TUNAY NA LINGKOD

Wednesday, April 29, 2015

Ang Pinag uukulan ng handog sa Iglesia ni Cristo



Ang isa sa mga tungkulin ng isang kaanib ng Iglesia ni Cristo ay ang pag-aabuloy at paghahandog. Ito ay isinasagawa sa mga pagsambang pagtitipon ng Iglesia ni Cristo. Sa pagsamba ng Iglesia ni Cristo ay may isinasagawang pag-aabuloy ang mga kapatid, tangi sa awit, aral, at panalangin. Naiibigan ng lahat halos ang awit, aral, at panalangin sa pagsamba ng Iglesia ni Cristo.  Nguni’t alin ang hindi naiibigan ng marami, na kadalasan ay pinipintasan at inuusig ng iba?  Ito ang tungkol sa pag-aabuloy na isinasagawa sa pagsamba ng Iglesia ni Cristo. Dapat na maunawaan na ang pag-aabuloy na tinutupad sa Iglesia ay hindi marapat itulad sa pagbibigay ng limos. Kung mayroon mang naririnig sa ginagawang pag-aabuloy ng Iglesia ni Cristo, aalalahinin nat ito ay paninira lamang dahil ang pag-aabuloy na tinutupad ng mga kaanib ng Iglesia ni Cristo ay hindi kagustuhan lamang ng mga ministro sa Iglesia kundi nakasalig ito sa mga katotohanang nakasulat sa Biblia.
Bakit marami ang umaayaw at natitisod sa pag-aabuloy na isinasagawa sa pagsamba ng Iglesia ni Cristo?  Ipinalalagay nila na ito’y hindi utos ng Diyos, kundi utos lamang ng mga ministro sa Iglesia ni Cristo.  Mayroon ding nag-aakala na ang sinasabing pag-aabuloy ay sapilitan lamang at isang paraan ng panlilinlang.  Ang iba’t-ibang iglesia ay may mga abuluyang ginagawa, subalit ang pag-aabuloy na ginaganap sa pagsamba ng Iglesia ni Cristo ang higit sa lahat ay kinukutya at inuusig ng marami.  Dahil dito, kailangang maunawaan ng lahat ang katotohanan at kahalagahan ng ginagawang pag-aabuloy sa pagsamba ng Iglesia ni Cristo, ayon sa pagpapakilala ng Banal na Kasulatan.

UTOS BA NG DIYOS ANG ISINASAGAWANG PAG-AABULOY SA MGA PAGSAMBA SA IGLESIA NI CRISTO?

Ang pag-aabuloy ay hindi aral o turo lamang ng mga ministro ng Iglesia ni Cristo, ito ay utos ng Diyos sa kaniyang mga lingkod:
Hebreo 13:15-16 "Sa pamamagitan nga niya ay maghandog tayong palagi ng hain ng pagpupuri sa Dios, sa makatuwid baga, ay ng bunga ng mga labi na nagpapahayag ng kaniyang pangalan. Datapuwa't ang paggawa ng mabuti at ang pagabuloy ay huwag ninyong kalimutan: sapagka't sa mga gayong hain ang Dios ay totoong nalulugod."
Ang gawang pag-aabuloy ay hindi utos lamang ng mga ministro sa Iglesia kundi ito ay utos ng Diyos na nakasulat sa Biblia. Ito'y hindi dapat na kalimutan sapagkat isa ito sa mga haing kalugudlugod sa Kaniya. Kung paanong iniutos na handugan natin ang Diyos ng mga hain ng pagpupuri na bunga ng ating mga labi katulad ng pag-awit at pananalangin, iniutos din na huwag kalimutan ang pag-aabuloy. 

MAY ITINAKDA BANG HALAGA AT SAPILITAN BA ANG PAGBIBIGAY NG ABULOY

Gaano ang halagang dapat ipagkaloob sa pag-aabuloy na isinasagawa sa pagsamba ng Iglesia ni Cristo?  Ang mga ministro ba ng Iglesia ni Cristo ang nagtatakda ng halagang dapat ipagkaloob ng mga kapatid?  HINDI.  Sino ang dapat magtakda ng halagang kanilang ipagkakaloob at gaano ang kanilang dapat itakda?  Sa 2 Corinto 9:7, ay itinuturo ang ganito:

2 Corinto 9:7 "Magbigay ang bawa't isa ayon sa ipinasiya ng kaniyang puso: huwag mabigat sa loob, o dahil sa kailangan: sapagka't iniibig ng Dios ang nagbibigay na masaya."

