TUNAY NA LINGKOD

Tuesday, October 29, 2013

Siya po ba ay Diyos O Tao?



ANG ISA SA MGA ikinatatangi ng mga aral na sinasampalatayanan ng Iglesia ni Cristo sa hanay ng mga relihiyong nagpapakilalang Cristiano ay ang nauukol sa tunay na likas na kalagayan ni Cristo. Kinikilala ng Iglesia ni Cristo ang mga katangian at karangalang taglay ni Cristo – Panginoon (Gawa 2:36), Tagapagligtas (Gawa 5:31), Tagapamagitan (I Tim. 2:5), pangulo ng Iglesia (Efe. 5:23,Magandang Balita Biblia), Anak ng Diyos (Mat. 3:17). Kaya, mataas ang pagkalilala at pagpapahalaga ng Iglesia ni Cristo kay Cristo dahil ito ang itinuturo ng Biblia. Ngunit sa kabila ng mga katangiang taglay Niya, hindi Siya ang tunay na Diyos. Ang aral na ito ngIglesia ni Cristo tungkol kay Cristo ay hindi matanggap ng marami dahil inaakala nila na ang orihinal at naunang mga aral ng mga unang Cristiano ay tunay na Diyos si Cristo na nagkatawang-tao. Kaya, kapag ipinangangaral ngIglesia ni Cristo na si Cristo ay hindi Diyos, nagkakaroon agad ng maling isipan ang ibang tao na ang ganitong aral ay ibang-iba sa mga aral ng mga unang Cristiano sa panahong nabubuhay pa ang mga apostol.
Kung susuriing mabuti ang Biblia at maging ang mga natala sa iba’t ibang aklat ng kasaysayan ay lubos na mauunawaan na ang itinuturo ng Iglesia ni Cristo na si Cristo ay tao at hindi tunay na Diyos ang siyang nauna at orihinal na paniniwala ng mga unang Cristiano. Ang pananampalatayang ang Ama ang kaisa-isang tunay na Diyos ang siyang itinuro mismo ni Cristo:

“Pagkasabi ni Jesus nito, tumingala Siya sa langit at nagsabi, ‘Ama, dumating na ang oras. Luwalhatiin Mo ang Iyong Anak upang luwalhatiin Ka rin ng Iyong Anak… At ito ang buhay na walang hanggan – ang makilala Ka nila, Ikaw na kaisa-isang tunay na Diyos, at si Jesu-Cristong sinugo mo” (Juan 17:1, 3, Salita ng Buhay).

Tiniyak ng ating Panginoong Jesucristo na ang Ama lamang ang dapat kilalaning kaisa-isang tunay na Diyos. Patungkol naman sa Kaniyang sarili, sinabi ng Anak na Siya’y “sinugo” ng Diyos.
Ukol naman sa Kaniyang likas na kalagayan, ganito ang pagtuturo mismo ng Panginoong Jesucristo na mababasa sa Juan 8:40 “Datapuwa’t ngayo’y pinagsisikapan ninyo akong patayin, na taong sa inyo’y nagsaysay ng katotohanan, na aking narinig sa Dios…”
Hindi ba’t ang higit na nakakaalam ng tunay na likas na kalagayan ni Cristo ay walang iba kundi Siya mismo? Malinaw ang Kaniyang pahayag mula sa Biblia na Siya ay tao. Ito rin ang katotohanang itinuro ng mga apostol (I Tim. 2:5; Gawa 2:22-23, MB; Mat. 1:18)
PATOTOO NG MGA MANANALAYSAY

May tala sa kasaysayan na nagpapatunay na noong simula, naniniwala ang mga Cristiano na si Cristo ay tao sa likas na kalagayan. :Gaya ng isinulat ng isang mananalaysay ng Iglesia, na si Bernhard Lohse, sa kaniyang Motive im Glauben (Motivation for Belief
): ‘Ipinagunita sa atin ni Ario na si Jesus, tulad ng pagpapakilala sa kaniya sa mga Ebanghelyo ay hindi isang Diyos na lumakad sa lupa, kundi isang taong totoo. Mangyari pa, sa kaniyang pagiging tao ay pinatunayan ni Jesus ang lubos niyang pakikisama sa Diyos.’ ” (The Jesus Establishment, p.175) 1

Sa isang aklat kasaysayan ay binanggit kung ano ang paniniwala kay Cristo ng mga tinatawag na Apostolic Fathers na sumunod sa panahon ng mga apostol – Siya ay isang banal na tagapagpahayag ng kaalaman ng tunay na Diyos. Walang sinasabi sa tala ng kasaysayan na kinikilala na noon na si Cristo ay Diyos:

“Ang karaniwang Cristianismo… ay kumikilos sa higit na mga payak na kaisipan. Ganap na tapat kay Cristo, kinilala nito na siya, unang-una bilang banal na tagapagpahayag ng kaalaman ng tunay na Diyos at tagapagpahayag ng isang bagong batas ng simple, marangal at mahigpit na moralidad. Ito ang palagay ng mga tinatawag na ‘Apostolic Fathers’, maliban kay Ignacio…” (A History of the Christian Church, p. 37) 2

Pinatunayan naman ng isang aklat na tinatawag na Old Roman o Apostles’ Creed (humigit-kumulang taong 100 AD) na walang tinataglay na paniniwala tungkol sa Cristong Diyos ang mga unang Cristiano. Ano ang sinasabi sa Kredong ito? Si Cristo ang bugtong na Anak na ipinanganak sa pamamagitan ng Espiritu Santo at ni Birhen Maria. Walang binabanggit sa kredong ito ukol sa Cristong eksistido na noon pang una. Kaya, batay sa mga tala ng kasaysayan, nang mga panahong iyon ay wala silang tinataglay na paniniwalang si Cristo ay Diyos (The Philosophy of the Church Fathers, p. 190-191) 3

Ang paniniwalang si Cristo ay tao ang orihinal na paniniwala ng mga unang Cristiano. Kaya, sa pagtuturo ng Iglesia ni Cristo na si Cristo ay tao, itinataguyod lamang nito ang orihinal na paniniwala na mga unang Cristiano.

PATOTOO NG IBA PANG AWTORIDAD

Sinasang-ayunan ba ng mga awtoridad Katoliko ang katotohanan na hindi nga tinawag na Diyos si Cristo noong una?
Sa aklat na pinamagatang Ang kabanalbanalang Isangtatlo: Ang Diyos ng mga Kristiyano ay matatagpuan ang ganito: “Kaya’t hindi maaring sabihin na tinatawag nang Diyos si Jesus noong mga kaunaunahang araw ng kristiyanismo” (p.32) 4

Hindi Diyos ang Panginoong Jesucristo sapagkat hindi raw maaaring sabihin na tinatawag nang Diyos si Jesus noong mga kauna-unahang araw ng Cristianismo. Bakit?

Ayon naman sa ibang mga nagsuri “… malaya na ngayong tinatanggap kapuwa ng mga Protestante at Katolikong teologo at tagapagpaliwanag ng doktrina: na batay sa nakakalap na pangkasaysayang impormasyon, hindi inisip ni Jesus na taga-Nazaret na Siya’y Diyos…” (The First Coming, p.5) 5

Kung ni hindi pala inisip ni Cristo na Siya’y ay Diyos, paano, kung gayon, nagkaroon na paniniwala na si Cristo raw ay tunay na Diyos? Sa aklat-Katoliko na At Nagsalita ang Diyos sa Pamamagitan ng Kaniyang Anak, “Ipinahahayag ng ilang dalubhasa na utay-utay na binalangkas ng Simbahan ang pananampalataya sa pagka-Diyos ni Jesus na impluho ng mga ibang relihiyon” (p.181) 6.

 Ayon naman sa ibang mga mananalaysay, bumangon ang  paniniwalang si Cristo ay tunay na Diyos nang lumaganap ang Katolisismo sa mga bansang pagano (The Meaning of the Dead Sea Scrolls, p.90). 7
Ayon sa isang historyador, ang pinakaunang nagpahayag na Diyos si Cristo pagkatapos na panahon ng mga manunulat ng Bagong Tipan ay si Ignacio ng Antioquia – isa sa tinaguriang unang ama ng Iglesia:

“Ang kauna-unahang panahong nalalaman na si Jesus ay diniyos ay pagkatapos ng panahon ng mga manunulat ng Bagong Tipan, sa mga sulat ni Ignacio, sa pasimula ng ikalawang siglo (Systematic Theology, p. 305). 8

Ayon sa aklat na A History of God“… Ang doktrinang si Jesus ay Diyos na nasa anyong tao ay hindi naging pinal hanggang noong ikaapat na siglo. Ang pagkakabuo ng paniniwala ng mga Cristiano tungkol sa pagkakatawang-tao (Enkarnasyon) ay isang unti-unti at masalimuot na proseso. Natitiyak natin na hindi kailanman inangkin ni Jesus na Siya’y Diyos (p.81). 9
Ikaapat na siglo na nang pormal at opisyal na ipahayag ng Iglesia na isang alituntunin ng pananampalataya na si Jesus ay tunay na Diyos. Sa aklat ng Iglesia Katolika na Discourses on the Apostles’ Creed, ay ganito ang isinasaad:
“Kaya halimbawa, noon lamang 325 A.D. sa Konsilyo ng Nicea nang ipaliwanag ng Iglesia sa atin na isang alituntunin ng pananampalataya na si Jesus ay tunay na Diyos.” (p.206) 10
ANG IPINAGPAUNA NG MGA APOSTOL

Dapat ba nating ipagtaka kung may lumitaw at lumaganap na paniniwala tungkol sa Panginoong Jesucristo na ibang-iba naman sa ipinangaral ng mga apostol? Hindi, sapagkat ito’y ipinagpauna ni Apostol Pablo
: “Nguni’t ako’y natatakot, baka sa anomang paraan, kung paanong si Eva ay nadaya ng ahas sa kaniyang katusuhan, ang inyong walang malay at malinis na mga pagiisip na kay Cristo ay pasamain. Sapagka’t kung yaong paririto ay mangaral ng ibang Jesus, na hindi namin ipinangaral, o kung kayo’y nagsisitanggap ng ibang espiritu na hindi ninyo tinanggap, o ibang evangelio na hindi ninyo tinaggap, ay mabuting pagtiisan ninyo” (II Cor. 11:3-4)

Kaya, buhay pa ang mga apostol ay ipinagpauna na nila na may mga magtuturo sa mga unang Cristiano ng iba sa kanilang ipinangaral. Ang ganito ay hidwang pananampalataya at hindi ikaliligtas (Gal. 5:19-21)

Bagaman sa pananaw ng marami ay ibang-iba ang mga aral na sinasampalatayanan ng Iglesia ni Cristo tungkol kay Cristo – na Siya’y tao sa likas na kalagayan at hindi Diyos – ay hindi naman ito naiiba sa katotohanang itinuturo ng Biblia. Ang pagtuturong si Cristo ay tao at hindi Diyos ay pagbabalik sa orihinal na mga aral na sinasampalatayanan ng mga unang Cristiano.

