Kay G. Antonio Ebanghelista at mga kasama
Ginawa ko ang sulat na ito mula sa aking sariling pagsisikap
lamang at walang sinumang nag-atas sa akin. Natawagan lamang ako ng pansin na
maaaring “makapandaya” sa iba ang inyong mga sinasabi.
Inaangkin mo na ikaw ay isang ministro ng Ebanghelyo na naglilingkod
sa Tanggapan Pangkalahatan, subalit ang napansin ko na ang paghusga mo sa
Pamamahala ng Iglesia ay hindi sa PANANAW ng isang ministro. Kapansin-pansin
kasi ang kawalan mo ng kabatiran sa tuntuning na nakabakod sa mga ministro ng
Ebanghelyo. Nais ko sanang ipabatid sa iyo, sa mga kasamahan mo at sa ibang mga
tao, na kung may tuntunin na nakabakod sa buong Iglesia, may tuntunin din na
nakabakod sa mga ministro na tinatawag na “ministerial” (ang “code of ethics”
ng mga ministro). Ang “ministerial” ay itinuro ni Kapatid na Felix Y. Manalo
mula pa noong una (noon pang 1915 nang itatag niya ang unang paaralang
ministerial), na itinaguyod na lubos ni Kapatid na EraƱo G. Manalo, at patuloy
na itinataguyod ng kasalukuyang namamahala sa Iglesia, ni Kapatid na Eduardo V.
Manalo.
Bakit ko binanggit ito? Sapagkat ang “pangyayari” na dahil
dito’y hinuhusgahan ninyo ang Ka Eduardo ay hindi naman usapin lamang ng
magkakapatid sa laman, hindi lamang usapin ng magkakapatid sa pananampalataya,
kundi usaping “ministerial” sapagkat ang kaniyang “mga kapatid” ay kapuwa mga
ministro rin ng Ebanghelyo. Samakatuwid, dapat na unawain at tanawin natin ang
mga pangyayari sa “mga magkakapatid” sa pananaw ng mga ministro, na bigyan din
natin ng pagsasaalang-alang ang “ministerial.” Sa ikauunawa ninyong lubos na
mga nagbabasa ng sulat na ito sa sinasabi ko, pansinin muna ninyo ang
sumusunod:
“May isang Tagapangasiwa ng Distrito na sa isang lokal na
kaniyang pinangangasiwaan ay naroon ang kaniyang mga kamag-anak. Ang kaniyang
dalawang kapatid ay kapuwa kabilang sa mga pamunuan sa kanilang lokal (mga
pangulong diakuno), subalit hindi dumadalo ng mga pulong at hindi na tumutupad
sa pagsamba. Sa ilang panahon ng pagkausap sa kanila ng mga kapuwa pamunuan at
ng distinado ay hindi pa rin sila tumutupad. Dahil dito ay iniulat na sila ng
distinado at ng pamunuan ng lokal sa Tagapangasiwa ng Distrito (na kanila pa
namang kapatid sa laman). Dalawang bagay ang maaaring mangyari dito:
(1) Sasabihin ng Tagapangasiwa na ‘huwag ninyong disiplinahin
o ibaba sa tungkulin ang dalawang ito, kundi hayaan na lang ninyo sila sa gusto
nilang gawin.’ Kung magkagayon ay matutuwa at hindi sasama ang loob sa
Tagapangasiwa ng kaniyang mga kamag-anak, subalit ang totoo ay hindi ito
makatarungan, hindi ito makatuwiran. Maaaring sabihin pa ng iba na “Dahil sa
mga kapaid niya sila sa laman ay hindi na didisiplinahin at ibaba sa tungkulin?
Kung iba iyan ay tiyak na mababa sila sa tungkulin dahil sa kapabayaan.”
(2) Sasabihin ng Tagapangasiwa na “Disiplinahin ninyo ang
mga iyan. Kahit mga kapatid ko sila ay dapat na ipataw natin sa kanila ang
isinasaad ng tuntunin.” Kaya, malamang na sasama ang loob ng kaniyang mga
kapatid at mga kamag-anak, subalit sa pananaw ng mga kapatid (at maging ng
Panginoong Diyos) ay natuwid at makatarungan ang Tagapangasiwang ito, na
pantay-pantay ang kaniyang pagpapatupad ng disiplina at tuntunin.”