Ang nagtakda ng dapat na iabuloy ay ang mismong magbibigay ng abuloy, hindi ang mga ministro at ang tagapamahala ng Iglesia ni Cristo. At ang pagtatakda at pagbibigay ay ayon sa kaniyang puso at hindi mabigat sa loob at nakatutugon naman sa pag-uukulan na kailangan ng Iglesia. Ang nag-aabuloy ang dapat magpasiya mula sa kaniyang puso ng abuloy na kaniyang ipagkakaloob sapagkat iniibig ng Diyos ang nagbibigay na masaya. Samakatuwid, ang pa-aabuloy na isinasagawa sa pagsamba ng Iglesia ni Cristo ay hindi sapilitan.  Ito’y hindi sapilitan kundi ito'y kusang-loob ng mga sumasampalataya at ganap na nakakakilala ng kahalagahan ng pag-aabuloy sa Iglesia ni Cristo.

2 Corinto 9:5 "Iniisip ko ngang kailangang ipamanhik sa mga kapatid, na mangaunang pumariyan sa inyo, at ihanda agad ang inyong abuloy na ipinangako nang una, upang ito'y maihanda na gaya ng abuloy, at hindi gaya ng sapilitan."
Gaya ng ipinamamanhik ni Apostol Pablo ay inihahanda ng mga kapatid ang kanilang abuloy.
Paano nila inihahanda?

1 Corinto 16:2 "Tuwing unang araw ng sanglinggo ang bawa't isa sa inyo ay magbukod na magsimpan, ayon sa kaniyang iginiginhawa, upang huwag nang gumawa ng mga ambagan sa pagpariyan ko."

Ibinubukod na isinisimpan ng mga kapatid ang kanilang abuloy na itinakda nila na pasiya ng kanilang puso ayon sa kanilang iginiginhawa tuwing unang araw ng sanlinggo.  Kaya hindi sapilitan ang kanilang pag-aabuloy.  Hindi sila pinipilit ni napipilitang mag-abuloy, kundi kusang-loob na ginagawa nila ang pag-aabuloy na kinikilalang kanilang tungkulin at pananagutan sa Diyos. Talagang pinaghahandaan ng mga sumasampalataya ang pag-aabuloy ng Iglesia ni Cristo. Hindi maghihirap ang nagkakaloob ng saganang abuloy, Sapagka’t may pangakong biyaya ang Diyos na matatamo ng mga tumatalaga at hindi nagpapabaya sa pag-aabuloy sa pagsamba ng Iglesia ni Cristo.

Ano ang Biyayang Matatamo na Ipinangangako ng Diyos sa mga Tumatalaga sa Pag-aabuloy na isinasagawa sa Pagsamba ng Iglesia ni Cristo? Sa 2 Corinto 9:8-10, ay ganito ang sinasabi:

2 Corinto 9:8-10 "At maaaring gawin ng Dios na ang lahat ng biyaya ay magsisagana sa inyo; upang kayo, na mayroong laging buong kaya sa lahat ay magsipanagana sa bawa't mabuting gawa:
Gaya ng nasusulat, Siyang nagsabog, siyang nagbigay sa mga dukha; Ang kaniyang katuwiran ay nananatili magpakailan man.
At ang nagbibigay ng binhi sa naghahasik at ng tinapay na pinakapagkain, ay magbibigay at magpaparami ng inyong binhi upang ihasik, at magdaragdag ng mga bunga ng inyong katuwiran:"


Ang biyayang matatamo na ipinangangako ng Diyos sa mga tumatalaga sa pag-aabuloy sa pagsamba ng Iglesia ni Cristo ay maaaring gawin ng Diyos sa kanila na sila’y pasaganain sa lahat ng mga biyaya.  Maaaring pagpalain ng Diyos ang kanilang kabuhayan at hanapbuhay.  Sila’y sasagana rin sa lahat ng gawang mabuti.  Ang mga nagsasabog ng aral o ang mga nangangaral ng mga salita ng Diyos at ang mga nagbibigay o tumutustos sa gawain sa pamamagitan ng pag-aabuloy ay mananatili ang kanilang kabanalan magpakailanman.  Hindi lamang mananatili ang kanilang kabanalan, kundi magdaragdag ito ng bunga ng kanilang kabanalan sa kanilang paglilingkod sa Diyos.