Monday, October 28, 2013

ANG MAY BAHAGI SA KALIGTASAN



MARAMING TAO ANG umaasa na sa Ikalawang Pagparito ng Panginoong Jesus ay makakasama sila sa mga magmamana ng kaligtasan dahil may kinaaaniban silang relihiyon at nagsasagawa ng paglilingkod sa Diyos at kay Cristo. Ang iba ay nagsasabing sila ay sumasampalataya at ang iba nama’y nagsasabing sila’y hindi nang-aapi ng kapuwa, mapagkawanggawa at matulungin sa nangangailangan, o kaya’y nanghahawak sa mga “himala” na diumano’y kanilang nagagawa dahil sa pangalan ni Cristo.
Subalit, sinu-sino ba ang tiyak na may bahagi sa manang kaligtasan? Sinu-sino naman ang walang bahagi sa manang kaligtasan? At ano ang saligan para sa mga maliligtas at sa mga mapapahamak? Alamin natin ang mga ito sa liwanag ng mga katotohanan o salita ng Diyos na nakasulat sa mga Banal na Kasulatan.
ANG MAGMAMANA NG KAHARIAN

Ipinakilala ng Panginoong Jesus, ang Tagapagligtas, kung sinu-sino ang mga taong magmamana ng kaharian sa Kaniyang pagparito:

“Datapuwa’t pagparito ng Anak ng tao na nasa kaniyang kaluwalhatian, na kasama niya ang lahat ng mga anghel, kung magkagayo’y luluklok siya sa luklukan ng kaniyang kaluwalhatian: At titipunin sa harap niya ang lahat ng mga bansa: at sila’y  pagbubukdinbukdin niya na gaya ng pagbubukodbukod ng pastor sa mga tupa at sa mga kambing; At ilalagay niya ang mga tupa sa kaniyang kanan, datapuwa’t sa kaliwa ang mga kambing. Kung magkagayo’y sasabihin ng Hari sa nangasa kaniyang kanan, Magsiparito kayo, mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang nakahanda sa inyo buhat nang itatag ang sanglibutan: … Kung magkagayo’y sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa, Magsilayo kayo sa akin, kayong mga sinumpa, at pasa apoy na walang hanggan na inihanda sa Diablo at sa kaniyang mga anghel.” (Mat. 25:31-34, 41)

Ito‎’y paglalarawan ni Cristo tungkol sa magaganap sa araw ng Kaniyang pagparito – ang pagbubukod-bukod sa mga tao sa dalawang uri at ang kanilang huling hantungan. Ang isang uri ay itinulad Niya sa mga tupa at sila ang mga taong magmamana ng kaharian o maliligtas. Ang isa naman ay ang itinulad sa mga kambing na pasasa apoy na walang hanggan o parurusahan.
Ang mga tupa na magmamana ng kaligtasan ay ang mga kay Cristo:
“At kung kayo’y kay Cristo, kayo nga’y binhi ni Abraham, at mga tagapagmana ayon sa pangako.” (Gal. 3:29)
Sa kabilang dako, pinatutunayan ng Biblia na ang mga hiwalay kay Cristo, hindi Niya tupa kaya’t tinawag na kambing, ay walang pag-asa sa manang kaligtasan:
“Hiwalay kayo noon kay Cristo at hindi kabilang sa Israel. Wala kayong bahagi sa tipang at pangako ng Dios sa kanila. Wala kayong Dios o pag-asa sa kaligtasan.” (Efe. 2:12, Salita ng Buhay)

ANG MGA KAY CRISTO NA TAGAPAGMANA

Mahalaga, kung gayon, na makilala natin kung sino ang mga kay Cristo na siyang magiging tagapagmana, at dito dapat sikapin ng lahat ng tao na mapabilang. Tiniyak ng Biblia:

“Na ang mga Gentil ay mga tagapagmana, at mga kasangkap ng katawan, at mga may bahagi sa pangako na kay Cristo Jesus sa pamamagitan ng evangelio.” (Efe. 3:6)
Ayon sa mga apostol, ang mga tagapagmana ng pangako ay ang mga naging kasangkap ng katawan o ng Iglesia (Col. 1:18). Ang Iglesia na katawan at pinangunguluhan ni Cristo ay ang Iglesia ni Cristo:
“Mangagbatian kayo ng banal na halik. Lahat ng iglesya ni Cristo ay bumabati sa inyo.” (Roma 16:16, New Pilipino Version)

Kaya, kapag ang tao ay wala sa loob ng Iglesia ni Cristo, nangangahulugan lamang na siya ay hiwalay kay Cristo at hindi siya makaaasa sa manang kaligtasan.

UPANG MAKABAHAGI SA MANA

May mga taong ang ipinipilit at iminamatuwid ay may bahagi pa rin sila sa manang ipinangako ng Diyos kahit pa hindi sila umanib sa Iglesia ni Cristo at mamalagi sila sa kanilang relihiyon. Ang paniniwalang ito ay salungat sa mga katotohanang nakasulat sa Biblia sapagkat ganito ang ginagawa sa mga naghahangad na makabahagi sa mana:

“Na nagpapasalamat sa Ama, na nagpaging dapat sa atin upang makabahagi sa mana ng mga banal sa kaliwanagan; Na siyang nagligtas sa atin sa kapangyarihan ng kadiliman, at naglipat sa atin sa kaharian ng Anak ng kaniyang pagibig; Na siyang kinaroroonan ng ating katubusan, na siyang kapatawaran ng ating mga kasalanan.” (Col. 1;12-14)
Kailangang ang tao’y mailigtas sa kapangyarihan ng kadiliman at ilipat sa kaharian ng Anak upang magtamo ng katubusan at kapatawaran sa kasalanan.
Ang kaharian ng Anak na siyang kinaroroonan ng katubusan ay ang Iglesia ni Cristo sapagkat ito ang binili o tinubos sa pamamagitan ng dugo ni Cristo:

“Ingatan ninyo kung gayon ang inyong sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.” (Gawa 20:28, Lamsa Translation, isinalin mula sa Ingles)

Bilang mga tinubos ng dugo ni Cristo, ang mga kaanib sa Iglesia ni Cristo ang tiyak na magmamana ng pangakong kaligtasa. Dahil dito, marapat laman na magtaglay sila ng mga katangiang hinahanap ng Diyos – hindi mga tamad sa paglilingkod sa Kaniya, manapa sila’y dapat maging mananampalataya at matiisin:

“Na huwag kayong mga tamad, kundi mga taga tulad kayo sa mga na sa pamamagitan ng pananampalataya at ng pagtitiis ay nagsisipagmana ng mga pangako.” (Heb. 6:12)

Sunday, October 27, 2013

Filipos 2:6




Filipos 2:6

"Na siya, bagama't nasa anyong Dios, ay hindi niya inaring isang bagay na nararapat panangnan ang pagkapantay niya sa Dios."

Ayon sa maraming tagapagtaguyod ng aral na si Cristo ay Diyos, ang Filipos 2:6 ay isa pang matibay na katunayan na si Cristo ay Diyos. Subalit, ang talatang ito ay ipinaliliwanag na ngayon ng ilang naniniwalang Diyos si Cristo na hindi nagpapakahulugang iisa sa kalagayan ang Diyos at si Cristo. Tunghayan natin ang komentaryo sa talatang ito ng mga naniniwala na Diyos si Cristo:

"... nasa anyong Diyos (hindi ang kalagayan ng pagka-Diyos ang tinutukoy: kundi ang panlabas at hayag sa sarili na mga katangian ng Diyos, ang anyo na nagliliwanag mula sa Kaniyang banal na kalagayan.) ..." (Commentary on the Whole Bible, p. 1305)9
 
    Ayon sa ating siniping komentaryo, ang "nasa anyong Diyos" ay hindi sa kalagayan tumutukoy kundi sa mga katangiang taglay ng Diyos. Kaya hindi maaaring sabihin na ito ay katunayan na ang likas na kalagayan ni Cristo ay Diyos. Hindi dapat ipakahulugan na ang Filipos 2:6 ay katunayan na si Cristo ay Diyos sapagkat ayon na rin sa ilang naniniwalang Diyos si Cristo ay hindi kailanman gagawin, manapa ay iniwasan, ni Apostol Pablo na tawaging Diyos si Cristo. Ganito ang pahayag ni A.N. Wilson sa kaniyang aklat na Jesus: A Life:

"Hindi kailanman tiyakang ipinahayag ni Apostol Pablo na si Jesus ay Diyos bagaman sinabi niya sa mga naakay niya sa Colosas na si Jesus ay ang 'Larawan' ('image' o 'ikon') ng di-nakikitang Diyos ..." (p. 20)10
 
    Ayon na rin sa patotoo mismo ng ilang mga naniniwala na Diyos si Cristo, walang tiyakang pahayag si Pablo na Diyos si Cristo. At ito ay totoo hindi lamang sa aklat ng Filipos kundi sa lahat ng aklat na sinulat ni Apostol Pablo. Ganito rin ang patotoo ng isang teologo na si Georg Kiimmel:
 
"Lalong malinaw mula sa katotohanang iniwasan ni Pablo na tawaging 'Diyos' si Cristo, na wala siyang isipang pagpantayin sila." (The Theology of the New Testament, p. 164)"

Pinatutunayan din ng mga nagsuri sa mga aklat na sinulat ni Apostol Pablo na wala siyang layunin na pa-tunayang Diyos si Cristo, kundi, ang anyayahan ang tao na makibahagi sa kaligtasang dulot ng Panginoong Jesu-cristo:

"... Sa mga doxologia na madalas gamitin ni Pablo sa pagsisimula o pagwawakas ng kaniyang mga sulat, ang konteksto ay tungkol sa liturhiya. Subalit kahit dito ang Diyos Ama at ang Panginoong Jesucristo (Galacia 1:3) ay tiyak na hindi tinatawag na Diyos Ama at Diyos Anak. Para kay Pablo, ang Theos ay nananatiling ultimate horizon para sa pananampalataya sa Christos. Ang sentral na layunin ni Pablo sa kaniyang mga sulat ay hindi upang patunayan na Diyos si Jesucristo kundi anyayahan ang mga tao na makibahagi sa pagliligtas na ginawa ng Diyos sa pamamagitan Niya." (One Christ—Many Religions, p. 122)12
 
Kaya, hindi marapat pagbatayan ang Filipos 2:6 upang patunayan na si Cristo ay Diyos. Hindi nito pinatutunayan na Diyos si Cristo. 

Wednesday, October 23, 2013

"Ako at ang Ama ay iisa."



PINATUTUNAYAN NG BIBLIA na hindi si Cristo ang tunay na Diyos kundi ang Ama na lumalang ng lahat ng bagay. Sa kabila nito, maraming tagapangaral ang gumagamit ng mga talata ng Biblia para patunayan na si Cristo ay tunay na Diyos. Subalit, maging ang ibang nagtataguyod ng paniniwala na si Cristo ay Diyos ay tinututulan ang paggamit ng mga talatang ito para patunayan na si Cristo ay Diyos. Ayon sa pag-aaral ng mga tumututol na ito, ang mga talatang tinutukoy ay hindi mapagbabatayan na si Cristo ay Diyos kumuha tayo ng isang halimbawa.

