Wednesday, April 29, 2015

Ang Pinag uukulan ng handog sa Iglesia ni Cristo



Ang isa sa mga tungkulin ng isang kaanib ng Iglesia ni Cristo ay ang pag-aabuloy at paghahandog. Ito ay isinasagawa sa mga pagsambang pagtitipon ng Iglesia ni Cristo. Sa pagsamba ng Iglesia ni Cristo ay may isinasagawang pag-aabuloy ang mga kapatid, tangi sa awit, aral, at panalangin. Naiibigan ng lahat halos ang awit, aral, at panalangin sa pagsamba ng Iglesia ni Cristo.  Nguni’t alin ang hindi naiibigan ng marami, na kadalasan ay pinipintasan at inuusig ng iba?  Ito ang tungkol sa pag-aabuloy na isinasagawa sa pagsamba ng Iglesia ni Cristo. Dapat na maunawaan na ang pag-aabuloy na tinutupad sa Iglesia ay hindi marapat itulad sa pagbibigay ng limos. Kung mayroon mang naririnig sa ginagawang pag-aabuloy ng Iglesia ni Cristo, aalalahinin nat ito ay paninira lamang dahil ang pag-aabuloy na tinutupad ng mga kaanib ng Iglesia ni Cristo ay hindi kagustuhan lamang ng mga ministro sa Iglesia kundi nakasalig ito sa mga katotohanang nakasulat sa Biblia.
Bakit marami ang umaayaw at natitisod sa pag-aabuloy na isinasagawa sa pagsamba ng Iglesia ni Cristo?  Ipinalalagay nila na ito’y hindi utos ng Diyos, kundi utos lamang ng mga ministro sa Iglesia ni Cristo.  Mayroon ding nag-aakala na ang sinasabing pag-aabuloy ay sapilitan lamang at isang paraan ng panlilinlang.  Ang iba’t-ibang iglesia ay may mga abuluyang ginagawa, subalit ang pag-aabuloy na ginaganap sa pagsamba ng Iglesia ni Cristo ang higit sa lahat ay kinukutya at inuusig ng marami.  Dahil dito, kailangang maunawaan ng lahat ang katotohanan at kahalagahan ng ginagawang pag-aabuloy sa pagsamba ng Iglesia ni Cristo, ayon sa pagpapakilala ng Banal na Kasulatan.

UTOS BA NG DIYOS ANG ISINASAGAWANG PAG-AABULOY SA MGA PAGSAMBA SA IGLESIA NI CRISTO?

Ang pag-aabuloy ay hindi aral o turo lamang ng mga ministro ng Iglesia ni Cristo, ito ay utos ng Diyos sa kaniyang mga lingkod:
Hebreo 13:15-16 "Sa pamamagitan nga niya ay maghandog tayong palagi ng hain ng pagpupuri sa Dios, sa makatuwid baga, ay ng bunga ng mga labi na nagpapahayag ng kaniyang pangalan. Datapuwa't ang paggawa ng mabuti at ang pagabuloy ay huwag ninyong kalimutan: sapagka't sa mga gayong hain ang Dios ay totoong nalulugod."
Ang gawang pag-aabuloy ay hindi utos lamang ng mga ministro sa Iglesia kundi ito ay utos ng Diyos na nakasulat sa Biblia. Ito'y hindi dapat na kalimutan sapagkat isa ito sa mga haing kalugudlugod sa Kaniya. Kung paanong iniutos na handugan natin ang Diyos ng mga hain ng pagpupuri na bunga ng ating mga labi katulad ng pag-awit at pananalangin, iniutos din na huwag kalimutan ang pag-aabuloy. 

MAY ITINAKDA BANG HALAGA AT SAPILITAN BA ANG PAGBIBIGAY NG ABULOY

Gaano ang halagang dapat ipagkaloob sa pag-aabuloy na isinasagawa sa pagsamba ng Iglesia ni Cristo?  Ang mga ministro ba ng Iglesia ni Cristo ang nagtatakda ng halagang dapat ipagkaloob ng mga kapatid?  HINDI.  Sino ang dapat magtakda ng halagang kanilang ipagkakaloob at gaano ang kanilang dapat itakda?  Sa 2 Corinto 9:7, ay itinuturo ang ganito:

2 Corinto 9:7 "Magbigay ang bawa't isa ayon sa ipinasiya ng kaniyang puso: huwag mabigat sa loob, o dahil sa kailangan: sapagka't iniibig ng Dios ang nagbibigay na masaya."

Ang nagtakda ng dapat na iabuloy ay ang mismong magbibigay ng abuloy, hindi ang mga ministro at ang tagapamahala ng Iglesia ni Cristo. At ang pagtatakda at pagbibigay ay ayon sa kaniyang puso at hindi mabigat sa loob at nakatutugon naman sa pag-uukulan na kailangan ng Iglesia. Ang nag-aabuloy ang dapat magpasiya mula sa kaniyang puso ng abuloy na kaniyang ipagkakaloob sapagkat iniibig ng Diyos ang nagbibigay na masaya. Samakatuwid, ang pa-aabuloy na isinasagawa sa pagsamba ng Iglesia ni Cristo ay hindi sapilitan.  Ito’y hindi sapilitan kundi ito'y kusang-loob ng mga sumasampalataya at ganap na nakakakilala ng kahalagahan ng pag-aabuloy sa Iglesia ni Cristo.

2 Corinto 9:5 "Iniisip ko ngang kailangang ipamanhik sa mga kapatid, na mangaunang pumariyan sa inyo, at ihanda agad ang inyong abuloy na ipinangako nang una, upang ito'y maihanda na gaya ng abuloy, at hindi gaya ng sapilitan."
Gaya ng ipinamamanhik ni Apostol Pablo ay inihahanda ng mga kapatid ang kanilang abuloy.
Paano nila inihahanda?

1 Corinto 16:2 "Tuwing unang araw ng sanglinggo ang bawa't isa sa inyo ay magbukod na magsimpan, ayon sa kaniyang iginiginhawa, upang huwag nang gumawa ng mga ambagan sa pagpariyan ko."

Ibinubukod na isinisimpan ng mga kapatid ang kanilang abuloy na itinakda nila na pasiya ng kanilang puso ayon sa kanilang iginiginhawa tuwing unang araw ng sanlinggo.  Kaya hindi sapilitan ang kanilang pag-aabuloy.  Hindi sila pinipilit ni napipilitang mag-abuloy, kundi kusang-loob na ginagawa nila ang pag-aabuloy na kinikilalang kanilang tungkulin at pananagutan sa Diyos. Talagang pinaghahandaan ng mga sumasampalataya ang pag-aabuloy ng Iglesia ni Cristo. Hindi maghihirap ang nagkakaloob ng saganang abuloy, Sapagka’t may pangakong biyaya ang Diyos na matatamo ng mga tumatalaga at hindi nagpapabaya sa pag-aabuloy sa pagsamba ng Iglesia ni Cristo.

Ano ang Biyayang Matatamo na Ipinangangako ng Diyos sa mga Tumatalaga sa Pag-aabuloy na isinasagawa sa Pagsamba ng Iglesia ni Cristo? Sa 2 Corinto 9:8-10, ay ganito ang sinasabi:

2 Corinto 9:8-10 "At maaaring gawin ng Dios na ang lahat ng biyaya ay magsisagana sa inyo; upang kayo, na mayroong laging buong kaya sa lahat ay magsipanagana sa bawa't mabuting gawa:
Gaya ng nasusulat, Siyang nagsabog, siyang nagbigay sa mga dukha; Ang kaniyang katuwiran ay nananatili magpakailan man.
At ang nagbibigay ng binhi sa naghahasik at ng tinapay na pinakapagkain, ay magbibigay at magpaparami ng inyong binhi upang ihasik, at magdaragdag ng mga bunga ng inyong katuwiran:"


Ang biyayang matatamo na ipinangangako ng Diyos sa mga tumatalaga sa pag-aabuloy sa pagsamba ng Iglesia ni Cristo ay maaaring gawin ng Diyos sa kanila na sila’y pasaganain sa lahat ng mga biyaya.  Maaaring pagpalain ng Diyos ang kanilang kabuhayan at hanapbuhay.  Sila’y sasagana rin sa lahat ng gawang mabuti.  Ang mga nagsasabog ng aral o ang mga nangangaral ng mga salita ng Diyos at ang mga nagbibigay o tumutustos sa gawain sa pamamagitan ng pag-aabuloy ay mananatili ang kanilang kabanalan magpakailanman.  Hindi lamang mananatili ang kanilang kabanalan, kundi magdaragdag ito ng bunga ng kanilang kabanalan sa kanilang paglilingkod sa Diyos.

Natutupad ang pangakong ito ng Diyos sa mga kapatid na sadyang tumatalaga sa pagbubukod at pagsisimpan ng kanilang abuloy sa pagsamba ng Iglesia ni Cristo.  Pinupuspos sila ng biyaya ng Diyos sa kanilang pamumuhay at paghahanapbuhay.  Ang kanilang masiglang paglilingkod ay sumasagana sa mga bunga ng kabanalan.  Hindi sila nanghihina sa kanilang pananampalataya.  Hindi sila natitisod, kundi namamalagi sa pagtupad ng mga salita ng Diyos at pagtatapat sa kanilang tungkulin sa Iglesia.
Sino naman ang kusang pinagkakaitan ng mga biyaya at pagpapala ng Diyos?  Sino ang mga matitisurin, mga di kakitaan ng bunga ng kabanalan at mga gawang mabuti, mga nanlulupaypay sa paglilingkod, hindi makapanatili sa pagtupad ng kanilang tungkulin at kadalasan ay mga nahihiwalay sa pananampalataya?  Ang mga kapatid na ayaw magtalaga sa pag-aabuloy.  Ang mga natitisod at hindi sumasampalataya sa kahalagahan ng pag-aabuloy na utos ng Diyos sa pagsamba ng Iglesia ni Cristo.

Bakit binibiyaya at pinagpapala ang mga tumatalagang lubos sa pag-aabuloy sa pagsamba ng Iglesia ni Cristo?  Ito ba ang sukatan ng Diyos sa pagkakaloob Niya ng Kanyang mga biyaya? Sa 2 Corinto 9:6, ay tinitiyak ang ganito:

2 Corinto 9:6 "Datapuwa't sinasabi ko, Ang naghahasik ng bahagya na ay magaani namang bahagya na; at ang naghahasik na sagana ay magaani namang sagana."

Ano ang sukatan ng Diyos sa pagkakaloob Niya ng Kanyang mga biyaya?  Ang naghahasik ng bahagya na ay mag-aani namang bahagya na at ang naghahasik na sagana ay mag-aani namang sagana.  Datapuwa’t masama ba naman na mag-abuloy ng malaki sa layong tumanggap naman ng malaking biyaya sa Diyos?  Hindi masama ang mag-abuloy ng malaki, kundi ang masama’y ang masakim na layunin na kaya lamang magkakaloob ng sagana ay sa hangad na biyayain naman ng sagana.  Ano ang tawag sa ganitong uring paghahasik o pagkakaloob ng abuloy?  Sa Galacia 6:7-8, ay ganito ang sinasabi:

Galacia 6:7-8 "Huwag kayong padaya; ang Dios ay hindi napabibiro:sapagka't ang lahat na ihasik ng tao, ay siya namang aanihin niya.
Sapagka't ang naghahasik ng sa kaniyang sariling laman ay sa laman magaani ng kasiraan; datapuwa't ang naghahasik ng sa Espiritu ay sa Espiritu magaani ng buhay na walang hanggan."