Natutupad ang pangakong ito ng Diyos sa mga kapatid na sadyang tumatalaga sa pagbubukod at pagsisimpan ng kanilang abuloy sa pagsamba ng Iglesia ni Cristo.  Pinupuspos sila ng biyaya ng Diyos sa kanilang pamumuhay at paghahanapbuhay.  Ang kanilang masiglang paglilingkod ay sumasagana sa mga bunga ng kabanalan.  Hindi sila nanghihina sa kanilang pananampalataya.  Hindi sila natitisod, kundi namamalagi sa pagtupad ng mga salita ng Diyos at pagtatapat sa kanilang tungkulin sa Iglesia.
Sino naman ang kusang pinagkakaitan ng mga biyaya at pagpapala ng Diyos?  Sino ang mga matitisurin, mga di kakitaan ng bunga ng kabanalan at mga gawang mabuti, mga nanlulupaypay sa paglilingkod, hindi makapanatili sa pagtupad ng kanilang tungkulin at kadalasan ay mga nahihiwalay sa pananampalataya?  Ang mga kapatid na ayaw magtalaga sa pag-aabuloy.  Ang mga natitisod at hindi sumasampalataya sa kahalagahan ng pag-aabuloy na utos ng Diyos sa pagsamba ng Iglesia ni Cristo.

Bakit binibiyaya at pinagpapala ang mga tumatalagang lubos sa pag-aabuloy sa pagsamba ng Iglesia ni Cristo?  Ito ba ang sukatan ng Diyos sa pagkakaloob Niya ng Kanyang mga biyaya? Sa 2 Corinto 9:6, ay tinitiyak ang ganito:

2 Corinto 9:6 "Datapuwa't sinasabi ko, Ang naghahasik ng bahagya na ay magaani namang bahagya na; at ang naghahasik na sagana ay magaani namang sagana."

Ano ang sukatan ng Diyos sa pagkakaloob Niya ng Kanyang mga biyaya?  Ang naghahasik ng bahagya na ay mag-aani namang bahagya na at ang naghahasik na sagana ay mag-aani namang sagana.  Datapuwa’t masama ba naman na mag-abuloy ng malaki sa layong tumanggap naman ng malaking biyaya sa Diyos?  Hindi masama ang mag-abuloy ng malaki, kundi ang masama’y ang masakim na layunin na kaya lamang magkakaloob ng sagana ay sa hangad na biyayain naman ng sagana.  Ano ang tawag sa ganitong uring paghahasik o pagkakaloob ng abuloy?  Sa Galacia 6:7-8, ay ganito ang sinasabi:

Galacia 6:7-8 "Huwag kayong padaya; ang Dios ay hindi napabibiro:sapagka't ang lahat na ihasik ng tao, ay siya namang aanihin niya.
Sapagka't ang naghahasik ng sa kaniyang sariling laman ay sa laman magaani ng kasiraan; datapuwa't ang naghahasik ng sa Espiritu ay sa Espiritu magaani ng buhay na walang hanggan."

Ang pagkakaloob ng saganang abuloy sa layuning tumanggap naman ng masaganang biyaya ay hindi pag-abuloy na ayon sa Espiritu o ayon sa kalooban ng Diyos.  Ang ganitong uri ng pag-aabuloy ay tinatawag na pag-aabuloy na ayon sa laman.  Anu-ano pa ang pag-aabuloy na ayon sa laman?  Ang pag-aabuloy ng malaki upang mapuri ng iba, ang nag-aabuloy dahil sa nahihiya kung hindi siya magkaloob, ang nagbibigay naman alang-alang sa pagbibigay lamang sa kaninuman, at iba’t iba pang katulad nito, ay mga pag-aabuloy na ayon sa laman.  Ang ganitong uri ng pag-aabuloy ay hindi magtatamo ng buhay na walang hanggan, kundi mag-aani ng kasiraan sa laman.  Sino ang naghandog ng abuloy na hindi ayon sa kalooban ng Diyos at nag-ani ng kasiraan sa laman o nangapahamak? Ang mag-asawang Ananias at Safira.  Nang panahon ng mga Apostol na maliit pa ang Iglesia ni Cristo, nagkaisang puso ang mga sumasampalataya na ipagbili ang lahat ng kanilang mga tinatangkilik na pag-aari, maging lupa o bahay man, upang tustusan ang pangangailangan ng Iglesia sa gawaing pagpapalaganap nito sa madaling panahon.  Ang lahat ng halagang kanilang napagbilhan ay dapat ibigay na lahat sa mga Apostol upang pangasiwaan.  Ano ang ginawa ng mag-asawang Anaias at Safira?  Nagbili sila ng kanilang tinatangkilik, subalit isang bahagi lamang ang kanilang ibinigay sa mga Apostol at kinuha nila ang isang bahagi para sa kanilang sarili.  Nag-abuloy sila ng ayon sa laman, sapagka’t sila’y hindi lubos na nakipagkaisa at pinag-alinlanganan ang katapatan ng mga Apostol.  Ano ang nangyari sa kanila?  Sila’y napahamak at nangamatay noon din (Gawa 4:32-37 at Gawa 5:1-10).  Dahil dito, dapat isagawa ang pag-aabuloy ayon sa kalooban ng Diyos.  Bakit pananagutang hindi maiiwasan ng mga kapatid sa Iglesia ni Cristo ang pag-aabuloy?    Sa Galacia 6:6, ay sinasabi ang ganito:

Galacia 6:6 "Datapuwa't ang tinuturuan sa aral ng Dios ay makidamay doon sa nagtuturo sa lahat ng mga bagay na mabuti."

