TUNAY NA LINGKOD

Sunday, October 27, 2013

Filipos 2:6




Filipos 2:6

"Na siya, bagama't nasa anyong Dios, ay hindi niya inaring isang bagay na nararapat panangnan ang pagkapantay niya sa Dios."

Ayon sa maraming tagapagtaguyod ng aral na si Cristo ay Diyos, ang Filipos 2:6 ay isa pang matibay na katunayan na si Cristo ay Diyos. Subalit, ang talatang ito ay ipinaliliwanag na ngayon ng ilang naniniwalang Diyos si Cristo na hindi nagpapakahulugang iisa sa kalagayan ang Diyos at si Cristo. Tunghayan natin ang komentaryo sa talatang ito ng mga naniniwala na Diyos si Cristo:

"... nasa anyong Diyos (hindi ang kalagayan ng pagka-Diyos ang tinutukoy: kundi ang panlabas at hayag sa sarili na mga katangian ng Diyos, ang anyo na nagliliwanag mula sa Kaniyang banal na kalagayan.) ..." (Commentary on the Whole Bible, p. 1305)9
 
    Ayon sa ating siniping komentaryo, ang "nasa anyong Diyos" ay hindi sa kalagayan tumutukoy kundi sa mga katangiang taglay ng Diyos. Kaya hindi maaaring sabihin na ito ay katunayan na ang likas na kalagayan ni Cristo ay Diyos. Hindi dapat ipakahulugan na ang Filipos 2:6 ay katunayan na si Cristo ay Diyos sapagkat ayon na rin sa ilang naniniwalang Diyos si Cristo ay hindi kailanman gagawin, manapa ay iniwasan, ni Apostol Pablo na tawaging Diyos si Cristo. Ganito ang pahayag ni A.N. Wilson sa kaniyang aklat na Jesus: A Life:

"Hindi kailanman tiyakang ipinahayag ni Apostol Pablo na si Jesus ay Diyos bagaman sinabi niya sa mga naakay niya sa Colosas na si Jesus ay ang 'Larawan' ('image' o 'ikon') ng di-nakikitang Diyos ..." (p. 20)10
 
    Ayon na rin sa patotoo mismo ng ilang mga naniniwala na Diyos si Cristo, walang tiyakang pahayag si Pablo na Diyos si Cristo. At ito ay totoo hindi lamang sa aklat ng Filipos kundi sa lahat ng aklat na sinulat ni Apostol Pablo. Ganito rin ang patotoo ng isang teologo na si Georg Kiimmel:
 
"Lalong malinaw mula sa katotohanang iniwasan ni Pablo na tawaging 'Diyos' si Cristo, na wala siyang isipang pagpantayin sila." (The Theology of the New Testament, p. 164)"

Pinatutunayan din ng mga nagsuri sa mga aklat na sinulat ni Apostol Pablo na wala siyang layunin na pa-tunayang Diyos si Cristo, kundi, ang anyayahan ang tao na makibahagi sa kaligtasang dulot ng Panginoong Jesu-cristo:

"... Sa mga doxologia na madalas gamitin ni Pablo sa pagsisimula o pagwawakas ng kaniyang mga sulat, ang konteksto ay tungkol sa liturhiya. Subalit kahit dito ang Diyos Ama at ang Panginoong Jesucristo (Galacia 1:3) ay tiyak na hindi tinatawag na Diyos Ama at Diyos Anak. Para kay Pablo, ang Theos ay nananatiling ultimate horizon para sa pananampalataya sa Christos. Ang sentral na layunin ni Pablo sa kaniyang mga sulat ay hindi upang patunayan na Diyos si Jesucristo kundi anyayahan ang mga tao na makibahagi sa pagliligtas na ginawa ng Diyos sa pamamagitan Niya." (One Christ—Many Religions, p. 122)12
 
Kaya, hindi marapat pagbatayan ang Filipos 2:6 upang patunayan na si Cristo ay Diyos. Hindi nito pinatutunayan na Diyos si Cristo. 

No comments:

Post a Comment