Ibinaba sa tungkulin ng Tagaangasiwa ng Distrito ang dalawa
niyang kapatid. Lumipas ang ilang panahon na hindi lumalapit ang dalawa niyang
kapatid at hidi nagbabalik sa karapatan. Ayaw pa nga nilang magsalaysay para sa
pagbabalik. Kaya lumapit sa Tagapangasiwa ang kaniyang ina upang hilingin na
mabalik ang kaniyang mga kapatid sa karapatan kahit hindi sila lumalapit at
nagbabalik. Dalawang bagay din ang maaaring mangyari dito:
(1) Pagbibigyan niya ang kaniyang ina na ibabaik sa
karapatan ang kaniyang dalawang kapatid kahit na dumaan sa tamang proseso ng
pagbabalik o hindi na isasaalang-alang ang tuntunin. Kung magkagayon ay
matutuwa ang kaniyang ina at mga kamag-anak.
(2) Hindi niya pagbibigayn ang kaniyang ina na
ipinaliliwanag na kailangang dumaan sa tamang proseso o masunod ang tuntunin.
Kung magkagayon ay magdaramdam ang kaniyang ina, lalong magagalit ang kaniyang
mga kamag-anak dahil sarili na niyang ina ay hindi niya pinagbigyan. Subalit sa
mata ng Diyos ay ito ang narapat at tamang pamamahala sa kaniyang bayan.
Lumipas ang panahon, subalit ayaw pa ring magbalik ng
kaniyang mga kapatid o hindi pa rin lumalapit. Nag-utos siya sa mga kasamahan
niyang ministro na payuhan ang kaniyang mga kapatid na magbalik, subalit sa
halip na magbalik ay umalis ang kaniyang mga kapatid at hindi nagpapakita. Kaya
nagtangka muli ang kaniyang ina na siya ay kausapin. Subalit, alam ng
Tagapangasiwa na hindi niya mapagbibigyan ang kaniyang ina, kaya muli lang niya
itong makikitang magdaramdam. Bilang anak ay masakit sa kaniya na makita ang
ina na lumuluha at nagdaramdam, subalit ano ang kaniyang magagawa sapagkat
kailangan niyang tuparin ang kalooban ng Diyos. Dahil masakit sa kaniya na
makitang nagdaramdam ang kaniyang ina, kaya mula noon ay iniwasan niya ito, at
hinintay na lamang niya ang kaniyang mga kapatid na magbalik sa karapatan.
Gumagawa naman siya ng paraan upang sila’y mahikayat na magbalik.
Ang tanong: Ang pag-iwas bang ito ng Tagapangasiwa sa
kaniyang ina ay tamang husgahan siya na hindi niya mahal at iginagalang ang
kaniyang ina? Ang Tagapangasiwa ba ang may “diperensiya” kaya hindi nababalik
ang kaniyang mga kapatid kaya patuloy na nagdaramdam ang kaniyang ina? Siya ba
ang dapat na sisihin? Sa isang may matinong kaisipan ay alam niyang tama at
matuwid lamang ang ginagawa ng Tagapangasiwang ito.
Balikan natin ngayon ang “minamasama” ninyo sa Namamahala sa
Iglesia. Hindi ba’t ikaw na rin ang may sabi na: “Kung nagtataka kayo kung
bakit hindi na natin nakikitang nangangasiwa ng Pagsamba sina Ka Marc at Ka
Angel, ito po ay dahil sa sila ay tumigil na sa pagdalo sa klase ng mga
Ministro at Manggagawa dahil sa pagkatapos ng maraming taon ay hindi na nila
masikmura ang ginagawang panggigipit at paglapastangan sa kanila ng mga
Tagapangasiwa at ng mga Ministro na nasa Sanggunian. Ito ay nagingusapin sa
hanay ng mga Ministro at Manggagawa dahil sa maramingkumalat na balita na wala
na daw karapatan sina Ka Marc at Ka Angel.”
Dito ako nagtataka sa iyo G. Antonio Ebanghelista. Ang sabi
mo ay “ministro” ka subalit hindi mo alam ang tuntunin sa mga ministro at
manggagawa? Kung ikaw nga ay isang “ministro,” maliit na bagay ba sa isang
ministro ang hindi dumalo sa klase at hindi mangasiwa ng pgsamba? Lumalabas na
hindi mo alam ang “ministerial”! Kung maliit na bagay lamang ang hindi pagdalo
sa klase at ang hindi pangangasiwa ng pagsamba, bakit may mga ministro na
ibinubuwis ang kanilang buhay para lamang sa pangangasiwa ng pagsamba? Saksi
ang lahat ng mga ministro at manggagawa, ang isa sa pinakamalaking kasalanan na
magagawa ng isang ministro ay ang pabayaan ang pangangasiwa ng pagsamba!
Kung sa isang pamunuan diakuno, mang-aawit at iba pang
maytungkulin, kapag hindi sila tumututupad sa mahabang panahon ay hindi ba’t
tiyak na sila’y didisiplinahin?
Lumalabas na baliktad ang inyong kaisipan! Minasama ninyo
ang “pagdisiplina” ni Ka Eduardo sa kaniyang mga kapatid sa laman, samantalang
hindi ba’t isa ngang kahanga-hanga at nagpapakita ng kagitingan ang ginawa niya
na ipinataw niya ang disiplina at tuntunin sa kanila bagamat sila’y kaniyang mga
kapatid sa laman?
Alin ba para sa inyo ang “masama” – ang huwag disiplinahin
dahil sa kapatid mo sa laman, o ang disiplinahin mo kahit pa kapatid mo sa
laman?
Kaya nga lalong humanga kay Kapatid na Eduardo V. Manalo ang
lahat ng mga ministro at mga kapatid sa Iglesia nang malaman nila ang
kagitingang ito na kaniyang ginawa, na ipinataw niya ang disiplina at tuntunin
kahit pa sa kaniyang mga kapatid sa laman. Ang may baliktad lang na kaisipan
ang “mamasamain” ito sa halip na hangaan.
Tinatanong ninyo kung bakit hindi nakikipagkomunikasyon
ngayon si Ka Eduardo sa kaniyang ina? UNA, mali na sabihin na “limang taon” na
niyang hindi kinakausap ang kaniyang ina (noong unang anibesaryo ng pagpanaw ni
Ka Erdy ay nakita pang magkasama sila; at noong Pamamahayag noon sa Grandstand
nang 2012 ay naroon si Ka Angel na katunayan na “maganda” pa noon ang kanilang
samahan, kaya nagsimula lang talaga ang pagputol ng kanilang komunikasyon noong
nagkaroon ng “suliranin sa magkakapatid na binabanggit sa unahan, humigit-kumulang
ay noong 2013 lamang). IKALAWA, maling-mali rin na dahil dito ay pinaparatangan
ninyo si Ka Eduardo na lumalabag sa kautusan ng Diyos.
Dahil sa pagputol ng kanilang komunikasyon ay pinaparatangan
ninyo si Ka Eduardo na nilabag ang kaustusan ng Diyos na ang inyong sinasabing
utos ay ang “igalang at ibigin ang ama’t ina.” Ito ang isa pang ipinagtataka ko
sa iyo G. Antonio Ebanghelista. Inaangkin mo na ikaw ay ministro, subalit hindi
mo alam ang “ministerial”? Ito ang “ministerial” na itinataguyod mula pa kay Ka
Felix, kay Ka Erdy at hanggang ngayon: “Ang ministro ay sa Diyos na at hindi na
sa kaniyang pamilya, sa kaniyang mga magulang, o sa kaninuman.”At kitang-kita
rin ang kawalan mo ng kaalaman sa tuntunin ukol sa pagbabalik ng isang ministro
sa karapatan!
Ang sabi mo ay ministro ka subalit hindi mo alam na ang
isang mnistrong nagbabalik sa tungkulin ay dapat na gumawa ng sulat sa
Pamamahala na nangangakong hindi na niya uulitin ang nagawa niyang pagkakamali
o kapabayaan. Gaya nga nang naipakita na natin sa unahan, isang malaking
kasalanan sa isang ministro ang pagpapabaya tulad ng hindi pagdalo sa klase at
hindi pangangasiwa ng pagsamba.
Mula pa sa panahon ni Ka Felix at Ka Erdy, hindi kailanman
nangyari na ang wala sa karapatan at hindi naman nagbabalik, subalit ang
Pamamahala pa ang nagpatawag at pagkatapos ay ibabalik ng gayon na lamang! Ang
sabi mo G. Antonio ay ministro ka, subalit bakit hindi mo alam na ang
nagbabalik na ministro at manggagawa ay kailangang magseminar ng isang buwan
bago siya ibalik? Nais lamang ng Pamamahala na maging pantay sa pagpapatupad ng
tuntunin.
Kahit kaw ay alam mo na hndi sila “nagbabalik” kaya nga
binanggit mo sa sulat mo na “Naghihintay lang naman daw ang Ka Eduardo na
lumapit sa kaniya ang kaniyang mga kapatid upang magkaayos sila subalit hindi
naman daw lumalapit sa kaniyan.”
Ngayon, sa palagay ba ninyo na mga nagpaparatang laban sa
Pamamahala na si Ka Felix at si Ka Erdy ay ibabalik nila ang isang ministro sa
karapatan nang hindi naman nagbabalik, hindi naman lumalapit, kundi dahil
lamang sa pakiusap ng ina o kamag-anak?