Ang pagkakaloob ng saganang abuloy sa layuning tumanggap naman ng masaganang biyaya ay hindi pag-abuloy na ayon sa Espiritu o ayon sa kalooban ng Diyos.  Ang ganitong uri ng pag-aabuloy ay tinatawag na pag-aabuloy na ayon sa laman.  Anu-ano pa ang pag-aabuloy na ayon sa laman?  Ang pag-aabuloy ng malaki upang mapuri ng iba, ang nag-aabuloy dahil sa nahihiya kung hindi siya magkaloob, ang nagbibigay naman alang-alang sa pagbibigay lamang sa kaninuman, at iba’t iba pang katulad nito, ay mga pag-aabuloy na ayon sa laman.  Ang ganitong uri ng pag-aabuloy ay hindi magtatamo ng buhay na walang hanggan, kundi mag-aani ng kasiraan sa laman.  Sino ang naghandog ng abuloy na hindi ayon sa kalooban ng Diyos at nag-ani ng kasiraan sa laman o nangapahamak? Ang mag-asawang Ananias at Safira.  Nang panahon ng mga Apostol na maliit pa ang Iglesia ni Cristo, nagkaisang puso ang mga sumasampalataya na ipagbili ang lahat ng kanilang mga tinatangkilik na pag-aari, maging lupa o bahay man, upang tustusan ang pangangailangan ng Iglesia sa gawaing pagpapalaganap nito sa madaling panahon.  Ang lahat ng halagang kanilang napagbilhan ay dapat ibigay na lahat sa mga Apostol upang pangasiwaan.  Ano ang ginawa ng mag-asawang Anaias at Safira?  Nagbili sila ng kanilang tinatangkilik, subalit isang bahagi lamang ang kanilang ibinigay sa mga Apostol at kinuha nila ang isang bahagi para sa kanilang sarili.  Nag-abuloy sila ng ayon sa laman, sapagka’t sila’y hindi lubos na nakipagkaisa at pinag-alinlanganan ang katapatan ng mga Apostol.  Ano ang nangyari sa kanila?  Sila’y napahamak at nangamatay noon din (Gawa 4:32-37 at Gawa 5:1-10).  Dahil dito, dapat isagawa ang pag-aabuloy ayon sa kalooban ng Diyos.  Bakit pananagutang hindi maiiwasan ng mga kapatid sa Iglesia ni Cristo ang pag-aabuloy?    Sa Galacia 6:6, ay sinasabi ang ganito:

Galacia 6:6 "Datapuwa't ang tinuturuan sa aral ng Dios ay makidamay doon sa nagtuturo sa lahat ng mga bagay na mabuti."

Bakit pananagutang hindi maiiwasan ng mga kapatid sa Iglesia ni Cristo ang pag-aabuloy?  Sapagka’t ang mga tinuruan sa mga aral ng Diyos ay makiramay doon sa nagtuturo sa kanila ng lahat ng mga bagay na mabuti.  Paano nila daramayan?  Sa pamamagitan ng kanilang isinasagawang pag-aabuloy sa pagsamba.  Bakit ang pagdamay sa nagtuturo ng aral ng Diyos ay sa pamamagitan ng pag-aabuloy sa pagsamba?  Sapagka’t iyon ay hindi pagdamay sa sariling kapakanan ng nagtuturo, kundi sa pagtulong sa kapakanan ng gawain ng Diyos na pinag-uukulan ng abuloy.  Ang Diyos ay totoong nalulugod sa pag-aabuloy, hindi sapagka’t kailangan ng Diyos sa Kanyang sarili ang abuloy.  Hindi nangangailangan ng anumang tulong ang Diyos, sapagka’t mayroon Siya ng lahat ng mga bagay at ang lahat ng mga bagay ay Kanya.  Ngunit bakit ang pag-aabuloy sa pagsamba ng Iglesia ni Cristo ay totoong nakalulugod sa Diyos?  Sapagka’t ito ang ginagamit na kasangkapan upang matustusan ang banal na gawain ng Diyos sa lupa na pinag-uukulan ng abuloy sa Iglesia ni Cristo.

ANG PINAG-UUKULAN NG PAG-AABULOY SA PAGSAMBA NG MGA KAANIB SA IGLESIA NI CRISTO

Anu-ano ba ang mga pinaguukulan ng Iglesia ni Cristo sa mga nalilikom mula sa mga abuloy ng mga kaanib ng Iglesia ni Cristo?

2 Corinto 9:12-13 "Sapagka't ang pangangasiwa sa paglilingkod na ito ay hindi lamang tumatakip sa pangangailangan ng mga banal, kundi naman umaapaw sa pamamagitan ng maraming pagpapasalamat sa Dios;
Palibhasa'y sa pagsubok sa inyo sa pamamagitan ng ministeriong ito ay niluluwalhati nila ang Dios dahil sa pagtalima ng inyong pagkilala sa evangelio ni Cristo, at dahil sa kagandahang-loob ng inyong ambag sa kanila at sa lahat;"

Ang Iglesia ni Cristo ay may pangangasiwa. Pinangangasiwaan ang paglilingkod at tinatakpan ang lahat ng pangangailangan ng mga banal at ng Iglesia sa pamamagitan ng wastong paggamit ng abuloy ng mga kapatid. Ginugugulan ng pangangasiwa ang walang likat na pagpapalaganap ng pangangaral ng Ebanghelyo sa lahat ng dako.  Ano ang nagiging bunga ng walang tigil na pagpapakilala ng Ebanghelyo ni Cristo? Dumarami ang mga taong nakakakilala ng wastong pagsamba at pagpapasalamat sa Diyos.  Kaya sa kasalukuyan, ang Iglesia ni Cristo ay lumalaganap at patuloy sa mabilis na paglago. Ano pa ang mga bagay na pinaguukulan ng Iglesia sa mga nalilikom na kaloob na abuloy ng mga kapatid sa Iglesia?

Hagai 1:8 "Magsiahon kayo sa bundok, at mangagdala ng kahoy, atmangagtayo kayo ng bahay; at aking kalulugdan, at ako'y luluwalhati, sabi ng Panginoon"

Ito ay nagagamit sa pagpapatayo ng mga bahay sambahan o mga gusaling sambahan:

1 Chronica 21:22MB "Sinabi ni David, “Bibilhin ko ang lupang ito para pagtayuan ng dambana ni Yahweh para matigil ang salot na namiminsala sa bayan.”
“Kunin na lang ninyo at huwag na pong bayaran,” tugon ni Ornan. “Kayo na ang bahala kung anong gusto ninyong gawin. Narito na po ang mga torong panghandog. Ang kahoy na panggiik na ito ang gawin ninyong panggatong. Pati ang butil na panghandog ay narito na rin. Lahat pong ito’y sa inyo na."


Ito din ay nagagamit upang ibili ng lupa na pagtatayuan ng mga gusaling sambahan, upang magkaroon ang mga kapatid sa malalayong mga lupain ng malapit na dako ng kanilang pagsasambahan. Tandaan ang pagbibigay ng mga kapatid ng kanilang mga abuloy ay hindi sapilitan, kundi may kagalakan ang kanilang pagbibigay, may kusa mula sa kanilang puso:

1 Chronica 29:9 "Nang magkagayo'y nagalak ang bayan, dahil sa sila'y nangaghandog na kusa, sapagka't sila'y may dalisay na puso na nangaghandog na kusa sa Panginoon: at si David naman na hari ay nagalak ng dakilang pagkagalak"

Saan pa ba ginugugol ng Iglesia ni Cristo ang mga abuloy na nalilikom na ibinibigay ng mga kaanib sa Iglesia?:

2 Chronica 24:12-13MB "Ang natitipon nilang salapi ay ipinagtitiwala naman ng hari at ni Joiada sa namamahala ng pagpapagawa ng bahay ni Yahweh. Kumuha sila ng upahang mga kantero, karpintero at mga panday-bakal at tanso na magkukumpuni ng mga kasiraan doon.Hindi nilubayan ng mga manggagawa ang kanilang gawain, anupat mabilis nilang naisauli sa dati ang bahay ni Yahweh.

Ang mga nalilikom na mga binibigay na abuloy ng mga kaanib ng Iglesia ay ginagamit sa pagsasa-ayos at pagkukumpuni ng bahay ng Diyos o mga gusaling sambahan. Ginagamit din bilang pambayad sa mga inuupahang mga manggagawa na magkukumpuni ng mga sirang bahagi ng gusaling sambahan. Saan naman napupunta ang mga natitirang mga salapi?

1 Chronica 24:14MB "At nang kanilang matapos, kanilang dinala ang labis ng salapi sa harap ng hari at ni Joiada, na siyang mga ipinagpagawa ng mga sisidlan sa bahay ng Panginoon, sa makatuwid baga'y mga sisidlan upang ipangasiwa, at upang ipaghandog ng hain, at mga sandok, at mga sisidlang ginto, at pilak. At sila'y nangaghandog na palagi ng mga handog na susunugin sa bahay ng Panginoon sa lahat ng mga kaarawan ni Joiada."
Ang mga natitira o mga lalabis na mga salapi ay ibinibili ng mga kagamitan para sa gusaling sambahan. Ginugugol ng Iglesia ni Cristo ang mga nalilikom sa pagsasa-ayos ng mga gusaling sambahan mga maintenance at repair, upang magkaroon ng kaayusan at kagandahan ang mga gusaling sambahan. Bakit pa kailangang ayusin pa ang mga gusaling sambahan?:
2 Chronica 7:16,15 "Hinirang ko at itinalaga ang bahay na ito upang mamalagi rito ang aking pangalan. Pangangalagaan ko at pakamamahalin ang pook na ito magpakailanman.Diringgin ko nga ang mga dalanging gagawin dito ngayon at magpakailanman."