Bakit pananagutang hindi maiiwasan ng mga kapatid sa Iglesia ni Cristo ang pag-aabuloy?  Sapagka’t ang mga tinuruan sa mga aral ng Diyos ay makiramay doon sa nagtuturo sa kanila ng lahat ng mga bagay na mabuti.  Paano nila daramayan?  Sa pamamagitan ng kanilang isinasagawang pag-aabuloy sa pagsamba.  Bakit ang pagdamay sa nagtuturo ng aral ng Diyos ay sa pamamagitan ng pag-aabuloy sa pagsamba?  Sapagka’t iyon ay hindi pagdamay sa sariling kapakanan ng nagtuturo, kundi sa pagtulong sa kapakanan ng gawain ng Diyos na pinag-uukulan ng abuloy.  Ang Diyos ay totoong nalulugod sa pag-aabuloy, hindi sapagka’t kailangan ng Diyos sa Kanyang sarili ang abuloy.  Hindi nangangailangan ng anumang tulong ang Diyos, sapagka’t mayroon Siya ng lahat ng mga bagay at ang lahat ng mga bagay ay Kanya.  Ngunit bakit ang pag-aabuloy sa pagsamba ng Iglesia ni Cristo ay totoong nakalulugod sa Diyos?  Sapagka’t ito ang ginagamit na kasangkapan upang matustusan ang banal na gawain ng Diyos sa lupa na pinag-uukulan ng abuloy sa Iglesia ni Cristo.

ANG PINAG-UUKULAN NG PAG-AABULOY SA PAGSAMBA NG MGA KAANIB SA IGLESIA NI CRISTO

Anu-ano ba ang mga pinaguukulan ng Iglesia ni Cristo sa mga nalilikom mula sa mga abuloy ng mga kaanib ng Iglesia ni Cristo?

2 Corinto 9:12-13 "Sapagka't ang pangangasiwa sa paglilingkod na ito ay hindi lamang tumatakip sa pangangailangan ng mga banal, kundi naman umaapaw sa pamamagitan ng maraming pagpapasalamat sa Dios;
Palibhasa'y sa pagsubok sa inyo sa pamamagitan ng ministeriong ito ay niluluwalhati nila ang Dios dahil sa pagtalima ng inyong pagkilala sa evangelio ni Cristo, at dahil sa kagandahang-loob ng inyong ambag sa kanila at sa lahat;"

Ang Iglesia ni Cristo ay may pangangasiwa. Pinangangasiwaan ang paglilingkod at tinatakpan ang lahat ng pangangailangan ng mga banal at ng Iglesia sa pamamagitan ng wastong paggamit ng abuloy ng mga kapatid. Ginugugulan ng pangangasiwa ang walang likat na pagpapalaganap ng pangangaral ng Ebanghelyo sa lahat ng dako.  Ano ang nagiging bunga ng walang tigil na pagpapakilala ng Ebanghelyo ni Cristo? Dumarami ang mga taong nakakakilala ng wastong pagsamba at pagpapasalamat sa Diyos.  Kaya sa kasalukuyan, ang Iglesia ni Cristo ay lumalaganap at patuloy sa mabilis na paglago. Ano pa ang mga bagay na pinaguukulan ng Iglesia sa mga nalilikom na kaloob na abuloy ng mga kapatid sa Iglesia?

Hagai 1:8 "Magsiahon kayo sa bundok, at mangagdala ng kahoy, atmangagtayo kayo ng bahay; at aking kalulugdan, at ako'y luluwalhati, sabi ng Panginoon"

Ito ay nagagamit sa pagpapatayo ng mga bahay sambahan o mga gusaling sambahan:

1 Chronica 21:22MB "Sinabi ni David, “Bibilhin ko ang lupang ito para pagtayuan ng dambana ni Yahweh para matigil ang salot na namiminsala sa bayan.”
“Kunin na lang ninyo at huwag na pong bayaran,” tugon ni Ornan. “Kayo na ang bahala kung anong gusto ninyong gawin. Narito na po ang mga torong panghandog. Ang kahoy na panggiik na ito ang gawin ninyong panggatong. Pati ang butil na panghandog ay narito na rin. Lahat pong ito’y sa inyo na."