May pangyayari sa panahon ni Ka Erdy na may lumapit sa
kaniya sa Baik-Bayan Day na isang ina na humihiling na ang anak niya ay ibalik
sa karapatan. Ang sagot ng Ka Erdy ay “Papaano ko siya ibabalik kung hindi
naman kasi siya nagbabalik?” Huwag ninyong sabihin na hindi iniiwasan ni Ka
Erdy ang mga kamag-anak ng mga nagbabalik? Ang kaibahan lang ng kaso nina Ka
Mark at Ka Angel ay sila’y kapatid sa laman ni Ka Eduardo, at ang kanilang ina
ay nanay din ng Tagapamahalang Pangkalahatan.
Dito ay nahayag na naman ang kabaligtaran ng inyong
kaisipan! Para sa inyo ay hindi nagmamahal o gumagalang sa kaniyang ina si Ka
Eduardo dahil sa “pag-iwas” sa kaniya. Subalit dito ay dalawang bagay ang
nahayag: (1) patuloy na magiting siya na nais niyang matupad ang tuntunin sa
kaniyang mga kapatid sa laman kung papaanong ipinatutupad ito sa iba; at (2)
mahal na mahal niya at iginagalang niya ang kaniyang ina, kaya iniiwasan na
lamang niya, sapagkat alam niyang lalo itong magdaramdam kung muli’t muli ay
bibiguin niya ang kaniyang hiling sapagkat hindi naman “lumalapit” ang kaniyang
mga kapatid. Kaya, maliwanag na hindi ang Ka Eduardo ang may “diperensiya.” Di
ba?
Sa palagay ba ninyo kung lalapit at magbabalik ang kaniyang
mga kapatid ay hindi niya tatanggapin? Ito nga lang talaga ang kaniyang
hinihintay. Gustong-gustong niyang ibalik ang kaniyang mga kapatid, pero ano
ang magagawa niya, kailangan din naman na matupad ang tamang proseso ukol dito,
kailangang matupad ang tuntunin, ang ministerial, sapagkat hindi lang siya
isang kapatid, hindi lang siya isang anak, isa rin siyang ministro na
nagpapatupad ng tuntunin at kalooban ng Diyos!
Papaano ang utos na “ibigin mo ang iyong ama’t ina”? Hindi
ito kailanman nilabag ni Ka Eduardo. Subalit, ang sabi ni G. Antonio ay
ministro siya ngunit hindi niya alam o sinaalang-alang na may nakahihigit na
utos dito? Ganito ang pahayag ng Panginoong Jesus sa Mateo 10:35-37:
“Sapagka't ako'y naparito upang papagalitin ang lalake laban
sa kaniyang ama, at ang anak na babae laban sa kaniyang ina, at ang manugang na
babae laban sa kaniyang biyanang babae: At ang magiging kaaway ng tao ay ang
kaniya ring sariling kasangbahay. Ang umiibig sa ama o sa ina ng higit kay sa
akin ay hindi karapatdapat sa akin; at ang umiibig sa anak na lalake o anak na babae
ng higit kay sa akin ay hindi karapatdapat sa akin.”
Dahil dito, lalo lamang naming minahal at inunawa si Kapatid
na Eduardo V. Manalo. Sinong anak ang nais niyang mawalay sa kaniyang ina? Sino
ang may nais na maging kaaway ang kaniyang mga kamag-anak? Subalit, ito ngayon
ang tiniis ng Ka Eduardo, sapagkat kailangan niyang panindiganan ang tuntunin
at ministerial, kailangan niyang panindiganan ang kalooban ng Diyos. Napakarami
na niyang gampanin at napakabigat ng pananagutang nakapataw sa kaniya, ngayon
ay dagdag pa ang pagkalayo sa kaniya ng mga mahal sa buhay dahil kailangan
niyang panindiganan ang pantay-pantay na pagpapatupad ng tuntunin kahit pa sa
mga kapatid niya sa laman.
Inaangkin nila G. Antonio Ebanghelista at ng kaniyang mga
kasama na nagkaroon daw ng pagbabago sa aral na itinuro ng Sugo sa panahon ni
Ka Eduatrdo na anupa’t “humiwalay daw si Ka Eduardo sa espiritu ng Sugo.”
Ngunit pansinin ninyo ang pahayag na ito ni Kapatid na Felix Y. Manalo at
dito’y makikita ninyo na ganitong-ganito rin ang “espiritu” na nakay Ka
Eduardo:
“Inisip-isip ko sa aking sarili. Papaano kaya? Ito’y mga
magulang ko. Ito ang nagpalaki sa akin. Naging kaangkapan ito sa pagbuhay sa
akin. Pero, alin ang isasa-alang-alang ko? Ang pag-ibig sa aking mga
kamag-anakang ito o ang pag-ibig sa Diyos?