Juan 10:30
"Ako at ang Ama ay iisa."

     Ang sinabing ito ni Cristo ang isa sa mga talata ng Biblia na karaniwang ginagamit na katunayan na si Cristo ay Diyos. Subalit alam ba ninyo na maraming nasa hanay ng mga naniniwalang si Cristo ay Diyos ay tumututol na ang talatang ito ay katunayan ng diumano'y pagiging Diyos ni Cristo? Tunghayan natin ang pahayag ng isang paring Jesuita na si Stanley B. Marrow: 

"Gayunman, ang malamang na hindi natin mapansin sa mga pananalitang ito ni Jesus ay, hindi niya sinabi na 'Ako at ang Diyos ay iisa'. Ang buong dahilan kung bakit niya sinabi iyon ay hindi upang angkinin sa sarili ang pagka-Diyos, kundi upang linawin na ang kaniyang mis-yon bilang Siyang Anak ay upang isagawa ang kalooban ng Ama na nagsugo sa kaniya (tingnan ang 4:34; 5:30). Sa pamamagitan ng ganitong pagsunod sa kalooban ng Ama ay pinatutunayan niya ang kaniyang pagiging tunay na Anak. Sa pamamagitan ng kaniyang buong-buong pagsunod ay inihayag niya na ang Diyos ang kaniyang Ama. Dahil sa lubos na pagsang-ayon ng kaniyang kalooban, dahil sa kaniyang pagsunod sa kalooban ng Ama kaya niya nasabi na 'Ako at ang Ama ay iisa'." (The Gospel of John-A Reading, p. 177)'

     Ayon sa paring Jesuitang ito, hindi pinatutunayan ni Cristo na Siya ay Diyos nang Kaniyang sabihin, "Ako at ang Ama ay iisa." Ang pinatutunayan ni Cristo sa talatang ito ay kaisa Siya sa kalooban ng Diyos at ito'y pina-tunayan Niya sa pamamagitan ng Kaniyang pagsunod.

     Ang isa pang naniniwala na Diyos si Cristo ay ang Protestanteng komentarista ng Biblia na si A.M. Hunter. Subalit sa kabila ng kaniyang paniniwalang ito, ayon sa kaniya, ang sinabi ni Cristo na "Ako at ang Ama ay iisa" ay hindi katunayan na si Cristo ay Diyos. Sang-ayon din siya na si Cristo ay kaisa ng Diyos sa kalooban at hindi sa kalagayan:
 
"... Ang aking Ama at ako ay iisa. Ang kaisahan ay sa layunin sa halip na sa kasiyangaan: 'Iniisip ng Anak ang mga nasa isipan ng Ama, at hinahangad ang layon ng Ama, at gumagawa sa kapangyarihan ng Ama' ..." (The Cambridge Bible Commentary: The Gospel According to John, Commentary, p. 107)2
    Bakit kahit ang mga nagtataguyod ng aral na Diyos si Cristo ay tinatanggihan na ang nasa Juan 10:30 ay katunayan na si Cristo ay Diyos?  

Ang iskolar ng Biblia na si Albert Barnes ay nagbigay ng komento sa talatang nabanggit:

"30. Ako at ang aking Ama ay iisa. Ang salitang isinalin na 'iisa' [one] ay wala sa masculine [panlalaki] kundi nasa neuter gender [walang kasarian]. Ito'y naghahayag ng pagiging isa(union), subalit hindi tiyak ang uri ng union na iyon. Ito'ymaaaring maghayag ng anumang union, at ang partikular na uri na tinutukoy ay mahihinuha mula sa pagkakaugnay. Sa naunang talata ay sinabi niya na siya at ang kaniyang Ama ay nagkakaisa sa iisang layon—alala-ong baga'y sa pagtubos at pangangalaga sa kaniyang bayan. Ito ang diwa ng kaniyang pangungusap." (Barnes' Notes—Notes on the New Testament, p. 293)3
 
    Si Albert Barnes ay isang iskolar sa Biblia at ministro ng Presbyterian Church. Ang iglesiang kaniyang kinabibi-langan ay naniniwala na si Cristo ay Diyos. Ngunit itinu-turo niya na ang nasa Juan 10:30 ay hindi katunayan na si Cristo ay Diyos. Ayon sa kaniyang pag-aaral, sa wikang Griyego, ang salitang "iisa" na nasa Juan 10:30 ay hindi masculine kundi neuter na tumutukoy sa pagkakaisa, hindi sa kalagayan kundi sa layunin.

    Narito pa ang karagdagang patotoo ukol sa isyung ito ng mga nasa hanay ng mga naniniwala na si Cristo ay Diyos:
 
"Ang salita para sa 'isa' ay ang neuter na hen, at hindi ang masculine na heis: Si Jesus at ang kaniyang Ama ay hindi iisang persona, gaya ng ibig ipakahulugan ng masculine ... si Jesus at ang kaniyang Ama ay lubos naiisa sa pagkilos, sa kanilang ginagawa ..."(The Pillar New Testament Commentary: The Gospel According to John, p. 394)4

"Ang 'iisa' ay neuter, 'iisang bagay', at hindi 'isang persona'. Hindi ipinahahayag dito ang pagkakatulad kundi ang mahalagang pagkakaisa." (The New International Commentary on the New Testament, p. 522)5

"Totoong ipinahayag ni Jesus, 'Ako at ang aking Ama ay iisa', (Juan 10:30). Subalit hindi ito nangangahulugang si Jesus at ang Kaniyang Ama ay iisang Persona ... dahil ang Griyegong neuter na hen ('iisa') ang ginamit ng apostol na si Juan sa halip na ang masculine na heis; kaya ang mahalagang pagkakaisa ang tinutukoy, hindi ang lubos na pagkakatulad."(Systematic Theology: A Pentecostal Perspective, p. 174)6

     Maliwanag sa patotoo mismo ng mga naniniwala na si Cristo ay Diyos na ang sinabi ni Cristo na "Ako at ang Ama ay iisa" sa Juan 10:30 ay hindi mapagbabatayan na si Cristo ay Diyos.

Saturday, October 12, 2013

Dapat Bang ‘Binyagan’ O Bautismuhan Ang Mga Sanggol?


Karaniwang pinabibinyagan ng mga Katoliko ang mga bagong silang na mga bata upang diumano ay maging Kristiyano. Sa paraang kinagawian ng Iglesia Katolika, dinadala ng mga magulang ang kanilang anak sa simbahan, kasama ang mga piniling ninong at ninang upang isagawa ang pagbibinyag sa bata sa pangangasiwa ng pari.

Kung sasangguniin ang Banal na Kasulatan, marapat bang binyagan o bautismuhan ang mga bata o sanggol? Sino ba ang dapat tumanggap ng bautismo ayon sa Panginoong Hesukristo? Sa
Marcos 16:15-16 ay ganito ang Kanyang sinasabi:

“At sinabi niya sa kanila, Magsiyaon kayo sa buong sanglibutan, at inyong ipangaral ang evangelio sa lahat ng kinapal.”

"Ang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas; datapuwa't ang hindi sumasampalataya ay parurusahan."

Bago tanggapin ng isang tao ang tunay na bautismo ay kinakailangan muna siyang mapangaralan ng mga salita ng Diyos. Dapat ding matiyak na ang napangaralan ay sumasampalataya. Ang sanggol ba ay mapapangaralan? Hindi. Ito ba ay makasasampalataya? Hindi rin. Matangi rito, kinakailangang matiyak ng babautismuhan na siya ay nagsisisi sa kanyang mga kasalanan:

“At sinabi sa kanila ni Pedro, Mangagsisi kayo, at mangagbautismo ang bawa't isa sa inyo sa pangalan ni Jesucristo sa ikapagpapatawad ng inyong mga kasalanan; at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo.” (Gawa 2:38)

Makakapagsisi ba ang sanggol? Hindi rin, sapagkat wala itong muwang at walang nalalabag na kautusan. Bakit? Sapagkat ang kasalanan ay pagsalangsang sa kautusan (cf. I Juan 3:4). Kailangang ang tatanggap ng tunay na bautismo ay magsisi muna sa kanyang mga nagawang kasalanan at mabuhay sa isang bagong pamumuhay. Gaya ng sabi ni Apostol Pablo:

“Tayo nga'y nangalibing na kalakip niya sa pamamagitan ng bautismo sa kamatayan: na kung paanong si Cristo ay nabuhay na maguli sa mga patay sa pamamagitan ng kaluwalhatian ng Ama, ay gayon din naman tayo'y makalalakad sa panibagong buhay.” (Roma 6:4)

Ang lahat ng ito ay dapat tuparin ng tatanggap ng tunay na bautismo. Dahil dito, hindi marapat na bautismuhan o ‘binyagan’ ang mga sanggol sapagkat hindi pa nila kayang gawin ang mga ito. Hindi pa maaaring pangaralan ng mga salita ng Diyos ang isang sanggol sapagkat hindi pa ito makauunawa. Wala pa itong muwang at walang nagagawang paglabag sa mg utos ng Diyos kaya wala itong pagsisisihan. Kaya ang bata ay hindi dapat bautismuhan o ‘binyagan’.

Nasasalig sa hinuha o palagay

Bakit nagbabautismo ng sanggol ang Iglesia katolika? Bayaan nating ang sumagot ay ang mga paring Katoliko sa pamamagitan ng mga aklat na kanilang sinulat. Ganito ang ating mababasa sa isang aklat na may pamagat
na Pananampalataya ng Ating Mga Ninuno, sinulat ni James Cardinal Gibbons, na isinalin sa wikang Tagalog ni Rufino Alejandro, sa pahina 266:

“Ang mga Gawa ng mga Apostoles at ang mga sulat ni San Pablo, bagaman naglalaman ng bahabahaging ulat ukol sa pagmiministro ng mga Apostoles, ay maliwanag na nagpapahiwatig na ang mga Apostoles ay nagbinyag ng mga bata gaya rin naman ng mga matanda. Sinasabi sa atin, halimbawa, na si Lydia ay bininyagan at ang kanyang boong sambahayan, ni San Pablo; at ang bantay-bilangguan ay bininyagan at ang boo niyang angkan.”

Bakit daw? Sapagkat ang mga Apostoles daw ay nagbinyag ng mga bata. Nakatitiyak ba ang mga pari na may mga bata o sanggol ng bininyagan ang mga Apostoles? Sa pahina 266 ng nasabing aklat ay ganito naman ang mababasa:

“Bagaman hindi tiyakang tinutukoy na may mga bata sa mga angkang yaon na bininyagan, matibay ang mapagsasaligang hinuha sa pagpapalagay na mayroon.”