Ito din ay nagagamit upang ibili ng lupa na pagtatayuan ng mga gusaling sambahan, upang magkaroon ang mga kapatid sa malalayong mga lupain ng malapit na dako ng kanilang pagsasambahan. Tandaan ang pagbibigay ng mga kapatid ng kanilang mga abuloy ay hindi sapilitan, kundi may kagalakan ang kanilang pagbibigay, may kusa mula sa kanilang puso:

1 Chronica 29:9 "Nang magkagayo'y nagalak ang bayan, dahil sa sila'y nangaghandog na kusa, sapagka't sila'y may dalisay na puso na nangaghandog na kusa sa Panginoon: at si David naman na hari ay nagalak ng dakilang pagkagalak"

Saan pa ba ginugugol ng Iglesia ni Cristo ang mga abuloy na nalilikom na ibinibigay ng mga kaanib sa Iglesia?:

2 Chronica 24:12-13MB "Ang natitipon nilang salapi ay ipinagtitiwala naman ng hari at ni Joiada sa namamahala ng pagpapagawa ng bahay ni Yahweh. Kumuha sila ng upahang mga kantero, karpintero at mga panday-bakal at tanso na magkukumpuni ng mga kasiraan doon.Hindi nilubayan ng mga manggagawa ang kanilang gawain, anupat mabilis nilang naisauli sa dati ang bahay ni Yahweh.

Ang mga nalilikom na mga binibigay na abuloy ng mga kaanib ng Iglesia ay ginagamit sa pagsasa-ayos at pagkukumpuni ng bahay ng Diyos o mga gusaling sambahan. Ginagamit din bilang pambayad sa mga inuupahang mga manggagawa na magkukumpuni ng mga sirang bahagi ng gusaling sambahan. Saan naman napupunta ang mga natitirang mga salapi?

1 Chronica 24:14MB "At nang kanilang matapos, kanilang dinala ang labis ng salapi sa harap ng hari at ni Joiada, na siyang mga ipinagpagawa ng mga sisidlan sa bahay ng Panginoon, sa makatuwid baga'y mga sisidlan upang ipangasiwa, at upang ipaghandog ng hain, at mga sandok, at mga sisidlang ginto, at pilak. At sila'y nangaghandog na palagi ng mga handog na susunugin sa bahay ng Panginoon sa lahat ng mga kaarawan ni Joiada."
Ang mga natitira o mga lalabis na mga salapi ay ibinibili ng mga kagamitan para sa gusaling sambahan. Ginugugol ng Iglesia ni Cristo ang mga nalilikom sa pagsasa-ayos ng mga gusaling sambahan mga maintenance at repair, upang magkaroon ng kaayusan at kagandahan ang mga gusaling sambahan. Bakit pa kailangang ayusin pa ang mga gusaling sambahan?:
2 Chronica 7:16,15 "Hinirang ko at itinalaga ang bahay na ito upang mamalagi rito ang aking pangalan. Pangangalagaan ko at pakamamahalin ang pook na ito magpakailanman.Diringgin ko nga ang mga dalanging gagawin dito ngayon at magpakailanman."

Sapagkat sa mga gusaling sambahan namamalagi ang pangalan ng Diyos. Pinangangalagaan Niya ang mga ito, at dito Niya diringgin ang mga dalanging isasagawa sa kaniyang bahay o sa mga gusaling sambahan. Kaya dapat lang na laging mayroong kaayusan at kagandahan ang mga gusaling sambahan. Kung paanong pangangalagaan ng Diyos ang mga gusaling sambahan, dapat din na ating pangalagaan ang kaniyang tahanan. Napakahalaga ng mga nalilikom mula sa abuloy ng mga kaanib na nagagamit sa pagpapalaganap ng mga salita ng Diyos, pagpapatayo at pagsasaayos ng mga gusaling sambahan. Kahit sa kabila ng mga kahirapang nararanasan ng mga kaanib ay patuloy pa rin sila sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin. Bakit ang mga kaanib ng Iglesia ni Cristo ay patuloy na nakakapagtalaga sa kabila ng mga kahirapan?

2 Corinto 8:1-3,5 MB"Ibig kong ibalita sa inyo, mga kapatid, ang nagawa ng pag-ibig ng Diyos sa mga iglesya sa Macedonia.
Dumanas sila ng matinding kahirapan at ito’y isang mahigpit na pagsubok sa kanila. At sa kabila ng kanilang paghihikahos, masayang-masaya pa rin sila at bukas ang palad sa pagbibigay.

