapagka't kung paanong sa isang katawan ay mayroong tayongmaraming mga sangkap, at ang lahat ng mga sangkap ay hindi pareho ang gawain:  "

"Ay gayon din tayo, na marami, ay iisang katawan kay Cristo, at mga sangkap na samasama sa isa't isa."

Ilan ang katawan o iglesia na ililigtas ni Cristo?  Iisa lamang.  Alin ang marami?  Mga sangkap.  Sa kabuuan ay iisa ngunit ang bumubuo ang  marami.  Bakit itong katawan ni  Cristo
o Iglesia ang tanging ililigtas ni Cristo?  Ano puhunan ni Cristo sa Kanyang Iglesia? Sa Gawa 20:28, ay sinasabi ang ganito:

“Ingatan ninyo ang inyong sarili, at ang buong kawan, na sa kanila'y ginawa kayo ng Espiritu Santo na mga obispo, upang pakanin ninyo ang iglesia ng Panginoon na binili niya ng kaniyang sariling dugo.  "

Ano ang puhunan ni  Cristo?  Dugo Niya.  Ano ang halaga ng dugo ni Cristo sa mga tinubos Niya?  Ganito ang sagot sa Heb. 9:14, 15:

"Gaano pa kaya ang dugo ni Cristo, na sa pamamagitan ng Espiritu na walang hanggan ay inihandog ang kaniyang sarili na walang dungis sa Dios, ay maglilinis ng inyong budhi sa mga gawang patay upang magsipaglingkod sa Dios na buhay? "

"At dahil dito'y siya ang tagapamagitan ng isang bagong tipan, upang sa pamamagitan ng isang kamatayan na ukol sa ikatutubos ng mga pagsalangsang na nasa ilalim ng unang tipan, ang mga tinawag aymagsitanggap ng pangako na manang walang hanggan. "

Ano ang halaga o nagawa ng dugo ni Cristo sa kapakanan ng mga tinubos Niya sa makatuwid baga’y ng Iglesia?  Nalinis ang kanilang budhi, nagkaroon sila ng karapatang maglingkod sa Diyos na buhay at tatanggap sila ng pangakong manang walang hanggan.  Kung gayon, hahatulan pa ba ang mga iglesia Ni Cristo?  Sa Roma 8:1, ay tinitiyak sa atin ang ganito:

"Ngayon nga'y wala nang anomang hatol sa mga na kay Cristo Jesus. "

Wala nang anumang hatol.  Sino itong mga taong na kay Cristo Jesus?  Ang Kanyang Iglesia (Mat. 16:18).  Bakit ang Iglesia ang na kay Cristo Jesus?  Sapagkat ito’y katawan Niya at Siya ang ulo nito (Col. 1:18).  Ano ang pangalang itinawag sa iglesiang katawan ni Cristo?  Iglesia Ni Cristo (Roma 16;16).  Ano ang katunayan na ang mga iglesia ni Cristo ay wala na ngang anumang hatol?  Sa I Tes. 4:16, ay ganito ang patunay:

" Sapagka't ang Panginoon din ang bababang mula sa langit, na may isang sigaw, may tinig ng arkanghel, at may pakakak ng Dios: at ang nangamatay kay Cristo ay unang mangabubuhay na maguli;"

Ano naman ang kapalaran ng mga unang mabubuhay na mag-uli?  Sa Apoc. 20:6, ay sinasabi ang ganito:

“Mapalad at banal ang makalakip sa unang pagkabuhay na maguli: sa mga ito'y walang kapangyarihan ang ikalawang kamatayan; kundi sila'y magiging mga saserdote ng Dios at ni Cristo, at mangaghaharing kasama niya sa loob ng isang libong taon."