Nakatitiyak ba sila? Malinaw ang kanilang sagot na “hindi tiyakang tinutukoy na may mga bata sa mga angkang yaon na bininyagan, matibay ang mapagsasaligang hinuha o pagpapalagay na mayroon”. Saan nakasalig ang kanilang isinasagawang pagbabautismo ng sanggol? Sa hinuha o palagay. Samakatuwid, hindi sa mga salita ng Diyos na nakasulat sa Bibliya. Bawal ng Diyos ang magsalig sa haka gaya ng nakasulat sa
Roma 12:16, na ganito ang sinasabi:

“ Mangagkaisa kayo ng pagiisip. Huwag ninyong ilagak ang inyong pagiisip sa mga bagay na kapalaluan, kundi makiayon kayo sa mga bagay na may kapakumbabaan. Huwag kayong mga pantas sa inyong sariling mga haka.”

Maliwanag na hindi dapat magpakapantas sa sariling haka. Bawal ito ng Panginoong Diyos.
Suriin natin ang nilalaman ng talata na kanilang pinagbabatayan na diumano’y may mga bata o sanggol na bininyagan sa sambahayan ng bantay-bilangguan. Mayroon nga kaya? Alamin natin sa
Gawa 16:30-34, ganito ang nakasulat:

“At sila'y inilabas at sinabi, Mga ginoo, ano ang kinakailangan kong gawin upang maligtas? At kanilang sinabi, Manampalataya ka sa Panginoong Jesus, at maliligtas ka, ikaw at ang iyong sangbahayan. At sa kaniya'y sinalita nila ang salita ng Panginoon, pati sa lahat ng nangasa kaniyang bahay. At sila'y kaniyang kinuha nang oras ding yaon ng gabi, at hinugasan ang kanilang mga latay; at pagdaka'y binautismuhan, siya at ang buong sangbahayan niya. At sila'y kaniyang ipinanhik sa kaniyang bahay, at hinainan sila ng pagkain, at nagalak na totoo, pati ng buong sangbahayan niya, na nagsisampalataya sa Dios.”

Mayroon nga bang binanggit na bata o kaya’y sanggol sa binautismuhan sa sangbahayan ng bantay-bilangguan? Wala. Ano ngayon ang sinabi ni Apostol Pablo at ni Silas sa bantay-bilangguan at sa sambahayan niya? “Manampalataya ka sa Panginoong Jesus.” Samakatuwid, ang binautismuhan na sambahayan ng bantay-bilangguan ay nagsisampalataya sa Diyos at sa ating Panginoong Jesus. Papaano ba nagkakaroon ng pananampalataya ang tao ayon sa Banal na Kasulatan? Sa
Roma 10:17 ay ganito ang nakasulat:

“Kaya nga ang paniniwala'y nanggagaling sa pakikinig, at ang pakikinig ay sa pamamagitan ng salita ni Cristo.”


Dapat bang bautismuhan ang sanggol kung ang susundin ay ang aral katoliko? Ganito ang mababasa natin sa
Pasyong Genesis na sinulat ni Pari Mariano Pilapil sa pahina 183:

“Magmula sa Herusalem, lahat ay inyong libutin, at turuan ng magaling, ang taong nagugupiling, nang ang sala’y di mahimbing. Ang sinoma’t aling tao, aralan at binyagan ninyo. Ang tumanggap ng bautismo, at maniwalang totoo, aking magiging katoto.”

Ganito ba ang ginagawa sa mga sanggol bago sila binyagan? Tiyak na ang sagot natin ay hindi. Sipiin naman natin ang
Pasyon na sinulat ni Pari Aniceto dela Merced, sa pahina 194 na lalong kilala sa tawag na pasyong Candaba, ganito ang nakasulat:

“Hayo nga’t inyong calatan, ang boong calupaan, ang Evangelio’y iaral, sa boong sangcatauohan, walang tauong malilisan. Ang maniwala’t tumanggap sa Evangeliong pahayag, ay binyagan ninyo agad, sa ngalan ng Ama, Anac, at Espiritu Santong uagas.”

Maliwanag ang pagtuturo ng dalawng paring Katoliko na sumulat ng Pasyon na kailangang aralan muna ang tao bago binyagan. Kaya hindi naaayon sa aral at turo ng kanilang mga pari at lalo na ng Banal na kasulatan ang pagbibinyag ng bata o sanggol.

Pag-aralan naman natin ang paraan ng pagbibinyag ng Iglesia Katolika noong unang panahon at sa paraang isinasagawa ngayon, pareho ba ng paraan? Ayon sa isang aklat ng Iglesia katolika na
pinamagatang Compedio Historico De La Religion, sinulat at hinusay na parang tanungan ng wikang Kastila ni D. Josef Pinton sa Espanya, at tinagalog ni D. Antonio Florentino Puansen sa pahina 593-594 ay ganito ang nakasulat:

“T. Paano ang ugaling pagbinyag niyong unang panahon?
S. Macaitlong inilulubug sa tubig ang catecumeno, at sinasambit nang Saserdote ang ngalang nang isang Persona nang Santisima Trinidad sa baling isang paglulubug, at ito ang pagbinyag na pinanganganlang Bautismo por immersiyon.”


Paano ang paraan ng pagbibinyag ng Iglesia katolika noong unang panahon? Makaitlong inilulubog ang binabautismuahan.
Papaano naman ang paraan ng pagbibinyag ni Juan Bautista ayon na rin sa paring si Aniceto dela Merced na siyang sumulat ng Pasyong Candaba? Sa pahina 65 ay ganito an gating mababasa:

“Ang pagbibinyag ni San Juan ay isisisid na minsan ang boong-boong catauan doon sa ilog nang Jordan parang pinaliliguan.”

Maliwanag sa Pasyong Candaba na si Juan Bautista nang magbautismo ay minsan inilulubog sa tubig ang binabautismuhan sa ilog ng Jordan.