“Ang wika ng ating Panginoong Jesucristo, ‘Ang umiibig sa
ama, sa ina ng higit sa Akin, sa kaniyang asawa, sa kaniyang anak, nang higit
sa akin, hindi karapatdapat sa akin.’
“Sinabi ko, Diyos ko, gusto kong maging karapatdapat sa iyo.
At kung ganyan, ipinasiya kong ako’y humiwalay. Iyon ay laban sa loob ko pero
hindi iyon ang ‘convicion’ ko. Ang ‘convicion’ ko (ay) humiwalay sapagkat iyan
ang sabi (ng Diyos).” (Manalo, Felix Y., “Ang Ikakikilala sa Magsasagawa ng
Pagtalikod sa mga Aral na itinuro ng Panginoong Jesucristo at ng mga Apostol,”
Recorded Sermon.)
Hindi pala ang Ka Eduardo ang humiwalay sa aral ng Sugo,
bagkus ay patuloy na ka-isang espiritu ng Sugo ang kasalukuyang namamahala sa
Iglesia. Tupad na tupad ang sinasabi ng Banal Na Kasulatan:
“As for me, this is my covenant with them, saith the LORD;
My spirit that is upon thee, and my words which I have put in thy mouth, shall
not depart out of thy mouth, nor out of the mouth of thy seed, nor out of the
mouth of thy seed's seed, saith the LORD, from henceforth and for ever.”
(Isaias 59:21 KJV)
Sa Pilipino:
“Para sa akin, ito ang aking tipan sa kanila, sabi ng
PANGINOON: ang aking Espiritu na nasa iyo, at ang aking mga salita na inilagay
ko sa iyong bibig, hindi hihiwalay sa iyong bibig, o sa bibig man ng iyong
binhi, o sa bibig man ng binhi ng iyong binhi, sabi ng Panginoon, mula ngayon
at magpakailan pa man.”
Sino kung gayon ang tunay na humiwalay sa espiritu ng Sugo
at ng Pamamahala na mula sa Diyos? Pansinin ninyong mabuti ang mga pahayag na
ito ni Kapatid na Felix Y. Manalo:
“…Kung hahalungkatin ninyo – Hindi ugali sa akin na ang mali
ng isang tao ay ibunyag ko. Iyan ang ayaw ko. Bakit? Magkakasala ako noon.
Hindi ko ugali iyan. Ibinubunyag ko ito (ang maling aral o itiinuro) sa
kapakanan ng kaluluwa ng lahat ng tao, sa pagsunod sa Diyos – ipangaral mo ang
Ebanghelyo…Ito ang aking ginagawa. PERO HALUKAYIN KO PA ANG ISANG TAONG
NAGKAMALI AT SIYANG AKING IPANGARAL…IYAN AY HINDI GAWA NG ISANG MABUTING
MINISTRO, NANG ISANG MABUTING TAO.” (Manalo, Felix Y., “Kung Nasaan Ngayon ang
mga Patay,” Recorded Sermon, Amin ang pagbibigay-diin)
Dito ko tatapusin ang aking unang sulat, subalit asahan
ninyo na dito ko rin sisimulan ang susunod kong sulat. Sa mga susunod ay
ibubunyag ko ang mga patuloy na nagpapatunay na hindi isang ministro si G.
Antonio Ebanghelista kundi nagpapanggap lamang upang manggulo. Sa mga susunod
pa ay patuloy ko ring ibubunyag ang kanilang mga kamalian at kasinungalingan
UPANG HUWAG MAKAPANDAYA.
PAUNAWA
Ang mga “Kumakalaban sa Pamamahala” ay naglathala sa Social
Media ng mga malisyoso at mga sensitibong isyu na hindi maikakaila na
nakagagambala sa maraming kapatid (at maging sa hindi kapatid) na nakababasa.
Kung hindi tayo maglalathala ng SAGOT dito rin sa Social Media, ang mangyayari
ay ang “laban” lang ang mababasa ng mga tao (kapatid at hindi kapatid), subalit
walang mababasang “sagot” sa mga paninirang ito. Kung magkagayon ay ano sa
palagay ninyo ang mangyayari?
KAYA DAPAT LANG NA ILANTAD ANG MGA KAMALIAN AT
KASINUNGALINGAN NG KANILANG SINASABI LABAN SA PAMMAHALA NG IGLESIA
No comments:
Post a Comment