Ano ang kapalaran?  Walang kapangyarihan ang ikalawang kamatayan.  Kanino?  Sa mga unang mabubuhay  na mag-uli.  Sinu-sino sila?  Ang mga kay Cristo.  Sinu-sino itong mga kay Cristo?  Ang mga sangkap ng kanyang katawan o Iglesia.  Alin naman itong  ikalawang kamatayan?  Ito ang dagat-dagatang apoy!  Samakatuwid, wala na ngang hatol ang mga iglesia ni Cristo (Roma 8:1).  Napakapalad nila!  Tangi rito, ano pa ang lalong dakilang kapalaran ng mga  iglesia ni Cristo?  Sa Efeso 3:6, ay sinasabi naman ang ganito:

" Na ang mga Gentil ay mga tagapagmana, at mga kasangkap ng katawan, at mga may bahagi sa pangako na kay Cristo Jesus sa pamamagitan ng evangelio, "

Sinasabi rito na ang mga Gentil ay naging tagapagmana.  Bakit?  Sapagkat sila’y naging kasangkap ng katawan o Iglesia ni Cristo.   Samakatuwid, mapalad ang iglesia ni Cristo sapagkat una, sapagkat siya’y wala nang anumang hatol.  At ikalawa, siya’y magiging tagapagmana.  Ano naman ang mamanahin ng mga iglesia ni Cristo?  Ang lupain na tinatahana ng katuwiran (II Pedro 3:13).  Alin itong lupain na tinatahanan ng katuwiran?  Sa Apoc. 21:1-4 ay ganito ang sinasabi:

“ At nakita ko ang isang bagong langit at ang isang bagong lupa:sapagka't ang unang langit at ang unang lupa ay naparam; at ang dagat ay wala na."

 "At nakita ko ang bayang banal, ang bagong Jerusalem, na nananaog mula sa langit buhat sa Dios, na nahahandang gaya ng isang babaing kasintahan na nagagayakang talaga sa kaniyang asawa."

 "At narinig ko ang isang malakas na tinig na mula sa luklukan, na nagsasabi, Narito, ang tabernakulo ng Dios ay nasa mga tao, at siya'y mananahan sa kanila, at sila'y magiging mga bayan niya, at ang Dios din ay sasa kanila, at magiging Dios nila:"

 "At papahirin niya ang bawa't luha sa kanilang mga mata; at hindi na magkakaroon ng kamatayan; hindi na magkakaroon pa ng dalamhati, o ng pananambitan man, o ng hirap pa man: ang mga bagay nang una ay naparam na. "

Alin itong lupaing tinatahanan ng katuwiran na mamanahin ng mga iglesia ni Cristo?  Ang Bayang Banal.  Ano ang magiging buhay roon?  Wala nang kamatayan, walang dalamhati o panambitan man, o hirap pa man.  Kaya napakahalaga ng maging sangkap ng katawan o Iglesia ni Cristo.



ANO ANG ITINURO NI CRISTO NA IKALILIGTAS SA PARUSA NG MGA TAO NA HINDI PA SANGKAP NG KATAWAN O IGLESIA NIYA?

Sa Juan 10:9, ay ganito ang Kanyang ipinag-uutos:

"Ako ang pintuan; ang sinomang taong pumasok sa akin, ay siya'y maliligtas, "

Ano ang ipinag-uutos?  Pumasok sa Kanya.  Pumasok na ano?  Sangkap ng katawan Niya.  Bahagi ng Kanyang Iglesia na pinangunguluhan Niya.  Samakatuwid, upang maligtas ang tao, kailangang siya’y  maging sangkap ng katawan ni Cristo o maging kaanib ng Iglesia ni Cristo.  Ano ang gagawin sa mga hindi pumasok kay Cristo o hindi  sumangkap sa katawan ni Cristo o sa madaling salita’y hindi  nag-iglesia ni Cristo?  Sa Lucas 13:24-28, ay ganito ang sinasabi :

"Magpilit kayong magsipasok sa pintuang makipot: sapagka't sinasabi ko sa inyo na marami ang mangagsisikap na pumasok, at hindi mangyayari

"Kung makatindig na ang puno ng sangbahayan, at mailapat na ang pinto, at magpasimula kayong mangagsitayo sa labas, at mangagsituktok sa pintuan, na mangagsasabi, Panginoon, buksan mo kami; at siya'y sasagot at sasabihin sa inyo, Hindi ko kayo nangakikilala kung kayo'y taga saan;"

"Kung magkagayo'y pasisimulan ninyong sabihin, Nagsikain kami at nagsiinom sa harap mo, at nagturo ka sa aming mga lansangan;"

"sasabihin niya, Sinasabi ko sa inyo na hindi ko kayo nangakikilala kung kayo'y taga saan; magsilayo kayo sa akin, kayong lahat na manggagawa ng kalikuan."