Papaano naman ang paraan ng pagbibinyag ng Iglesia katolika ngayon? Tatlong beses pa bang inilulubog ang binabautismuhan? At lubog pa ba ang paraan?
Sa aklat katoliko na may pamagat na Ang Pananampalataya ng Ating Mga Ninuno, ni Rufino Alejandro, sa pahina 247 ay ganito ang ating mababasa:

“Sa loob ng ilang siglo pagkatapos ng pagkatatag ng Cristianismo, ang Bautismo ay karaniwang iginagawad sa pamamagitan ng lubog; ngunit mula ng ikalabingdalawang siglo ang kaugaliang pagbibinyag sa pamamagitan ng buhos ay namayani sa loob ng Iglesia Katolika. Yayamang ang paraang ito ay walang gasinong sagabal na di gaya ng Bautismo sa pamamagitan ng lubog.”

Nanatili ba ang paraan nilang lubog? Hindi. Paano nila isinagawa ang bautismo? Ang dating lubog ay ginawang buhos na lamang. Ano ang dahilan ng kanilang pagbabagong ito ng paraan ? Wala raw gasinong sagabal. Nagsimula sila sa paraang tatlong beses na inilulubog ang binabautismuhan, ngunit nawala ang paglulubog at napalitan ng buhos na lamang.

Ano naman an ang pagtatapat ng isang pari na kaanib sa tinatawag na “Paulist Fathers” na si Rev. Bertrand Conway? Ganito ang kanyang sabi sa aklat na pinamagatang “The Question Box”, pahina 243:

Sa Pilipino na:
“Walang tiyak na banggit ukol sa pagbibinyag ng sanggol sa Bagong Tipan.”

Inaamin ba ng mga pari na wala ngang pagtuturo mula sa Bibliya na ang mga bata o sanggol ay dapat bautismuhan? Oo, sa pamamagitan ng kanilang aklat na kanilang sinulat. Kung gayon, sino ang nagpasimulang magturo na ang mga sanggol ay dapat binyagan sa Iglesia Katolika? Dito rin sa aklat
na “The Question Box”, pahina 243-244 ay ganito ang nakasulat:

Sa Pilipino na:
“Si San Cipriano at ang mga Obispo ng Ikatlong Konsilyo sa Kartago (253) ay nagturo na ang mga sanggol ay dapat bautismuhan sa lalong madaling panahon matapos maipanganak. Ang pagbabautismo sa kanila ay hindi dapat ipagpaliban hanggang sa ikawalong araw, gaya ng ginagawa ng iba. Ang Konsilyo ng Milevis (416) ay itinuro ang pangangailangan ng Bautismo ng Sanggol, at ang doktrinang ito ay inulit sa mga Konsilyo na Luterano, Vienne, Florencia at Trento.”

Maliwanag na kay Cipriano at sa mga Konsilyo ng Iglesia Katolika nagmula ang doktrinang pagbabautismo ng mga sanggol. Kung gayon, hindi lamang nasasalig sa haka at palagay ang pagbabautismo ng mga sanggol kundi batay sa utos at aral ng mga tao. May halaga ba sa Diyos ang alinmang paglilingkod at pagsamba na nakasalig sa utos at sa aral ng tao? Sa
Mateo 15:9 ay ganito ang nakasulat:

“Datapuwa't walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin, Na nagtuturo ng kanilang pinakaaral ang mga utos ng mga tao.”

Wala palang kabuluhan. Kaya ano ang panawagan o ibinibigay na pagkakataon ng Diyos sa mga taong naligaw sa Kaniyang mga tuntunin upang maging matuwid? Ganito ang sabi sa
Malakias 3:7:

“Mula nang mga kaarawan ng inyong mga magulang kayo'y nangagpakaligaw sa aking mga tuntunin, at hindi ninyo tinalima. Manumbalik kayo sa akin, at ako'y manunumbalik sa inyo, sabi ng Panginoon ng mga hukbo…”

Panalangin para sa bata

Ano ang marapat gawin sa mga sanggol o bata ayon sa pagtuturo ng Bibliya? Ano ang ginawa ng Panginoong Jesucristo sa maliliit na bata nang dalhin sa Kaniya ang mga ito? Ganito ang mababasa sa
Mateo 19:13-15:

“Nang magkagayon ay dinala sa kaniya ang maliliit na bata, upang ipatong niya ang kaniyang mga kamay sa kanila, at ipanalangin: at sinaway sila ng mga alagad. Datapuwa't sinabi ni Jesus, Pabayaan ninyo ang maliliit na bata, at huwag ninyong pagbawalan silang magsilapit sa akin: sapagka't sa mga ganito ang kaharian ng langit. At ipinatong niya ang kaniyang mga kamay sa kanila, at umalis doon. ”

Nang dalhin kay Jesus ang maliliit na bata ay ipinatong Niya ang Kaniyang mga kamay sa ulo ng mga bata at saka sila ipinanalangin. Hindi Niya binautismuhan ang mga ito gaya ng ginagawa sa Iglesia Katolika. At dahil sa hindi pa maaaring bautismuhan ang mga bata o sanggol, sila ay nararapat ipanalangin tulad ng ginawa ni Jesus.

Patuloy po kayong magsaliksik ng nga aral na sinasampalatayanan ng Iglesia ni Cristo, maaari po kayong pumunta sa pinaka malapit na local ng Iglesia sa inyong lugar upang ipag patuloy ang inyong pagsisiyasat. Ang mga ganitong paksa po ay tinatalakay upang maipakita ang mga maling aral at ituro ang mga tamang paraan at paglilingkod sa Diyos.