Sila’y kusang-loob na nag-abuloy hindi lamang ayon sa kanilang kaya, kundi higit pa. Alam ko ito pagkat
At higit pa sa inaasahan ko; inilaan nila ang kanilang sarili, una sa Panginoon, at pagkatapos, sa amin, ayon sa kalooban ng Diyos."

Ito ang dahilan kung bakit patuloy na nagtatalaga ang mga kaanib sa kanilang pagbibigay sapagkat ang pagkakaloob nila ay inilalaan nila sa Panginoon. Kusang-loob silang nag-aabuloy na masayang-masaya sapagkat kanilang nauunawaan ang utos na ito ng Panginoong Diyos. Ano ba ang nauunawaan ng mga kaanib ng Iglesia ni Cristo tungkol sa pag-aabuloy?

1 Chronica 29:11-12,14,16 MB "Sa iyo ang kadakilaan, ang kapangyarihan, ang karangalan at ang pagtatagumpay pagkat iyo ang lahat ng nasa langit at nasa lupa. Sa iyo ang buong pamamahala at ikaw ang hari ng lahat.
Sa iyo nagmumula ang kayamanan at ang karangalan. Taglay mo ang kapangyarihan at kadakilaan, at ikaw ang nagbibigay ng lakas at kapangyarihan sa lahat.
“Ngunit sino ako at ang bayang ito? Buong puso kaming nagkakaloob pagkat ang lahat ng ito ay galing sa iyo at ibinabalik lamang namin.
O Yahweh na aming Diyos, ang lahat ng kayamanang ito na natipon namin para ipagpagawa ng iyong tahanan ay sa iyo nga nagbuhat."

Ang mga salapi at mga biyayang natatanggap ng mga kaanib ay ibinabalik lamang nila sa Diyos sapagkat nalalaman nila na lahat ng biyayang kanilang natatanggap ay mula sa Diyos. Ano ang lalong dakilang kapalaran na tatamuhin ng mga nagtatalaga sa pag-aabuloy at paghahandog?

1 Timoteo 6:18-19 "Na sila'y magsigawa ng mabuti, na sila'y magsiyaman sa mabuting gawa, na sila'y maging handa sa pamimigay, maibigin sa pamamahagi; Na mangagtipon sa kanilang sarili ng isang mabuting kinasasaligan para sa panahong darating, upang sila'y makapanangan sa buhay na tunay na buhay."


Kaya sampalatayanan natin na pananagutan nating mga Iglesia ni Cristo ang pagbibigay ng abuloy at handog. Dapat natin itong gawing buong puso, kusang loobm at masaya ang kalooban. Ngunit upang magawa natin ang kusang loob at masaya ang kalooban. Ngunit upang magawa natin ang kusang loob at masayang paghahandog, dapat natin itong ibu- kod at isimpan. Hindi tayo dapat matisod sa pagsasagawa nito dahil ang Diyos ang may utos nito. Bukod dito, ang hala- gang ibinibigay natin ay nanggaling din sa Kaniya. Higit sa lahat, kung nag-aabuloy tayo ay natitipon tayo ng saligan pa- ra sa pagkakamit ng tunay na buhay, na siyang buhay na walang hanggan

Monday, April 27, 2015

ANG PAGKAKAIBA NG NASA LOOB AT NG NASA LABAS NG IGLESIA




PINANINIWALAAN NG MARAMI na ang lahat ng relihiyon ay magkakapareho lamang sa harap ng Diyos. Kaya ang iba ay hindi maselan sa pagpili ng relihiyong inaaaniban. Kung alin ang babagay sa kanilang kursunada at paraan ng pamumuhay ay doon sila umaanib.

Sang-ayon kaya sa pagtuturo ng Biblia ang paniniwalang ang lahat ng relihiyon ay magkakatulad lamang sa harap ng Diyos? Ganito kaya ang itinuro ni Cristo at ng Kaniyang mga apostol? Ayon sa pagtuturo ng Biblia, ganito ang pahayag ni Apostol Pablo:

"Ngayon nga'y wala nang anomang hatol sa mga na kay Cristo Jesus." (Roma 8:1)
Pansinin na hindi sinabi ni Apostol Pablo na ang lahat ng tao o kahit sino na lamang ay wala nang hatol. Ang tinitiyak ng Biblia na wala nang hatol o hindi na parurusahan ay ang mga na kay Cristo.

Mahalaga, kung gayon, na malaman ng tao kung sino ang tinutukoy ni Apostol Pablo na mga na kay Cristo at dito siya dapat mapabilang upang hindi makasama sa mga parurusahan.