Sapagkat sa mga gusaling sambahan namamalagi ang pangalan ng Diyos. Pinangangalagaan Niya ang mga ito, at dito Niya diringgin ang mga dalanging isasagawa sa kaniyang bahay o sa mga gusaling sambahan. Kaya dapat lang na laging mayroong kaayusan at kagandahan ang mga gusaling sambahan. Kung paanong pangangalagaan ng Diyos ang mga gusaling sambahan, dapat din na ating pangalagaan ang kaniyang tahanan. Napakahalaga ng mga nalilikom mula sa abuloy ng mga kaanib na nagagamit sa pagpapalaganap ng mga salita ng Diyos, pagpapatayo at pagsasaayos ng mga gusaling sambahan. Kahit sa kabila ng mga kahirapang nararanasan ng mga kaanib ay patuloy pa rin sila sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin. Bakit ang mga kaanib ng Iglesia ni Cristo ay patuloy na nakakapagtalaga sa kabila ng mga kahirapan?

2 Corinto 8:1-3,5 MB"Ibig kong ibalita sa inyo, mga kapatid, ang nagawa ng pag-ibig ng Diyos sa mga iglesya sa Macedonia.
Dumanas sila ng matinding kahirapan at ito’y isang mahigpit na pagsubok sa kanila. At sa kabila ng kanilang paghihikahos, masayang-masaya pa rin sila at bukas ang palad sa pagbibigay.

Sila’y kusang-loob na nag-abuloy hindi lamang ayon sa kanilang kaya, kundi higit pa. Alam ko ito pagkat
At higit pa sa inaasahan ko; inilaan nila ang kanilang sarili, una sa Panginoon, at pagkatapos, sa amin, ayon sa kalooban ng Diyos."

Ito ang dahilan kung bakit patuloy na nagtatalaga ang mga kaanib sa kanilang pagbibigay sapagkat ang pagkakaloob nila ay inilalaan nila sa Panginoon. Kusang-loob silang nag-aabuloy na masayang-masaya sapagkat kanilang nauunawaan ang utos na ito ng Panginoong Diyos. Ano ba ang nauunawaan ng mga kaanib ng Iglesia ni Cristo tungkol sa pag-aabuloy?

1 Chronica 29:11-12,14,16 MB "Sa iyo ang kadakilaan, ang kapangyarihan, ang karangalan at ang pagtatagumpay pagkat iyo ang lahat ng nasa langit at nasa lupa. Sa iyo ang buong pamamahala at ikaw ang hari ng lahat.
Sa iyo nagmumula ang kayamanan at ang karangalan. Taglay mo ang kapangyarihan at kadakilaan, at ikaw ang nagbibigay ng lakas at kapangyarihan sa lahat.
“Ngunit sino ako at ang bayang ito? Buong puso kaming nagkakaloob pagkat ang lahat ng ito ay galing sa iyo at ibinabalik lamang namin.
O Yahweh na aming Diyos, ang lahat ng kayamanang ito na natipon namin para ipagpagawa ng iyong tahanan ay sa iyo nga nagbuhat."

Ang mga salapi at mga biyayang natatanggap ng mga kaanib ay ibinabalik lamang nila sa Diyos sapagkat nalalaman nila na lahat ng biyayang kanilang natatanggap ay mula sa Diyos. Ano ang lalong dakilang kapalaran na tatamuhin ng mga nagtatalaga sa pag-aabuloy at paghahandog?

1 Timoteo 6:18-19 "Na sila'y magsigawa ng mabuti, na sila'y magsiyaman sa mabuting gawa, na sila'y maging handa sa pamimigay, maibigin sa pamamahagi; Na mangagtipon sa kanilang sarili ng isang mabuting kinasasaligan para sa panahong darating, upang sila'y makapanangan sa buhay na tunay na buhay."


