TUNAY NA LINGKOD

Sunday, September 8, 2013

Kalingain natin ang ating Sambahayan



Isa sa mga suliraning kinakaharap ngayon ng ating lipunan ay ang pagdami ng mga wasak na sambahayan- mga sambahayang napabayaan ng mga magulang. Kaugnay nito ay dumarami rin ang mga batang hindi nakapag-aaral at nagpapalabuy-laboy lamang sa mga lansangan, na ang bilang nila ayon sa pag susuri ng Department of Social Welfare and Development sa taong 1998 ay umaabot na sa isa’t kalahating milyon (Malaya 1998), at ito ay tumataas pa hanggang sa kasalukuyan. Marami ring kabataan ang nasasadlak sa prostitusyon, nalululong sa mga ipinag babawal na gamot, at nasasangkot sa mga krimen at karahasan.

Ang pagpapabaya sa sariling sambahayan ay malaking kasalanan sa Diyos. Katumbas ito ng pagtalikod sa pananampalataya at ang mga pabaya sa kanilang sambahayan ay masahol pa sa di sumasampalataya:

“Sinumang hindi kumakaliga sa kanyang mga kamag-anak, lalo na sa sariling pamilya, ay tumatalikod sa pananampalataya at masahol pa sa hindi mananampalataya.” ( I Tim. 5:8, New Pilipino Version)


Upang huwag mauwi sa kapabayaan ang mga magulang at ang mga nagiging magulang, may mga bagay na dapat iwasan o talikdan. Narito ang ilan:

1.     Pag-aasawa ng hindi nakahanda

Kapag ang mag-aasawa ay hindi pa nakahandang tumanggap ng responsibilidad sa sambahayan, mahuhulog sila sa kapabayaan, lalo na kapag sila’y nagkaroon na ng mga anak. Kaya bago lumusong sa pag-aasawa, dapat tiyakin kapuwa ng lalake at ng babae na sila’y nakahanda nang gumanap ng mga pananagutang kanilang haharapin.
Ang unang dapat tiyakin ng isang lalaking mag-aasawa ay ang pagkakaroon niya ng matatag na hanapbuhay upang matustusan ang panga-ngailangan ng kaniyang magigigng sambahayan, gaya ng itinagubilin ni Apostol Pablo:

“……Bagkus ay magtrabaho at gamitin ang kanyang kamay sa mga bagay na mapapakinabangan para may maitulong siya sa mga nangangailangan.” (Efe. 4:28).

Ang mga kababaihan naman ay tinuruan ni Apostol Pablo na magsilbing gabay sa kanilang mga anak sa pagtataglay ng mabubuting katangian, tulad ng pagiging “ mabait,malinis at masipag sa tahanan” (Tito 2:5).

Upang maiwasan ang pag aasawa nang hindi nakahanda, mahigpit ding itinagubilin sa mga magkasintahan pa lamang na huwag silang magkaroon ng ugnayang seksual (premarital sex) sapagkat ito’y para lamang sa mga mag-asawa. Ito ang karaniwang dahilan kung bakit ang marami ay napapasubo sa hindi napapanahong pag aasawa. Dapat igalang ang pag aasawa sapagkat tiniyak ng Biblia na hahatulan ng Diyos ang mga nakikiapid at nangangalunya (Heb. 13:4)

2.      Katamaran o di paggawa
      
       Ang isa sa mga dahilan kaya hindi matustusan ng isang magulang ang panga ngailangan ng kaniyang pamilya at ito ring dahilan ng kaniyang kahirapan ay ang katamaran. Ang sabi ng Biblia:

“Ang kamay ng tamad ay tiyak na magdarahop.” (Kaw. 10:4 Magandang Balita Biblia).

Tiyak na maghihirap ang sambahayan ng mga tamad na magulang. Kung ang ama ay ayaw gumawa gayong siya’y malakas at kaya namang magtrabaho, tiyak na hindi niya maipagkakaloob ang panga-ngailangan ng kaniyang pamilya – hindi niya maibibigay ang sapat na pagkain at maayos na pananamit, at hindi niya mapag aaral ang kaniyang mga anak. Hindi niya magagawang bigyan ng magandang kinabukasan ang kaniyang sambahayan.
Ang asawang lalake ang pinapanagot na magpakasipag sa paghahanapbuhay (Gen 3:19) upang siya’y may maitustos sa mga pangangailangan ng kaniyang sambahayan (Efe. 4:28). Tungkulin niya na bigyan ang mga anak ng maayos na tirahan, sapat na pagkain, aayos na pananamit, at mabuting edukasyon. Makabubuti rin kung magagawa niyang maipag impok ang mga anak.

“..Tutal, ang magulang ang dapat mag-impok para sa mga anak, hindi ang mga anak para sa mga magulang” (II Cor. 12:14 NPV).

Gayunman, hindi lamang ang ama ang nararapat magpakasipag. Ang asawang babae ay dapat ding magpakasipag sa pagsubaybay sa kaniyang tahana at sa mga anak:

“Kung magkagayon, matuturuan nila ang mga kabataang babae na ibigin ang kanilang asawa at mga anak, magpigil sa sarili, malinis, masipag sa tahanan, maging mabait, at napasasakop sa asawa upang hindi mapulaan ang salita ng Diyos” (Tito 2:4-5)

“Sinusubaybayan niyang mabuti ang kaniyang sambahayan at hindi tumitigil sa paggawa araw araw. Iginagalang siya ng kaniyang mga anak at pinupuri ng kanyang kabiyak: Maraming babae na mabuting asawa, ngunit sa kanila’y nakahihigit ka.” (Kaw. 31: 27-29, MB).