"Diyan na nga ang pagtangis, at ang pagngangalit ng mga ngipin, kung mangakita ninyo si Abraham, at si Isaac, at si Jacob, at ang lahat ng mga propeta sa kaharian ng Dios, at kayo'y palabasin. "

Sino ang pintuang makipot na dapat pasukan sa ikaliligtas?  Si Cristo (Juan 10:9).  Si Cristo ang pintuang makipot na patungo sa buhay (Mat. 7:13-14).  Ano ang mangyayari pagdating ng araw ng paghuhukom?  Ang mga hindi nagsipasok ay nasa labas at magsisituktok.  Ano ang kanilang sasabihin?  “Panginoon, buksan mo kami.”  Ano ang isasagot ng Panginoon sa kanila?  “Hindi ko kayo nakikilala.”  Ano ang kanilang imamatuwid?  “nagsikain kami at nagsiinom sa harap mo, at nagturo ka sa aming mga lansangan.”  Ano ang sasabihin ng Panginoon?  “Hindi ko kayo nakikilala, magsilayo kayo sa akin, kayong lahat na manggagawa ng kalikuan.”  At saka sila tatangis at magngangalit ang mga ngipin.  Ano ang kasalanan ng mga  itinakwil na ito at ayaw kilalanin ni Jesus?  Hindi sila pumasok kay Cristo o hindi nag-iglesia ni Cristo.  Subali’t hindi ba sila tumawag sa Panginoon?  Hindi ba sila sumamba at naglingkod?  May relihiyon o iglesiang kinaaaniban rin ba ang mga ito?  Sa Mateo 7:21-23, ay ganito ang  ating mababasa:

"Hindi ang bawa't nagsasabi sa akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit."

"Marami ang mangagsasabi sa akin sa araw na yaon, Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa iyong pangalan, at sa pangalan mo'y nangagpalayas kami ng mga demonio, at sa pangalan mo'y nagsigawa kami ng maraming gawang makapangyarihan?"


"At kung magkagayo'y ipahahayag ko sa kanila, Kailan ma'y hindi ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa akin, kayong manggagawa ng katampalasanan. "

Ang mga itinakwil ba at ayaw kilalanin ni Cristo ay naglilingkod din at sumasamba?  Oo.  Tumatawag din ba sila sa Panginoon?  Oo.   Ano ang katunayan?  Nagsigawa pa sila ng maraming kababalaghan sa pangalan ni Cristo.  Ngunit ano ang malinaw  na sabi ni Cristo?  “Kailan ma’y hindi ko kayo nakikilala.”  Ano ang ibig sabihin ni  Cristo na “hindi ko kayo nakikilala?”  Hindi ba sila kilala  kung tagasaan sila at kung anu-ano ang mga pangalan nila?  Nakikilala  sila ni Jesus, pati ang mga katampalasanang ginawa nila’y nalalaman nito.  Bakit Niya sinabing “hindi ko kayo nakikilala?”  Ibig  sabihin:  “Hindi ko kayo nakikilalang aking katawan o aking iglesia.”  “Hindi kayo iglesia ni Cristo.”

Ang tunay na kay Cristo ay nakikilala Niya.  Sinabi ni Cristo:

" Ako ang mabuting pastor; at nakikilala ko ang sariling akin, at ang sariling akin ay nakikilala ako,"   (Juan 10:14)

Ano ang malinaw na sabi ni Jesus?  Nakikilala Niya ang sariling Kanya.  Sino ang mga hindi Niya nakikilala?  Ang mga itinakwil.  Samakatuwid, hindi sa Kanya ang mga iyon.  Hindi sila bahagi ng Kanyang katawan o Iglesia.