Kaya sampalatayanan natin na pananagutan nating mga Iglesia ni Cristo ang pagbibigay ng abuloy at handog. Dapat natin itong gawing buong puso, kusang loobm at masaya ang kalooban. Ngunit upang magawa natin ang kusang loob at masaya ang kalooban. Ngunit upang magawa natin ang kusang loob at masayang paghahandog, dapat natin itong ibu- kod at isimpan. Hindi tayo dapat matisod sa pagsasagawa nito dahil ang Diyos ang may utos nito. Bukod dito, ang hala- gang ibinibigay natin ay nanggaling din sa Kaniya. Higit sa lahat, kung nag-aabuloy tayo ay natitipon tayo ng saligan pa- ra sa pagkakamit ng tunay na buhay, na siyang buhay na walang hanggan

8 comments:

  1. Magandang araw. Ginamit po ninyo yung Heb. 13:15-16 na sinasabi dun ang pagaabuloy. Hindi po ba yung pagaabuloy na banggit dyan ay PAGAABULOY O PAGTULONG sa kapwa hindi pagbibigay ng pera sa church? Sumipi po ako ng kaparehos na talata sa ibang salin ganito po ang sinasabi.

    'Kaya't lagi tayong mag-alay ng papuri bilang handog sa Diyos sa pamamagitan ni Jesus, papuring nagpapahayag ng ating pagkilala sa kanyang pangalan. At huwag nating kaligtaan ang paggawa ng mabuti at ang pagtulong sa kapwa, sapagkat iyan ang alay na kinalulugdan ng Diyos. '

    Mga Hebreo 13:15-16 (MBB)

    'Kaya patuloy tayong maghandog ng papuri sa Dios sa pamamagitan ni Jesus. Itoʼy ang mga handog na nagmumula sa mga labi natin at nagpapahayag ng pagkilala natin sa kanya. At huwag nating kalimutan ang paggawa ng mabuti at pagtulong sa iba, dahil ang ganitong uri ng handog ay kalugod-lugod sa Dios. '

    Hebreo 13:15-16 (ASND)

    'Kaya't sa pamamagitan niya ay maghandog tayong patuloy ng alay ng pagpupuri sa Diyos, samakatuwid ay ng bunga ng mga labi na nagpapahayag ng kanyang pangalan. Huwag ninyong kaliligtaan ang paggawa ng mabuti at ang pamamahagi, sapagkat ang Diyos ay nalulugod sa mga gayong handog. '

    HEBREO 13:15-16 (Ang Biblia)

    ReplyDelete
    Replies
    1. alin po ba ang relihiyon nahindi gumagawa ng paghahandog , pagaabuloy, o pag aalay? sino po ang may utos nyan?

      Delete
    2. Malinaw ang pagkakabanggit, AT HUWAG KAKALIMUTAN TUMULONG SA KAPWA,

      Sa tingin niyo ba ang Iglesia ay hindi tumutulong sa kapwa?

      Hindi po kami naghahandog sa Iglesia lamang, kundi SA DIYOS KAMI NAGHAHANDOG.

      Delete
    3. ang pagtulong sa kapwa nabinabanggit diyan ay nasa uring handog o alay... ang paghahandog na ginagawa ay pinangangasiwaan ng mga apostol na namamahala sa iglesia,kaya sa iglesia ni cristo may handog para sa paglingap sa mahihirapkapatid man o hindi, may nakalaan sa pagpapatayo ng mga gusaling sambahan para matulungan ang mga mananamba na mailapit sa kanila ang mga dako ng sambahayan, may nakalaan para sa pagpapalaganap para matulungan ang mga di pa kaanib na makilala ang katotohanan na ikalipigtas kaya ginugugulan ang mga programang pangrelihiyon sa radio,tv,internet,social media, babasahing pasugo at pampleto etc. lahat ng handog ay pinangangasiwaan ng namamahala para matulungan ang kapwa material man o spiritual na pangangailangan.

      Delete
  2. Sa totoo lang naman, paepareho naman tayong may kakayanang magbasa ng bibliya ay unawain ito, maraming pandaraya sa mga nasusulat ang Iglesia ni Manalo. Aminin nyo man at hindi sa dami ng binigay na pasugo ng inyong mga nalinlang iba ang nasusulat sa bibliya kaysa inilalathala ninyo sa inyong pasugo.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Are you sure na lahat ng tao ay makakapag-interpret ng mga nakasulat sa Bible?

      Q: Pinagbabawalan bang magbasa ng Biblia ang mga kaanib sa INC?