ANG MGA WALA NANG HATOL

Sino ang mga taong na kay Cristo at hindi na hahatulan? Ganito ang mababasa sa Biblia:

"Ay gayon din tayo, na marami, ay iisang katawan kay Cristo, at mga sangkap na samasama sa isa't isa." (Roma 12:5)
Ang mga taong kay Cristo ay itinulad sa mga sangkap na sama-sama sa iisang katawan. Ang tinutukoy na katawang kay Cristo ay ang Iglesia Niya:

"At siya ang ulo ng katawan, sa makatuwid baga'y ng iglesia." (Col. 1:18)

Ang Iglesiang ito na katawan ni Cristo ang tinatawag ng Biblia na Iglesia ni Cristo (Roma 16:16). Kaya, nakatitiyak ang mga kaanib sa Iglesia ni Cristo na maliligtas sila sa hatol o parusa.

Batay sa mga katotohanang ito, maituturing kaya na magkapareho lamang o walang pagkakaiba ang kaanib sa tunay na Iglesia at ang hindi kaanib? Hindi rin kaya hahatulan o parurusahan ang nasa labas nito? Ganito ang nakasulat sa Biblia:

"Datapuwa't sa nangasa labas ay Dios ang humahatol. Alisin nga ninyo sa inyo ang masamang tao."  (I Cor. 5:13)
Tinitiyak ng Biblia na ang mga nasa labas ay hahatulan o parurusahan ng Diyos. Kaya isang malaking kamalian ang paniniwalang magkakapareho lamang na sa Diyos ang lahat ng relihiyon at walang pagkakaiba ang kaanib at hindi kaanib sa Iglesia ni Cristo.

ANG MGA TAGAPAGMANA NG PANGAKO

Pinatutunayan ng Biblia na ang mga kay Cristo ang kinikilalang binhi ni Abraham at mga tagapagmana ng pangako ng Diyos:

"At kung kayo'y kay Cristo, kayo nga'y binhi ni Abraham, at mga tagapagmana ayon sa pangako." (Gal. 3:29)
Pansining muli na hindi sinasabi sa Biblia na ang lahat ng tao ay mga tagapagmana ng mga pangako. Sa halip, ang mga kay Cristo ang magmamana ng mga pangako. Ano ang pangako na mamanahin ng mga kay Cristo?

"At ito ang pangakong kaniyang ipinangako sa atin, ang buhay na walang hanggan." (I Juan 2:25)
"Nguni't, ayon sa kaniyang pangako, ay naghihintay tayo ng bagong langit at ng bagong lupa, na tinatahanan ng katuwiran." (II Ped. 3:13)
Pinangakuan ang mga kay Cristo ng buhay na walang hanggan. Ang mga kay Cristo rin ang maninirahan sa bagong langit at bagong lupa na tinatahanan ng katuwiran. Kaya, hindi ang lupang ito na ating kasalukuyang tinatahanan ang inaasahan ng mga kay Cristo. Itinuturing nila na sa lupang ito ay manlalakbay lamang sila (Heb. 11:13) at ang tunay nilang bayan ay nasa langit (Filip. 3:20).

Tunay na mapalad ang mga kay Cristo o ang mga sangkap ng Kaniyang katawan o Iglesia.

Pareho lamang ba ang kapalaran ng kaanib at hindi kaanib sa Iglesia? Ang mga hiwalay kay Cristo o hindi sangkap ng Kaniyang katawan o hindi kaanib sa Iglesia ay magmamana rin kaya ng mga pangako ng Diyos? Ganito ang nakasulat sa Biblia:

"Hiwalay kayo noon kay Cristo at hindi kabilang sa Israel. Wala kayong bahagi sa tipan at pangako ng Dios sa kanila. Wala kayong Dios o pag-asa sa kaligtasan." (Efe 2:12, Salita ng Buhay)
Ang hiwalay kay Cristo ay hindi kabilang sa Israel kung kaya hindi ibinibilang na binhi ni Abraham. Bukod dito, ang hiwalay kay Cristo o wala sa Iglesia ni Cristo ay walang bahagi sa tipan at mga pangako. Wala silang karapatang maglingkod sa Diyos at wala silang pag-asa sa kaligtasan. Kaya hindi totoo na magkapareho lamang at walang pagkakaiba ang kaanib sa Iglesia ni Cristo at ang hindi kaanib. Malaki ang pagkakaiba ng mga taong nasa loob ng Iglesia at ng mga nasa labas.