Kung ang isang tao nama’y iglesia na ni Cristo at nahiwalay o hindi nanatili, ano ang sinabi ni Jesus na mangyayari sa taong iyon ?  Sa Juan 15:6, ay ganito ang Kanyang sabi:

"Kung ang sinoman ay hindi manatili sa akin, ay siya'y matatapong katulad ng sanga, at matutuyo; at mga titipunin at mga ihahagis sa apoy, at mangasusunog. "

Ano ang sabi ni Jesus?  Ang hindi manatili sa Kanya ay matatapong katulad ng sanga at matutuyo, at titipunin at ihahagis sa apoy.  Samakatuwid,  masama ang mahiwalay sa katawan o iglesia ni Cristo.  Ang mahiway ay masusunog sa apoy!  Aling apoy?  Ito ang dagat-dagatang apoy at asupre na siyang ikalawang kamatayan (Apoc. 20:14).



PAANO ANG PAGPASOK KAY CRISTO NA IKALILIGTAS?

Sa Juan 1:12,13, ay ganito ang sinasabi:

"Datapuwa't ang lahat ng sa kaniya'y nagsitanggap, ay pinagkalooban niya sila ng karapatang maging mga anak ng Dios, sa makatuwid baga'y ang mga nagsisisampalataya sa kaniyang pangalan:"

"Na mga ipinanganak na hindi sa dugo, ni sa kalooban ng laman, ni sa kalooban ng tao, kundi ng Dios. "

Papaano ang pagpasok?  Dapat tanggapin si Cristo sa pamamagitan  ng pagsampalataya sa Kanyang pangalan.  Ang mga ito ang  pinagkaloobang maging mga anak ng Diyos.  Paano sila naging mga anak ng Diyos?  Hindi sa dugo, ni sa kalooban ng laman,  ni sa kaloban ng tao,  kundi ipinanganak sila ng kalooban ng Diyos.  Alin ang kalooban  ng Diyos na sa kanila’y nanganak?  Sa Santiago 1:18, ay ganito ang sinasabi:

"Sa kaniyang sariling kalooban ay kaniya tayong ipinanganak sa pamamagitan ng salita ng katotohanan, upang tayo'y maging isang uri ng mga pangunahing bunga ng kaniyang mga nilalang."

Alin ang kalooban ng Diyos?  Ang salita ng katotohanan o ang mga salita ng Diyos.  Ito ang nanganak sa mga nagsitanggap kay  Cristo na nagsisampalataya sa  Kaniyang pangalan.  Sa I Pedro 1:23, ay sinasabi pa ang ganito:

"Yamang ipinanganak kayong muli, hindi sa binhing nasisira, kundi sa walang kasiraan, sa pamamagitan ng salita ng Dios na nabubuhay at namamalagi. "

Ano ang ikakikilala sa nga tumanggap kay Cristo na ipinanganak ng mga salita ng Diyos?  Sa Roma 6:6, ay ganito naman ang sinasabi:

"Na nalalaman natin, na ang ating datihang pagkatao ay kalakip niyang napako sa krus, upang ang katawang salarin ay magiba, at nang sa gayo'y huwag na tayong maalipin pa ng kasalanan; "

Ang kanilang datihang pagkatao’y  kalakip ni Cristong napako sa  krus, kaya’t sila’y hindi na alipin ng kasalanan.  Alin ba itong datihang pagkatao ng mga tumanggap kay Cristo na kalakip Niyang  napako sa krus?  Sa Efeso 4:22, ay ganito ang sinasabi:

"At inyong iwan, tungkol sa paraan ng inyong pamumuhay na nakaraan, ang dating pagkatao, na sumama ng sumama ayon sa mga kahalayan ng pagdaraya;   "

Alin ang dating pagkatao?  Ang nakaraang pamumuhay na sumama nang sumama ayon sa kahalayan ng pagdaraya.  Alin-alin ang ilan sa mga ito?  Sa Colosas 3:7-9, ay ganito naman ang sinasabi:

"Na inyo ring nilakaran nang una, nang kayo'y nangabubuhay pa sa mga bagay na ito;"

 "Datapuwa't ngayon ay inyo namang layuan ang lahat ng mga ito: galit, kapootan, paghihinala, panunungayaw, mga salitang kahalay-halay na mula sa inyong bibig:"

 "Huwag kayong mangagbubulaan sa isa't isa; yamang hinubad na ninyo ang datihang pagkatao pati ng kaniyang mga gawa "

Ano ang datihang pagkatao ng mga pumasok kay Cristo?  Ang nakaraang pamumuhay noong una (noong sila’y hindi pa sangkap ng  katawan o Iglesia ni Cristo),  samakatuwid baga’y ang iba’t ibang gawang masama na labag sa kalooban ng Diyos.  Ang mga ito ay napako na sa krus na kalakip ni Cristo.  At sapagkat namatay na itong datihang pagkatao dahil sa pagkapako sa krus,  kaya’t sila’y inilibing nang sila’y bautismuhan ng bautismo sa kamatayan, gaya ng mababasa natin sa Roma 6:3-4, na ganito:

"O hindi baga ninyo nalalaman na tayong lahat na mga nabautismuhan kay Cristo Jesus ay nangabautismuhan sa kaniyang kamatayan?"

 "Tayo nga'y nangalibing na kalakip niya sa pamamagitan ng bautismo sa kamatayan: na kung paanong si Cristo ay nabuhay na maguli sa mga patay sa pamamagitan ng kaluwalhatian ng Ama, ay gayon din naman tayo'y makalalakad sa panibagong buhay.  "

Alin itong panibagong buhay na dapat lakaran ng mga binautismuhan kay Cristo?  Sa Galacia 3:27, ay sinasabi ang ganito:

"Sapagka't ang lahat na sa inyo ay binautismuhan kay Cristo ay ibinihis si Cristo.  "

Alin itong panibagong buhay na dapat lakaran?  Dapat ibihis si Cristo. Paano maibibihis si Cristo?  Sa Galacia 2:20, ay ganito naman ang sinasabi:

"Ako'y napako sa krus na kasama ni Cristo; at hindi na ako ang nabubuhay, kundi si Cristo ang nabubuhay sa akin: at ang buhay na ikinabubuhay ko ngayon sa laman ay ikinabubuhay ko sa pananampalataya, ang pananampalataya na ito'y sa Anak ng Dios, na sa akin ay umibig, at ibinigay ang kaniyang sarili dahil sa akin."  

Ano ang katunayang nakabihis si Cristo sa isang taong nabautismuhan ng bautismo sa kamatayan?  Nabubuhay na sa  pananampalataya.  Ano na ang kalagayan ng mga tunay na kay Cristo?  Sa II Corinto 5:17, ay ganito ang paglalarawan:

"Kaya't kung ang sinoman ay na kay Cristo, siya'y bagong nilalang: ang mga dating bagay ay nagsilipas na; narito, sila'y pawang naging mga bago."

Ano ang kalagayan ng mga kay Cristo?  Sila’y mga bagong nilalang.  Ang mga dating bagay ay lumipas na.  Sila’y pawang naging mga bago.  Ito ang dapat maging kalagayan ng lahat ng mga nagsipasok kay Cristo.  Ito ang katunayang sila’y ipinanganak ng salita  ng Diyos.  Ito ang pagpasok kay Cristo na ikaliligtas.*****



















2 comments:

  1. Bakit hindi diyos c cristo? Saan ba sya nanggaling?

    ReplyDelete
  2. Bakit sinabi sa roma 11:11na ang pagkabulag ng mga israel kayaman ngga hentil.ang ipinahiwatig ba ni apostol pablo namaaliligtas sila kahit hindi sila kaanib ng IGlesia ni cristo dahil ang mga hentil ay katulad lamang sa punong ligaw na ikinapit lamang sa puno o ng israel?

    ReplyDelete