      S: Hindi totoo ang sinasabi ng iba na ipinagbabawalang magbasa ng Biblia ang mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo. Walang gayong kabawalan sa amin. Subalit, tinuruan kami na hindi isang "bukas na aklat" ang Biblia—hindi ito bukas para sa sariling pagpapaliwanag (II Ped. 1:19-20; II Tim. 3:7). Ang ebanghelyo o mga salita ng Diyos ay nakalihim sa hiwaga (Roma 16:25). Kaya, hindi lahat ay makapagpapaliwanag ng wasto nitong kahulugan. Ibinigay ng Diyos sa Kaniyang mga sugo at sa Pamamahala na Kaniyang inilagay sa Iglesia ang tamang pagkaunawa sa mga aral Niya at ang karapatan na maipangaral ang mga ito (Mar. 4:11-12; Roma 10:15; Col. 1:25).

      Delete
  3. Hindi ba kayo kinikilabutan, alam kung alam nyo na nanlilinlang kayo ng mga mahihina ang pananampalataya at kaisipan, ang ginagawa ninyo ay kasalanang walang kapatawaan sa Diyos. Kung may takot pa kayo sa Diyos magbago na kayo.

    ReplyDelete
  4. Yong mga mahihina ay yong hindi sumunod sa mga salita ng Dios at ni Cristo, yan yong mga mangmang
    so pano mo sinbing nilinlang ang ka kung ikaw mismo ay walang ponanghahawakan na salita ng Dios? ito ang sabi ng panginoong Jesus

    Mateo 7:24-27
    24 Kaya't ang bawa't dumirinig ng aking mga salitang ito at ginaganap, ay matutulad sa isang taong matalino, na itinayo ang kaniyang bahay sa ibabaw ng bato:
    25 At lumagpak ang ulan, at bumaha, at humihip ang mga hangin, at hinampas ang bahay na yaon; at hindi nabagsak: sapagka't natatayo sa ibabaw ng bato.
    26 At ang bawa't dumirinig ng aking mga salitang ito at hindi ginaganap, ay matutulad sa isang taong mangmang, na itinayo ang kaniyang bahay sa buhanginan:
    27 At lumagpak ang ulan, at bumaha, at humihip ang mga hangin, at hinampas ang bahay na yaon; at nabagsak: at kakilakilabot ang kaniyang pagkabagsak.

    Juan 8:31
    31 Sinabi nga ni Jesus sa mga Judiong yaon na nagsisisampalataya sa kaniya, Kung kayo'y magsisipanatili sa aking salita, kung magkagayo'y tunay nga kayong mga alagad ko;

    Juan 7:17-18
    17 Kung ang sinomang tao ay nagiibig gumawa ng kaniyang kalooban, ay makikilala niya ang turo, kung ito'y sa Dios, o kung ako'y nagsasalita na mula sa aking sarili.
    18 Ang nagsasalita ng sa ganang kaniyang sarili'y humahanap ng kaniyang sariling kaluwalhatian: datapuwa't ang humahanap ng kaluwalhatian niyaong sa kaniya'y nagsugo, ang gayon ay totoo, at sa kaniya'y walang kalikuan.

    Roma 1: 16-17
    16 Sapagka't hindi ko ikinahihiya ang evangelio: sapagka't SIYANG KAPANGYARIHAN NG DIOS SA IKALILIGTAS NG BAWA'T SUMASAMPALATAYA; una'y sa Judio, at gayon din sa Griego.
    17 Sapagka't dito ANG KATUWIRAN NG DIOS AY NAHAHAYAG MULA SA PANANAPALATAYA HANGGANG SA PANANAMPALATAYA: GAYA NG NASUSULAT, Nguni't ang ganap ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya.

    2 Timoteo 3:15-16
    15 At mula sa pagkasanggol ay iyong nalalaman ANG MGA BANAL NA KASULATAN NA MAPAGPADUNONG SA IYO SA IKALILIGTAS SA PAMAMAGITAN NG PANANAMPALATAY KAY CRISTO JESUS.
    16 Ang lahat ng mga kasulatan NA KINASIHAN NG DIOS ay MAPAPAKINABANGAN DIN NAMAN SA PAGTUTURO, SA PAGSANSANLA, SA PAGSAWAY, SA IKATUTUTO NA NASA KATUWIRAN:

    Mahalaga po ang mga salita ng Dios

    ReplyDelete