MAGKAIBA SA PAGKABUHAY NA MULI

Sa muling pagparito ng Panginoong Jesucristo, kapag binuhay nang muli ang mga namatay, pareho lamang ba't walang pagkakaiba ang kaanib at di kaanib ng Iglesia ni Cristo? Ang sabi sa Biblia:

"Sapagka't ang Panginoon din ang bababang mula sa langit, na may isang sigaw, may tinig ng arkanghel, at may pakakak ng Dios: at ang nangamatay kay Cristo ay unang mangabubuhay na maguli; Kung magkagayon, tayong nangabubuhay, na nangatitira, ay aagawing kasama nila sa mga alapaap, upang salubungin ang Panginoon sa hangin: at sa ganito'y sasa Panginoon tayo magpakailan man." (I Tes. 4:16-17)
Ang mga namatay kay Cristo, ayon sa mga apostol, ang unang mabubuhay na muli, at ang mga daratnang buhay ay aagawing kasama nila upang sumalubong sa Panginoon at sila'y sasa Kaniya magpakailan man. Kasama ba sa unang pagkabuhay na mag-uli ng mga patay ang mga hindi kaanib sa Iglesia? Ganito ang nakasulat sa Biblia:

 "Ang mga iba sa mga patay ay hindi nangabuhay hanggang sa naganap ang isang libong taon. Ito ang unang pagkabuhay na maguli."(Apoc. 20:5)

Maging sa pagkabuhay na mag-uli ay malaki ang pagkakaiba ng kaanib sa Iglesia at ng hindi kaanib. Ang mga kay Cristo ang unang mabubuhay na mag-uli samantalang ang hindi kay Cristo ay hindi mangabubuhay hanggang sa maganap ang isang libong taon. Pareho lang kaya na magiging mapalad ang kasama sa unang pagkabuhay na muli at ang bubuhayin makalipas ang isang libong taon? Ganito ang sagot ng Biblia:

"Mapalad at banal ang makalakip sa unang pagkabuhay na maguli: sa mga ito'y walang kapangyarihan ang ikalawang kamatayan; kundi sila'y magiging mga saserdote ng Dios at ni Cristo, at mangaghaharing kasama niya sa loob ng isang libong taon." (Apoc 20:6)
Ang mapalad ay yaong makakalakip sa unang pagkabuhay na mag-uli sapagkat wala nang kapangyarihan sa kanila ang ikalawang kamatayan o ang kaparusan sa dagat-dagatang apoy (Apoc. 20:14). Ito ay kaayon ng pangako ni Cristo sa Kaniyang Iglesia na ang kapangyarihan ng kamatayan ay hindi mananaig dito (Mateo 16:18).

Sa kabilang dako, magiging mapalad din kaya ang mga hindi kaanib sa Iglesia o ang mga bubuhayin makaraan ang isang libong taon? Ganito ang matutunghayan sa Biblia:

"At kung maganap na ang isang libong taon, si Satanas ay kakalagan sa kaniyang bilangguan. At lalabas upang dumaya sa mga bansa na nasa apat na sulok ng lupa, sa Gog at sa Magog, upang tipunin sila sa pagbabaka: na ang bilang nila ay gaya ng buhangin sa dagat. At nangagsipanhik sila sa kalaparan ng lupa, at kinubkob ang kampamento ng mga banal, at ang bayang iniibig: at bumaba ang apoy mula sa langit, at sila'y nasupok." (Apoc. 20:7-9)
Ang hindi kasama sa unang pagkabuhay na mag-uli, na ito nga ay ang mga hindi kaanib sa Iglesia, ay sawimpalad sapagkat nakasulat sa Biblia na bagaman sila ay bubuhayin, ang apoy ay bababa mula sa langit upang sila ay supukin.


Mga mahal naming mambabasa, huwag natin itong ipagwalang-bahala. Alisin natin sa ating isipan ang maling paniniwala na ang lahat ng relihiyon ay magkakapareho lamang sa harap ng Diyos. Pawiin natin sa ating isipan ang paniniwala na walang pagkakaiba ang nasa loob at ang nasa labas ng tunay na Iglesiang kay Cristo. Gaya ng ating tinalakay, napakalaki ng pagkakaiba ng mga kay Cristo o kaanib sa kaniyang Iglesia kaysa hindi kaanib o hindi kay Cristo. Ang maging kay Cristo ay katumbas ng pagiging ligtas sa hatol sa Araw ng Paghuhukom. Ang pagiging kay Cristo ay katumbas ng pagmamana ng mga pangako ng Diyos. Ang maging kay Cristo ay katumbas ng unang pagkabuhay na muli at paghaharing kasama ni Cristo sa Kaniyang pagparito.