Kaya, marapat lamang na gumigising ang ina nang maaga upang maipaghanda ang mga pangangailangan ng kanilang asawa at mga anak. Dapat din niyang subaybayang maayos ang pag aaral ng mga anak at matamang turuan sila sa pagsunod sa mga utos ng Diyos at ng kabutihang asal. Hindi siya dapat magaksaya ng panahon sa pangangapit bahay at lalo na sa pag hahatid dumapit (I Tim. 5:13 ).

3.     Pagkakaroon ng masamang bisyo

Ang pagkakaroon ng masamang bisyo tulad ng paglalasing at paggamit ng ipinagbabawal na gamot, pagsusugal, at iba pang katulad nito ay malaking dahilan kung bakit may mga magulang na nakakapag pabaya sa kanilang sambahayan. Ang malaking bahagi ng kanikita ng magulang ay tiyak na hindi pakikinabangan ng kaniyang pamilya kung ito’y ginugugol sa pagkakasala. Halimbawa ay ang pakikiapid o pakikipag relasyon sa iba ng isang may asawa- ito ay magiging dahilan din ng pagpapabaya at pagkukulang sa sambahayan. Ayon sa Biblia:

“ Baka ang mga di kilalang babae ay mapuno ng iyong kalakasan; at ang iyong mga pinagpagalan ay mapasa bahay ng kaapid.: (Kaw. 5:10).

Bukod dito, ang pakikiapid ay isang mabigat na kasalanan sa harap ng Diyos na ang parusa ay tiyak na kapahamakan sa dagat dagatang apoy (Apoc. 21:8).

Samantala, ang pagka lulong sa alak at sa ipinag babawal na gamot ay hindi lamang nakababawas sa malaking bahagi ng kinikita ng isang magulang, kundi nakapipinsala din sa kalusugan at paghahanap buhay. Ang tiyak na kahahantungan nito ay kahirapan (Kaw. 23:20-21). Ang pagkalulong naman sa sugal ay karaniwang nagbabaon sa tao sa pagkakautang at nagiging dahilan din ng pagkaubos ng kabuhayan. Ito, gaya ng pagkakalulong sa bawal na gamot, ay nagbubulid din sa tao upang magnakaw at kung minsan ay pumatay.

Dahil dito, ang masamang bisyo ay dapat iwasan ng mga magulang sapagkat makasisira ito sa maayos na kalagayan ng sambahayan.  

4.     Paghihiwalay ng mag asawa
Ang paghihiwalay ng mag-asawa ay magbubunga ng pagkawasak ng sambahayan at ang unang nagiging biktima nito ay ang mga anak. Ang iba sa mga anak ay sumasama sa ina, ang iba nama’y sa ama, o kaya’y nakikitira nalang sa kamag anak o sa mga kakilala. Hindi naibibigay sa kanila ang sapat na paggabay na tungkuling dapat gampanan ng kanilang mga magulang.

Kaya hindi dapat maghiwalay ang mag-asawa. Ang pag hihiwalay ng mag asawa ay taliwas sa layunin ng Diyos sa pagtatatag niya ng pag-aasawa. Ganito ang nakasulat sa Biblia:

“Dahil dito’y iiwan ng lalake ang kaniyang ama at ina; at ang dalawa ay magiging isang laman.” (Efe. 5:31).

Mahigpit ang aral ng Diyos na walang karapatan ang sinumang tao na papaghiwalayin ang kaniyang pinapagsama (Mat. 19:6). Kaugnay nito ay mahigpit ding itinagubilin sa mag asawa na mamuhay na magkasama:

“Gayon din naman kayong mga lalake, magsipamahay kayong kasama ng inyo-inyong asawa ayon sa pagkakilala, na pakundanganan ang babae, na gaya ng marupok na sisidlan, yamang kayo nama’y kasamang tagapagmana ng biyaya ng kabuhayan: upang ang inyong mga panalangin ay huwag mapigilan.” (I Ped. 3:7)

Kaya hindi dapat humiwalay ang babae ni ang lalake sa kaniyang asawa ( ICor. 7:10-13). Kung ang mga asawa ay mayroong hindi pagkakaunawaan, dapat silang mag usap nang maayos at sikaping sila’y magkasundo. Hindi mabuti na pairalin ang PRIDE o ang pagmamataas. Dapat ay magbigayan at ayusin nang mahinahon ang anumang dahilan ng hindi pagkakasundo.

Ang Sambahayang kinakandili ng Diyos.

Ang bawat magulang ay mananagot na kandilihin ang kaniyang pamilya. Ngunit higit sa pagkandili ng mga magulang ay ang pagkandili ng Panginoong Diyos. Kaya, ang unang unang dapat pagyamanin ng mga magulang ay ang kaugnayan nila sa Diyos. Dapat nilang tiyakin na nasusunod ng bawat miyembro ng pamilya ang mg autos ng Diyos.

Tinitiyak ng Biblia na ang sambahayang may takot sa Diyos sa paraang sumusunod sa Kaniyang mg autos ay pagpapalain niya:


“ Mapalad ang bawat tao na kay Yehweh ay may takot, Ang maalab na adhika’y sumunod sa kanyang utos. Hindi siya magkukulang sa anumang kailangan, Ang buhay ay maligaya’t uunlad ang kanyang buhay. Sa tahanan, ang asawa’y parang ubas na mabunga, Bagong tanim na olibo sa may dulang ang anak n’ya. Ang sinuman kung si Yahweh buong pusong susundin, Buhay niya ay uunlad at pagpapalain.” (Awit 128:1-4 MB).

1 comment: